Magkaisa at magtulungan para wakasan ang tiraniya ni Duterte


Translation/s: Bisaya | English
Dapat konsolidahin ng lahat ng demokratikong pwersa ang kanilang hanay at suportahan ang isa’t isa sa kanilang mga demokratikong pakikibaka laban sa rehimeng Duterte. Kailangang-kailangan ngayon ang pagkakaisa sa harap ng sunud-sunod na pagsalakay ng tirano sa interes ng bayan.
Noong Hulyo 10, ipinatupad ng sunud-sunurang kongreso ang utos ni Duterte na ipasara ang ABS-CBN, bilang hakbanging personal na paghihiganti laban sa midyang naging daan sa kritisismo sa rehimen. Isa itong hambalos sa kalayaan sa pamamahayag at malinaw na banta sa mga midyang naninindigan laban sa tiraniya. Binibigyan-daan din ng pagpapasara sa ABS-CBN ang tangkang pag-agaw dito ng mga oligarkong pinapaburan ni Duterte.
Bago nito, pinirmahan ni Duterte ang kanyang batas sa terorismo na malala pa sa batas militar ni Marcos noong 1972. Inangkin niya ang kapangyarihang arestuhin nang walang mandamyento at ibimbin ang sinuman nang 24 na araw na walang kaso at walang karapatang magtanggol sa sarili. Bubuuin niya ang Anti-Terrorism Council (ATC) na may kapangyarihang ituring ang sinuman na “terorista,” “naka-ugnay” o “sumusuporta sa terorismo” gamit ang malabo at lubhang masaklaw na depinisyon ng batas. Dudugtong ang ATC sa NTF-ELCAC para konsolidahin ang huntang militar ni Duterte.
Pagkalipas lamang ng ilang araw, umatake ang mga pwersa ng estado sa buong bansa. Sa Masbate, minasaker ng pulis at militar ang tatlong magsasaka. Sunud-sunod din ang kaso ng pag-aresto at paninindak sa mga aktibista at tagapagtaguyod sa karapatang-tao sa Bicol at Maynila. Minamanmanan ng mga pulis ang mga demonstrasyon, pati na ang mga misang Katoliko, sa ngalan ng pagpapatupad ng hakbanging pampandemya.
Ngayong hawak ng estado ang batas sa terorismo, mas marami pa ang aatakehin ni Duterte sa darating na mga linggo at buwan. Tanda ito ng desperasyong supilin ang kumukulong galit at lumalakas na protesta ng bayan laban sa palyadong pagharap sa Covid-19, lumulubhang korapsyon, pagwasak sa ekonomya at pagwawalambahala sa kabuhayan at kagalingan ng bayan. Nagkukumahog siyang itulak ang iskemang itatag ang isang pasistang diktadura at siguruhin ang pagpapalawig lagpas sa 2022 ng kanyang paghahari o ng kanyang pipiliing tagahalili.
Dapat harapin at puksain ang halimaw na si Duterte ng higanteng kapangyarihan ng bayan para ipangibabaw ang sa demokrasya at kalayaan. Upang makapagpalakas, dapat kumilos bilang isa ang iba’t ibang sektor. Dapat suportahan ang kahilingan ng bawat isa. Sa ganitong paraan lamang matitipon ang lakas at tapang para tumindig laban sa tiraniya.
Habang isinisigaw ang pagbabasura sa batas sa terorismo at ang pagbabalik sa ere ng ABS-CBN, dapat ding suportahan ang sigaw ng mga nars at manggagawang pangkalusugan para sa proteksyon at dagdag-sweldo at libreng mass testing para masawata ang pandemya; ng mga drayber ng dyip para makabalik-pasada, at ng mga manggagawa para sa dagdag sahod at kaligtasan sa trabaho. Dapat sabay-sabay nilang igiit ang subsidyo para sa milyong nawalan ng trabaho at kita at maliliit na negosyong nalugi dahil sa lockdown. Dapat silang makiisa sa sigaw ng mga magsasaka at mangingisda laban sa mapangwasak na mga proyektong pang-imprastruktura, mina at iba pang negosyong magpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga tahanan, lupa at pangisdaan; ng mga katutubo at masa sa kanayunan laban sa okupasyong militar sa kanilang mga komunidad, paninindak at mga brutal na kampanya ng pamamaslang, pagdakip, pambobomba, panganganyon at pag-abuso sa karapatang-tao na tatak ng kontra-insurhensya ng rehimen; ng mga bata, kabataan at mga titser para ligtas na buksan ang mga eskwelahan; at ng mga migrante para sa ayuda at ligtas na pag-uwi.
Mabangis pero maysakit at naghihingalong halimaw si Duterte. Sinamantala niya ang pandemya upang angkinin ang malawak na kapangyarihan, at magkamkam ng yaman sa pamamagitan ng korapsyon sa pondong pampubliko. Pinaluhod niya ang malaking negosyo sa pagbabantang ipasasara o aagawin ang kanilang ari-arian at operasyon. Ipinailalim niya ang buong populasyon sa batas militar na paghihigpit na sanhi ng malawakang pagdurusa at paghihirap. Ilampunglibo ang hinuli sa ngalan ng “kalusugang pampubliko.” Pinatay niya ang mga aktibista at ikinulong ang mga kritiko. Ilambilyong pisong mga eroplano, helikopter, kanyon at iba pang gamit pandigma ang binili, habang nangutang ng $5 bilyong para sa kanyang pinapaburang mga proyektong pang-imprastruktura sa kapinsalaan ng lokal na ekonomya at kabuhayan ng bayan.
Subalit tuwing hinahambalos ni Duterte ang bayan, lalo siyang nahihiwalay sa mamamayan. Nang inatake niya ang kalayaan sa pamamahayag sa pagpapasara sa ABS-CBN, sumiklab ang galit ng mga mamamahayag at manggagawa sa midya, pati na ng buong bayan. Nang pinirmahan niya ang batas sa terorismo, ginalit niya hindi lamang ang sambayanang Pilipino, kundi pati ang mamamayan at mga organisasyon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ibayong galit ang sisiklab sa balak na itulak ang pagbabago sa konstitusyon upang pahintulutan ang mga dayuhan na 100% ariin ang mga empresa at lupa, gayundin, para alisin ang mga hangganan sa pananatili sa poder upang bigyang daan ang pananatili ni Duterte sa kapangyarihan lagpas sa 2022.
Malawak na hanay ng mga demokratikong pwersa ang ngayo’y nakatindig laban sa tiranikong rehimen ni Duterte, mula sa patriyotiko at demokratikong mga organisasyon, alyansa at kilusang masa; hanggang sa mga pwersa ng konserbatibong oposisyon, pati na ang simbahang Katoliko, malaking negosyo at yaong lihim na nasa burukrasya at sa AFP at PNP.
Dapat pasiklabin ang mga martsa sa lansangan at malalaking demonstrasyon sa mga darating na linggo at buwan upang salagin ang teroristang hambalos ng rehimen. Habang mas malaki at madalas ang mga demonstrasyon, lalong malamang na mag-aalis ng suporta sa rehimen ang disgustadong mga upisyal ng militar at pulis, gayundin ang internasyunal na komunidad, at itutulak ang proseso ng paghalili alinsunod sa konstitusyong 1987.
Lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng Partido ay kaisa sa hangarin ng sambayanang Pilipino na makitang wakasan ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng tiranikong rehimen. Habang nagsasagawa ng serbisyo para sa kalusugang pampubliko at kabutihang pang-ekonomya sa masang magsasaka, ang mga armadong rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng Bagong Hukbong Bayan ay dapat maglunsad ng mga taktikal na opensiba para ipagtanggol ang bayan laban sa teroristang mga hambalos ng rehimeng Duterte.
Sa gitna ng pandemyang Covid-19, ang patuloy na prayoridad ng rehimen sa pagtatatag ng pasistang diktadura ay nagsasapeligro kapwa sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan at sa kanilang kalusugan. May malawak na pagkakaisa na dapat tapusin na ang paghahari ng tirano. Dapat mahigpit na magkaisa at manindigan na ang bayang Pilipino!