Bantay Karapatan: Pang-aatake sa mga aktibista, nagpapatuloy
Isang pari at isang aktibistang pangkalikasan ang naalarma sa mga pagbabanta sa kanilang buhay ng mga pwersang panseguridad ng estado.
Pinuntahan si Rev. Edwin Egar, pastor ng United Church of Christ in the Philippines at Interim officer ng Karapatan Timog Katagalugan, ng mga elemento ng 59th IBPA sa kanyang tinutuluyang bahay sa Batangas sa loob ng dalawang magkasunod na araw, Oktubre 31 at Nobyembre 1. Sapilitan siyang pinasusuko ng mga berdugo dahil isa umano siyang supporter ng BHB. Pananakot pa ng mga pasista, nakuha ang pangalan niya sa isang “dokumento ng BHB mula sa Bondoc Peninsula, Quezon”.
Sa sumunod na araw, Nobyembre 2, nakatanggap ng ulat ang Karapatan TK na maglulunsad ang AFP at PNP ng isa na namang operasyong “one time, big time” na kahalintulad sa naganap na Bloody Sunday noong Marso 7, 2021.
Noong Nobyembre 10 naman, inulat ni Rodney Galicha ng Living Laudato Si’ na may opisyal ng pulis na pumunta sa kanyang tahanan sa Romblon. Si Galicha ay dumalo sa pagpupulong ng COP27 sa Egypt upang ipaabot ang karaingan laban sa pagmimina nang maganap ang insidente. Ang Living Laudato Si’ ay isang grupong makadiyos at makakalikasan.
Samantala, nanawagan ang National Council of Churches in the Philippines na ibasura ang mga kasong isinampa laban kay Rev. Glofie Baluntong, superintendent ng United Methodist of Church sa distrito ng Oriental Mindoro-Romblon-Marinduque. Si Baluntong ay kabilang sa mga taong simbahan na sinampahan ng mga gawa-gawang kasong attempted murder at mga paglabag sa Anti-Terror Act of 2020. Higit dalawang dekada na siyang naglilingkod sa mamamayang Mindoreño, laluna sa hanay ng mga katutubong Mangyan.###