Adyendang neoliberal sa SONA 2020

Sa kanyang nalalapit na State of the Nation Address (SONA) sa Hulyo 27, asahan na muling itutulak ni Rodrigo Duterte ang mga hakbanging neoliberal sa ekonomya upang higit pang pigain ang mga Pilipinong subsob na sa hirap sa gitna ng krisis sa ekonomya. Gaya ng pagratsada sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law, ang mga iskemang ito ay tiyak na ilulusot ng kanyang supermayorya.
Ang mga repormang ito ay binalangkas ng mga teknokrata ni Duterte sa ngalan ng “pagpapasikad” sa ekonomyang dumausdos dulot ng pandemyang Covid-19. Nakatuon ang mga ito sa pag-akit ng dayuhang pamumuhunan, pangungutang at pagpapatupad ng dagdag na mga buwis na papasanin ng mamamayan.
Naglunsad ngayong buwan ang mga upisyal sa ekonomya ni Duterte ng kampanya para agresibong itulak ang ang lubhang pahirap sa masang “Junk Food Tax” na naglalayong buwisan ang samutsaring produktong pagkain. Kabilang na rito ang tuyo at delata na karaniwang pagkain ng mahihirap. Papatawan din ng karagdagang buwis ang mga pinrito at maaalat na pagkain; kendi, minatamis na pagkain at inumin; at mga produktong fastfood. Upang bigyang katwiran ang bagong buwis, tinagurian itong “sin tax” na naglalayon umanong pigilan ang Pilipino na kumain ng hindi masustansyang pagkain. Kung sakaling maipatupad ang batas na ito, dagdag na P72.97 bilyon ang papasanin ng mga konsyumer kada taon. Malaking bahagi nito ang manggagaling sa bulsa ng nakararaming masang anakpawis na silang pangunahing kumokonsumo ng naturang mga produktong pagkain. Dagdag na pabigat ito sa mamamayang nagdarahop sa gitna ng malawakang kawalan ng kabuhayan dulot ng ipinataw na paghihigpit sa panahon ng pandemya.
Nagkukumahog ang mga upisyal ni Duterte sa paghahanap ng mga bagong mabubuwisan upang makalikom ng pondong pambayad-utang. Kamakailan, nagbanta ang Department of Trade and Industry na haharap ng kasong kriminal ang maliliit na negosyante sa internet kung hindi nila iparerehistro ang kanilang mga negosyo at hindi magbabayad ng buwis. Sinundan ito ng pagsabing “iligal” at “kailangang buwisan” ang barter trading (pagpapalitan ng produkto na di gumagamit ng salapi). Umusbong ang mga bagong paraan sa pagbabarter gaya ng “online barter trading” bilang alternatibong mapagkukunan ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ng mamamayan sa harap ng pandemya at restriksyon sa pagtatrabaho.
Noong Hulyo 9, inianunsyo ng Malacañang na nagkasundo na ang Kongreso at mga upisyal ni Duterte sa mga programang bibigyang prayoridad at pondo sa ilalim ng tinaguriang “Bayanihan 2” para diumano pasikarin ang ekonomya. Magiging pangunahing layunin nito ang pagkaltas sa buwis sa mga korporasyon, pagpapabilis sa pagpapatupad sa mga proyektong imprastruktura ng rehimen, at pagpapalawig sa “emergency powers” ni Duterte. (Basahin ang kaugnay na artikulo sa Ang Bayan, Mayo 21.)
Kasabay nito, itinutulak ng mga alipures ng rehimen ang pagpapabilis sa pribatisasyon ng mga pampublikong pag-aari para umano madagdagan ang kaban ng bayan. Inihain ni Senator Francis Tolentino kamakailan ang “Covid-19 Economic Lifeline Act,” isang panukalang batas na binalangkas ng Department of Finance na bubuo sa Covid-19 Privatization Commission. Ito ang mangangasiwa sa pagbebenta ng mga pag-aari ng gubyerno. Noong Abril, binanggit mismo ni Duterte na nais niyang ibenta na ang lupa kung saan nakatirik ang Cultural Center of the Philippines at Philippine International Convention Center, kapwa nasa baybayin ng Manila Bay, na pinaglalawayan ng malalaking kumprador na interesado sa patuloy na reklamasyon sa lugar.