Sa likod ng mapagkawanggawang mukha ng SMC


Ipinagmamayabang ng San Miguel Corporation (SMC) ang kaliwa’t kanang kontribusyon nito sa laban diumano sa pandemyang Covid-19. Pero sa likod ng mapagkawanggawang mukha nito, dala nito’y pang-aapi sa mamamayan sa walang kabusugang pagkakamal ng mas dambuhala pang kita. Habang abala ang tagapangulo nitong si Ramon Ang sa pagbibigay ng donasyon, abala rin ang kanyang mga tauhan sa pagpapalayas sa libong maralita sa kanayunan, magsasaka at mangingisda.
Hindi alintana ang pandemya, bantang pagpapalayas ang “donasyon” ng SMC sa 3,000 residente sa mga barangay ng Castañas, Guisguis San Roque, Guisguis Talon, at Talaan Aplaya sa Sariaya, Quezon para bigyang daan ang pagtatayo ng coal-fired power plant nito sa lugar. Nagsimula nang palayasin ang mga residente sa Sityo Tayawak, Barangay Castañas noong Hulyo 6. Noong 2018, inaprubahan ng lokal na gubyerno ang proyekto matapos suhulan ng SMC ang mga myembro ng konseho ng prubinsya. Liban sa planta sa enerhiya, balak ng SMC na magtayo ng planta ng semento at beer, gayundin ng pantalan sa Sariaya.
Bago nito, pinalayas ng SMC ang 400 pamilya sa Taliptip, Bulakan, Bulacan, para bigyang daan ang Aerotropolis, ang proyektong paliparan na pinahintulutan ni Duterte. Pinalabas ng kumpanya na kusang umalis ang mga mangingisda, pero ang totoo ay binantaan silang walang matatanggap na kumpensasyon kung hindi sila lumayas sa lugar. Katuwang ng SMC ang lokal na gubyerno ng Bulacan at 48th IB sa pagpapalayas sa mga residente. Sisirain ng Aerotropolis ang kabuhayan ng 1,000 mangingisda at 2,500 ektaryang bakawan na mahalaga sa sistema ng ekolohiya ng Manila Bay.
Ang Aerotropolis ay isang “unsolicited proposal” o proyektong inihapag ng isang pribadong kumpanya at hindi bahagi ng plano ng gubyerno. Ipinampalit ito ng rehimeng Duterte sa planong rehabilitasyon ng kasalukuyang internasyunal na paliparan sa Metro Manila.
Isa si Ang sa oligarkong tanggap na tanggap ni Rodrigo Duterte. Itinuturing niya itong “malapit na kaibigan” lalupa’t bilyun-bilyon na ang naging “donasyon” ng SMC sa iba’t ibang proyekto ng mapanupil na rehimen. Kabilang dito ang P2 bilyong pondo para sa drug rehabilitation center sa ilalim ng “gera kontra-droga,” P330 milyong donasyon sa mga pamilya ng mga sundalong namatay o nasugatan sa pananalakay nito sa Marawi at dagdag na P2.52 bilyon para sa “rehabilitasyon” ng Marawi at mga lugar sa Davao na winasak ng madugong kampanyang kontra-insurhensya ng AFP.
Sa panahon ng pandemya, ipinagmamayabang ng SMC na P13 bilyon na ang katumbas ng ipinamahagi nitong ayuda sa iba’t ibang sektor na nangangailangan. Itinuring nitong “ayuda” ang P3 bilyon na kumpensasyon sa sariling mga manggagawa at pagtatayo ng isang pribadong testing center na para rin sa mga manggagawa ng kumpanya. Ang buong P13 bilyon ay ituturing na buwis ng kumpanya sa estado, alinsunod sa kautusan ni Duterte na ibawas sa babayarang buwis ang mga donasyon—pera, bagay o serbisyo—na may kaugnayan sa pandemyang Covid-19.
Kapalit nito, iginawad ng rehimen ang pinakamaraming kontrata sa SMC sa ilalim ng programang Build, Build, Build. Liban sa Aerotropolis, ibinigay sa SMC ang konstruksyon ng Skyway 3, Skyway Extension, Skyway 4, MRT-7 at TPLEX. Ang MRT-7, dating hawak ng mga Ayala, ay nagpalayas sa 300 pamilya at responsable sa ektrahudisyal na pamamaslang sa mga lider-magsasaka sa San Jose del Monte, Bulacan. Nakatakda itong magpalayas sa dagdag na 40,000 residente ng Caloocan City. Ang mga proyektong nabanggit ang ilan sa mga dahilan ng pagmamadali ni Duterte na luwagan ang restriksyon sa subsektor ng konstruksyon bago pa ang ibang industriya sa ilalim ng lockdown.
Noong 2019, nagtala ang SMC ng P1.02 trilyong netong benta at P48.6 bilyong netong kita. Sa gitna ng pandemya, plano nitong magtayo ng 12 karagdagang pabrika ng pakain ng hayop, pabrika ng beer sa Cagayan de Oro City at Laguna. Balak din ng kumpanya na dagdagan ang mga pasilidad sa bagong-bili nitong Masinloc Power Plant sa Zambales. Malaking bahagi ng kumpanya ay pagmamay-ari ng pamilya ni dating Eduardo Cojuangco, isa sa pinakamalaking kroni ng diktadurang Marcos.