[Editoryal] DRB, tanging solusyon sa imperyalistang agresyon
Walang kaparis na kahirapan ang dinaranas ng mamamayan ng daigdig sa kasalukuyang panahon. Sumisirit ang implasyon, pumuputok ang mga armadong tunggalian at pasistang panunupil ng mga kolonya’t malakolonyang estado sa pang-uudyok ng imperyalismo. Kahirapan ang dulot ng krisis ng labis na produksyon. Napakataas ang konsentrasyon ng kayamanan ng mundo sa iilan resulta ng pribadong pag-angkin ng burgesya at iilan sa produkto ng mga manggagawa at mamamayan. Hinog ang kalagayan para sa pagsulong ng pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo at pagtatagumpay ng pandaigdigang rebolusyon.
Ang grabeng krisis ay nagtutulak lalo sa agawan sa rekurso at teritoryo ng dalawang mayor na bloke sa daigdig: una ang imperyalismong US, kaalyado ang mga imperyalistang United Kingdom, Germany, France, Australia at Japan; at ikalawa ang rebisyunistang China at Russia. Ibinunsod ng paglala ng girian ng mga ito ang kabi-kabilang gerang agresyon at proxy na nagpapahirap sa mga mamamayan ng mundo.
Upang sawatahin ang paglakas ng karibal nitong imperyalistang China, estratehikong pumihit ang US sa Asya noong 2008. Binalangkas ng administrasyong Biden ang Indo-Pacific Strategy para gamitin ang lahat ng mga pwersa nito sa Asya at buong mundo laban sa China. Kinonsolida ng US ang sariling hegemonya at impluwensya sa rehiyon sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga pormasyong Quad (Quadrilateral Security Dialogue, kasama ang India, Japan at Australia) at AUKUS (Australia-United Kingdom-US). Lalo nitong pinahigpit ang kontrol sa mga bansang South Korea, Thailand, Pilipinas at Japan.
Pinakamalimit ngayong taon ang mga ehersisyong militar ng US at mga kaalyado nito sa iba’t ibang lugar sa palibot ng China. Paulit-ulit din ang paglalayag ng mga barkong pandigma sa South China Sea at Taiwan Strait sa ngalan ng freedom of navigation. Tinurang pinakamalaki sa kasaysayan ang mga isinasagawang military drill sa saklaw ng rehiyon ngayong taon: Keen Sword sa Japan (36,000 tropa) at Ulchi Freedom Shield sa South Korea (mahigit 67,500 tropa). Bukod pa rito ang mga katulad na mga pagsasanay sa Thailand na CARAT, Garuda Shield sa Indonesia, Cape North sa Australia, Valiant Shield sa Guam at iba pang teritoryong isla ng US sa Pacific. Sa Pilipinas, halos buwan-buwan ang ehersisyong militar ng AFP kasama ang mga tropa ng US at iba pang mga kaalyado nitong bansa. Ang mga ito ang Balikatan Exercises 2022, Balance Piston 22-3, MAREX, MASA, KAMANDAG at SALAKNIB.
Samantala, lantarang pang-uupat sa China ang sunud-sunod na pagbisita ng matataas na opisyal ng US sa rehiyon. Isinagawa ang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi at iba pang opisyal sa Taiwan noong Agosto. Nito namang Nobyembre, nagkaroon ng isang-linggong byahe si US President Joe Biden sa Timog silangang Asya at si US Vice President Kamala Harris sa Japan, South Korea, sa pulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation sa Thailand at pinakahuli sa Pilipinas.
Layunin ng pagdalaw ni Harris sa Pilipinas mula Nobyembre 22-24 ang pagtitiyak at pagpapalakas ng tuluy-tuloy na ugnayang militar at kasunduang pang-ekonomya ng dalawang bansa pabor sa US. Iniluwal nito ang pagdadagdag ng lima pang base militar sa Pilipinas sa ilalim ng Enhanced Defence Cooperation Agreement (EDCA) kung saan ang isa ay ilalagay sa Palawan. Gasgas nang ikinakatwiran ng US ang pagpoprotekta sa Pilipinas laban sa China bilang batayan ng pagdadagdag ng mga base sa Pilipinas.
Ang pang-uupat ng US ng gera sa Asia-Pacific kagaya ng ginawa nito sa Ukraine laban sa Russia ay desperadong hakbang para makabawi sa kanyang bagsak na ekonomya sa pamamagitan ng pagbebenta ng armas. Pinakamalaki ang kinikita ng military industrial complex ng US sa buong mundo. Ngayong 2022, umaabot sa $480.6 bilyon ang pinagsamang kita ng limang nangungunang pinakamalaking kumpanya sa depensa sa buong mundo na pulos kumpanyang US.
Nasa walang katapusang resesyon ang ekonomya ng US at iba pang mga imperyalistang bansa. Samantala, ang pagkalugmok ng mga ekonomya at pagiging mga imperyalistang bansa ng China at Russia dulot ng pagtataksil ng mga modernong rebisyunista sa dakilang adhikain ng sosyalismo at komunismo ay lalupang nagpapabilis sa krisis at pagkabulok ng imperyalismo.
Inihudyat ng sumasahol na kalagayan ng mamamayan ng daigdig ang sunud-sunod na malawakang pagkilos ng mga bayan laban sa imperyalismo. Tampok ang malalaking mobilisasyon sa mga kapitalistang bansa: ang pakikibaka laban sa mahigpit na lockdown sa China, mga welga ng mga manggagawa sa pampublikong sektor dahil sa tumitinding implasyon sa United Kingdom, strike ng mga guro at manggagawa sa US para sa sahod at kaseguruhan sa trabaho. Pumutok din ang mga mobilisasyon ng mga manggagawa at magsasaka sa India laban sa mga neoliberal na patakaran. Labis na nabangkarote naman ang ekonomya ng Sri Lanka kaya naglunsad ng malawakang pagkilos ang mamamayan nito para tutulan ang sumisirit na presyo ng langis at batayang bilihin. Patuloy na sumusulong ang armadong pakikibaka sa mga bansang India, Turkey, Kurdistan, Palestine at Pilipinas.
Kaya nakatutok ang isang talim ng pagpapahigpit ng kontrol ng US sa Pilipinas ang layunin nitong supilin ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na nagbabandila ng armadong anti-imperyalistang pakikibaka. Nakabalangkas sa US Counter-insurgency Guide ang anti-komunistang gera ng GRP at pasistang NTF-ELCAC. Ayon sa kumpas ng US, isinabatas ang Anti-terror Law upang gawing sandata ng panunupil. Naghahasik ito ng terorismo sa bayan para gupuin ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan. May ilan pang mga kasong lumalahok mismo ang mga tropang militar ng US sa mga kontra-gerilyang operasyon ng AFP. Sa ganito, nagiging direktang sangkot ang US sa dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang tao ng AFP-PNP at rehimeng Marcos-Duterte.
Marapat na makiisa ang mamamayang Pilipino sa pakikibaka ng mga mamamayan sa daigdig laban sa imperyalismo. Palakasin at palawakin ang nagkakaisang anti-imperyalistang prente ng mga mamamayan ng daigdig.
Puspusang ilantad at labanan ng mamamayang Pilipino ang panghihimasok pangunahin ng US at maging ng China sa bansa at ang panunulsol ng una sa huli ng direktang gera o proxy war. Palakasin ang mga panawagan para palayasin ang imperyalismong US bilang solo at nangungunang imperyalistang bansa na may kontrol sa Pilipinas. Kasabay nito, dapat ding labanan ang panghihimasok ng China sa mga isla ng Pilipinas sa WPS. Nararapat na ipagtanggol ang pambansang soberanya ng bansa. Ibasura ang mga hindi pantay na kasunduang militar at neoliberal na polisiyang kapwa pumapabor sa imperyalismo.
Marubdob na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan (DRB) na naglalayong makalaya sa kuko ng imperyalismo. Pinatunayan ng kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan ng China at Vietnam ang kawastuhan ng paglulunsad ng DRB na may estratehiyang matagalang digmang bayan sa isang lipunang malakolonyal at malapyudal. Humalaw ng mga aral sa tagumpay ng China at Vietnam at wastong isapraktika ito sa rebolusyong Pilipino. Higit sa lahat hanguan ng aral ang magiting na kasaysayan ng paglaban ng sambayanang Pilipino, laluna ang 54 na taong paglaban sa ilalim ng PKP (MLM).
Tanging sa pagsusulong ng DRB maibabagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ang pagwawagi ng rebolusyon sa Pilipinas ay maghuhudyat ng panibagong yugto sa kasaysayan ng daigdig at mag-aambag sa pagsusulong ng pandaigdigang sosyalistang rebolusyon.###