Gutom sa daigdig, pinalala ng pandemyang Covid-19


Tuluy-tuloy na pinalala ng pandemyang Covid-19 ang kagutuman sa mga bansang pinakamatindi ang krisis sa pagkain. Kasabay nito ang paglitaw ng bagong mga sentro ng gutom sa malalaking bansa at hindi ligtas ang mamamayan kahit sa mga imperyalistang bansa. Sa isang pag-aaral ng Oxfam International na inilabas noong Hulyo 9, binigyang pansin nito ang 10 bansang pinakamatindi ang gutom, gayundin ang apat na bansang lumalala ang kagutuman dulot ng pandemya. Ang Oxfam ay kalipunan ng 20 organisasyon sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nakatuon sa usapin ng kahirapan at kagutuman.
Gamit ang estadistika ng World Food Programme, tinataya ng Oxfam na aabot sa 12,000 katao kada araw ang maaaring mamatay sa gutom. Mas mataas ang bilang na ito kaysa sa 10,000 namatay kada araw dahil sa Covid-19 noong Abril na pinakamataas na naitala mula nang manalasa ang pandemya. Tinatayang aabot sa 270 milyon ang makararanas ng matinding kagutuman na mas mataas nang 82% kumpara sa naitala noong 2019 na 149 milyon.
Kabilang sa mga tinukoy na salik ang pagkaantala ng produksyon ng maliitang mga sakahan na nagsisilbing gulugod ng lokal na sistema ng pagkain sa maraming mahihirap na bansa. Apektado ang magsasaka ng mga paghihigpit sanhi ng mga lockdown na humahadlang sa kanilang pagbubungkal, pagtatanim at pag-ani sa kanilang lupa. Hindi rin sila makabyahe patungong mga pamilihan para bumili ng mga binhi at kagamitan sa pagsasaka. Ang pagkaantala ng lokal na produksyon ay nagresulta sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa maraming mga bansa.
Dagdag pa rito, nagresulta ang malawakang pagsasara ng mga ekonomya sa malawakang pagkawala ng mga trabaho sa nakalipas na mga buwan. Sa pinakahuling ulat ng International Labor Organization, tinatayang umabot na sa 305 milyong pultaym na trabaho ang nawala sa buong mundo. Hindi pa saklaw ng taya na ito ang mga nawalan ng trabaho sa impormal na sektor. Ayon sa Oxfam, milyun-milyong mamamayan ngayon ang hindi nakakakain nang sapat dahil sa pagkawala ng kanilang mga hanapbuhay at kawalan ng subsidyo mula sa kani-kanilang mga gubyerno. Inilahad nito na pinakamasidhi ngayon ang kagutuman at krisis sa pagkain sa mga bansang Yemen, Democratic Republic of Congo (DRC), Afghanistan, Venezuela, West African Sahel, Ethiopia, Sudan, South Sudan, Syria at Haiti. Nagsisimula na ring tumindi ang kagutuman sa iba pang mahihirap na bansa gaya ng India, South Africa at Brazil.
Sa gitna ng matinding gutom, patuloy na tumatabo ng kita ang walong pinakamalaking kumpanya sa pagkain at inumin sa buong mundo. Tinukoy ng Oxfam na mula Enero ngayong taon, namahagi ng kabuuang $18-bilyong dibidendo ang Coca-Cola ($3.5 bilyon), Danone ($1.35 bilyon), General Mills ($594 milyon), Kellogg ($391 milyon), Mondelez ($408 milyon), Nestlé ($8.2 bilyon para sa buong taon), PepsiCo ($2.7 bilyon) at Unilever (tinatayang $1.2 bilyon). Anito, ang halagang ito ay sampung beses na mas malaki sa hinihiling ng United Nations na tulong para mapakain ang pinakagutom na mga mamamayan.