Pasistang mga sundalo at pulis, binigwasan sa Negros, Palawan at Sorsogon


Hindi bababa sa 14 ang patay at 10 ang sugatang sundalo at pulis ng rehimeng US-Duterte sa mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula Hulyo 8-16.
Sa Negros Occidental, 12 sundalo ang patay at apat ang sugatan nang tambangan ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr. Command) ang 15th IB noong Hulyo 8. Isinagawa ang taktikal na opensiba sa Barangay Pinggot, Ilog.
Notoryus ang 15th IB sa pagsasagawa ng brutal na mga operasyong SEMPO sa Southern Negros. Mga sundalo nito ang may pakana ng mga pagpaslang, pagbabanta at sapilitang pagpapasuko sa mga magsasaka sa lugar.
Samantala, dinisarmahan naman ng BHB-South Central Negros ang pamilya ng isang bandido sa Sityo Binadlan, Barangay Bi-ao, Binalbagan noong Hulyo 14. Nasamsam mula sa kanila ang isang ripleng M16, shotgun, .45 at .38 kalibreng mga pistola, mga bala at radyong pangkomunikasyon. Sangkot ang mga bandido sa pang-aagaw ng lupa, paglabag sa karapatang-tao at iba pang mga anti-sosyal na aktibidad mula pa noong 1990.
Magkasunod na ambus naman ang isinagawa ng BHB-Palawan sa Taytay, Palawan noong Hulyo 12 at 13. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang sasakyan ng Philippine National Police (PNP) habang binabaybay nito ang kahabaan ng kalsada sa Sityo Ibangley, Barangay Abongan noong Hulyo 12. Lulan ng sasakyan ang hepe ng PNP sa bayan ng Dumaran at isa pang pulis.
Kinabukasan sa parehong lugar, inambus ng hukbong bayan ang nagrespondeng mga sundalo ng MBLT 3. Isang sundalo ang napatay at tatlo ang sugatan.
Sa Sorsogon, apat ang kaswalti sa dalawang araw na mga operasyong haras ng BHB laban sa mga sundalo at pulis na nagsasagawa ng “Community Support Program” sa limang bayan ng prubinsya.
Noong Hulyo 14, bandang alas-6 ng gabi, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang nag-ooperasyong mga sundalo sa Barangay Calpi, Bulan. Isa ang napatay at isa rin ang sugatan sa mga tropa ng 91st CMO Company. Nang gabi ring iyon, pinaputukan ng BHB ang mga sundalo sa karatig na barangay ng Calmayon sa Juban.
Noon namang Hulyo 16, dalawang elemento ng PNP 9th Special Action Battalion ang sugatan nang paputukan sila ng BHB sa Barangay Tula-tula Sur, Magallanes.
Bago nito, noong unang linggo ng Hulyo, pinaralisa ng BHB-Masbate ang mapaminsalang operasyon ng Matibay Cement Factory sa Barangay Casabangan, Pio V. Corpuz. Winasak ng mga Pulang mandirigma ang mga kagamitan ng kumpanya sa pagmimina.
Isinasapanganib ng naturang kumpanya ng semento ang buhay at kabuhayan ng mga residente sa 11 barangay sa magkatabing bayan ng Pio V. Corpuz at Esperanza. Daan-daang ektaryang lupang sakahan at tirahan ang sisirain ng pabrika upang minahin ang depositong apog sa lugar. Magtatayo rin ng planta ng kuryente para sa tuluy-tuloy na operasyon ng kumpanya. Ang plantang ito ay patatakbuhin ng karbon, na magdaragdag sa polusyon sa lugar.