Palayasin ang pwersang militar ng US sa Palawan
Nitong Nobyembre, ipinadala ng imperyalismong US si Vice President Kamala Harris sa Pilipinas bilang hakbang sa paggigiit ng geopulitikal na paghahari nito sa Asia-Pacific. Nais nitong palakasin ang presensyang militar sa rehiyon at patibayin ang mga nakalatag nitong base at depensa sakaling pumutok ang gera sa China. Susi sa estratehikong militar ng US na bumase sa mga probinsya ng Pilipinas na nakaharap sa China—at isa rito ang Palawan.
Kaya’t sa likod ng mga gimik na interaksyon ni Harris sa mga Palaweño at hungkag na pamamahayag sa pagiging kakampi ng US laban sa China, sinelyuhan ang pakanang dagdagan ang mga base militar ng US sa bansa at paunlarin ang mga kasalukuyang base nito. Itinulak ang pagpapasaklaw at pagpapasahol sa mga tratadong militar tulad ng Visiting Forces Agreement at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ipinangako ng gubyernong Biden ang $66.5 milyon para sa mga target na bagong base at $100 milyon na pautang para sa mga gamit-militar.
Malugod na inalok ng AFP bilang pwestuhan ng limang panibagong pasilidad militar ng US ang Palawan (1), kasama ng mga probinsyang Cagayan (2), Isabela (1) at Zambales (1). Dagdag ito sa mga kasalukuyang baseng militar na ginagamit ng US sa isla—ang Naval Station Carlito Cunanan (NSCC) ng Philippine Navy (PN) sa Oyster Bay sa loob ng Ulugan Bay at ang Antonio Bautista Air Base (ABAB), kapwa nasa Puerto Princesa City.
Perwisyo at pinsalang hatid ng mga base ng US
Gaya ng ginawa ngayon ni Harris, personal ding pumunta ng Pilipinas si dating US President Barack Obama para isara ang kasunduang EDCA sa rehimeng US-BS Aquino noong 2014. Ginamit na tabing para rito ang pagpapalakas umano sa kapasidad militar sa harap ng panghihimasok ng China sa karagatan at teritoryo ng Pilipinas. Resulta nito, dalawang sayt sa Palawan ang itinalagang base ng US. Naunang inihain ang NSCC sa Oyster Bay noon ding 2014 habang inilutang ang paggamit ng US sa ABAB pagdating ng 2015.
Ideyal na postehan ang Oyster Bay laban sa China. Nasa 160 km ang layo nito mula sa Spratly Islands na madalas himpilan ng mga barkong Chinese. Ang pagpili rito ay ehemplo umano ng patakarang “Frontline First” ng PN sa pagdedepensa sa bansa. Nagkumahog ang PN na kumpunihin ito at gumastos ng pinakamababang P500 milyon sa proyektong ito. Ipinagmalaki ni Commodore Joseph Rostum Peña na magiging “mini-Subic” ang Oyster Bay.
Hindi sang-ayon ang mga residente sa plano ng PN. Buhat nang magsimula ang konstruksyon, ipinagbawal ang pangingisda rito. Bago buksan sa US ang look, nagpahayag ang apat sa limang lider ng barangay ng pagtutol sa pagiging “mini-Subic” ng look dahil ayaw nilang magkaroon ng mga inuman at bahay-aliwan sa lugar. Sa tuluyang pagbase ng mga dayo, naitayo ang mga dekadenteng negosyo at tumaas ang kaso ng prostitusyon at sex trafficking sa lugar.
Taliwas ang pagtransporma sa Oyster Bay bilang base ng US sa naunang programa ng lungsod na ipreserba ang mayamang katubigan at bakawan sa lugar. Noong 2009, dinemolis pa nga ang aabot sa 500 bahay sa paligid ng Oyster Bay bilang hakbangin sa pagtatakda sa look at buong Ulugan Bay bilang wildlife sanctuary. Nabalewala ang pagiging sanctuary nito nang payagan ang mga pwersa ng US na bumase rito. Napinsala ang mga isda at halamang-dagat bunsod ng polusyon ng mga sasakyang pandigma at pambubulabog ng mga ehersisyo’t aktibidad militar. Pinutol din ang mga puno sa lugar para sa konstruksyon ng kalsada at nagsagawa ng reklamasyon sa loob.
Bago naman magtapos ang rehimeng US-BS Aquino ay ipinirmi nito ang ABAB bilang isa sa limang baseng ipapagamit sa US sa ilalim ng EDCA. Mula noon, nagsilbi na ang ABAB bilang lapagan ng mga eroplano ng US at bagsakan ng mga suplay para sa dayuhang tropa. Dito lumapag ang MV-22 (Osprey) aircraft ng US Marine Corps na naghatid ng mga sundalong lalahok sa Marine Exercise o MAREX 22 nitong Enero 2022.
Banta sa kapayaan at seguridad
Ginagamit na tuntungan ng US ang pang-aagaw ng China sa teritoryo ng Pilipinas para bigyang matwid ang pagbase at panghihimasok ng mga pwersa militar nito. Mapanlinlang ang katwirang ito dahil kung tutuusin, dayuhang kapangyarihan din ang US na walang karapatang maglagak ng mga pwersa militar sa ibang soberanong bansa gaya ng Pilipinas. Tunay na ang itinataguyod na “alyansa” ng US-GRP ay walang iba kundi patuloy na pang-aalipin ng imperyalismong US sa Pilipinas.
Ibayong magdurusa ang mga Palaweño oras na ipatupad ang pakanang bagong base ng US sa isla-probinsya. Ipinakikita ng karanasan ng mga taga-Ulugan Bay at Puerto Princesa na malaking disbentahe sa kabuhayan, kalikasan at komunidad ang pagpapasok ng mga pwersa ng US. Hindi pa man nakababangon ang mamamayan ng isla mula sa hagupit ng mga kalamidad, pandemya at ng pinaigting na militarisasyon sa ngalan ng kontra-rebolusyonaryong gera ay dadagan ang panibagong pahirap sa kanila. Tiyak na kaakibat ng pagtatayo ng base ang demolisyon ng mga tahanan, paglilimita sa akses o zoning sa sayt at iba pang paglabag sa karapatan ng mamamayan at buong komunidad.
Higit sa lahat, inilalagay nito sa balag ng alanganin ang buhay ng mamamayan. Malaking pangamba ang dala ng pagbase ng US lalo’t tumitindi ang tensyon sa West Philippine Sea at Asia-Pacific. Malinaw na pang-uupat ng gera ang madalas na pagdaraos ng pagsasanay ng US at mga kaalyadong bansa nito sa katubigang katabi mismo ng China at maging sa loob ng Pilipinas. Ang Palawan mismo ay isa sa mga paboritong paglunsaran ng mga amphibious exercises ng mga tropang Amerikano at Pilipino. Maiipit sa gera ang mga Palaweño sakaling patulan ng China ang US at sumiklab ang digma sa rehiyon.
Dapat kumilos ang mamamayan upang tutulan at pigilan ang paggamit sa Palawan at sa buong bansa bilang lunsaran ng digmang agresyon ng imperyalismong US sa Asia-Pacific. Lalo itong kinakailangan sa panahon ng ilehitimong rehimeng Marcos II na walanghiyang nagpipresinta bilang sagad-sa-butong traydor sa bayan at tuta ng US. Tanging ang malakas na anti-imperyalistang pakikibakang nakakawing sa anti-pyudal at anti-pasistang pakikibakang bayan ang makapipigil sa maitim na balakin ng imperyalismo sa Pilipinas.###