Justice Carpio: Hindi pwedeng ideklarang terorista ang PKP, BHB


Iginiit ng isang dating upisyal ng Korte Suprema na hindi pwedeng ideklarang terorista ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng bagong batas na Anti-Terror Act (ATA).
Inilahad ni dating Associate Justice Antonio Carpio ang pananaw na ito bilang reaksyon sa sinabi ni Duterte na “terorista ang PKP dahil iyon ang sabi ko” at sa ginawa namang paglilinaw ni Sen. Panfilo Lacson na korte lang ang pwedeng gumawa ng pormal na hatol na terorista ang isang organisasyon. Ani Carpio, mali kapwa si Duterte at Lacson dahil mga “rebelde” at hindi terorista ang PKP at BHB.
Pinunto ni Carpio na sa ilalim ng ATA, “ang mga rebelde ay hindi terorista at hindi pwedeng ideklarang mga terorista.” Tinukoy niya na ang rebelyon ay hindi itinuturing ng ATA na “predicate crime” o salalayang krimen ng terorismo. Naiiba ito sa dating Human Security Act (HSA) of 2007 na nagsasaad na ang rebelyon ay isa sa krimeng kabilang sa terorismo. Ipinalit ang ATA sa HSA.
Dagdag ni Carpio, ang rebelyon, na may layuning “alisin ang katapatan ng alinmang teritoryo o pwersang militar ng Pilipinas mula sa gubyerno,” ay naiiba sa depinisyon ng terorismo sa ATA. “Ang mga rebeldeng PKP/BHB, na klarong may layuning rebelyon, ay hindi mga terorista sa ilalim ng ATA, at dahil dito, hindi sila pwedeng ituring ng korte, bilang indibidwal man o grupo, na mga terorista sa ilalim ng ATA,” dagdag ni Carpio.
Sa gayon, lalong malinaw na ipinasa ang ATA para supilin ang mga pwersa at aktibistang hayag na kumokontra sa rehimen. Marapat lamang na kwestyunin nila sa mga korte ang batas, lalupa’t nilalabag nito ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng mga batas ng bansa.
Taliwas sa pinalalaganap ng mga upisyal ng rehimen, wala sa listahan ng mga terorista ng United Nations Security Council, Australia, United Kingdom at Canada ang Partido at hukbong bayan.