Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat gunitain at ipagbunyi ang pagtatatag ng Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964?

“Ang obhetibong kalagayan sa bansa at daigdig ay pumapabor sa pambansa-demokratikong kilusan ng kabataang Pilipino. Napapanahon nang iwagayway at itaguyod ng kabataang Pilipino ang pulang bandila ni Andres Bonifacio at ng Katipunan, na may bagong sagisag ng alyansa ng manggagawa-magsasaka.”

—Talumpating binigkas sa Kongreso ng Pagtatatag ng Kabataang Makabayan
Jose Maria Sison
YMCA Youth Forum
Nobyembre 30, 1964

Itinatag ang Kabataang Makabayan (KM) sa makasaysayang araw ng ika-101 kaarawan ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 1964 hindi lamang bilang pagpupugay kay Bonifacio at sa Katipunan, kundi bilang tugon ng mga kabataang Pilipino sa hamon na ipagpatuloy ang rebolusyong 1896.

Ang KM ang kauna-unahang organisasyon ng kabataang Pilipino na nagdadala ng kumprehensibong programang pambansa-demokratiko sa ilalim ng pamumuno ng uring proletaryado. Kaisa ang malawak na masang anakpawis, puspusan at militanteng nilalabanan ng KM ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, ang tatlong pangunahing suliranin ng sambayanang Pilipino at mahigpit na sumasanib sa pakikibaka ng masang anakpawis.

Nagsimula ang KM sa 84 kasapian. Sila ang ubod ng kabataang estudyante at manggagawa na napanday sa serye ng pag-aaral at mga mobilisasyon sa maagang bahagi ng dekada 60. Pinakatampok dito ang pagkilos noong Oktubre 2, 1964 sa Malakanyang laban sa kasunduang Parity at Laurel-Langley.

Ang kalakhan ng mga estudyanteng kasapi ng KM ay galing sa University of the Philippines at Lyceum of the Philippines at namumuno sa iba’t ibang organisasyon ng estudyante sa pamantasan tulad ng konseho at publikasyon. Ang mga kabataang manggagawa naman nito ay galing sa Lapiang Manggagawa, partikular sa mga unyong nasa ilalim ng National Association of Trade Union.

Matapos ang unang kongreso, nabuo ang mga balangay ng KM sa iba’t ibang paaralan sa Manila-Rizal, Gitnang Luzon at Timog Luzon. Sumapi rin ang mga kabataang guro at mga propesyunal.

Tuwing umuuwi ang mga kabataang estudyante sa probinsya, naglulunsad sila ng grupo ng pag-aaral at nagrerekluta ng mga kabataan sa KM. Kaya naman di naglaon, lumaganap ang KM sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang sa hanay ng mga magsasaka.

Sa Timog Katagalugan, mabilis na nakapagpalawak ang KM sa Laguna, Batangas at Quezon. Nailunsad ang panrehiyong kumperensya ng KM sa Timog Luzon sa Batangas City Auditorium noong 1966.

Nasa unahan ng paglaban

Nakilala ang KM sa paglulunsad ng kauna-unahang anti-imperyalistang demonstrasyon mula nang itatag ang papet na republika ng Pilipinas. Pinamunuan nito ang 15,000 mamamayan sa demonstrasyon sa US Embassy noong Enero 25, 1965.

Sunud-sunod ang mga pagkilos ng kabataan noong Oktubre 23-24, 1966 para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya. Tinapatan ito ng karahasan ng rehimeng US-Marcos I. Subalit hindi nagpatinag ang kabataan at naglunsad ng isa pang pagkilos noong Nobyembre 3, 1966 laban sa papet na Marcos at mga gerang agresyon ng US sa Asya.

Nilabanan ng KM ang digmang pananakop ng US sa Vietnam at ang paglahok ng mga tropang Pilipino sa nasabing gyera. Sa University of the Philippines Los Baños, tinutulan ang paggamit sa isang bahagi ng Bundok Makiling para subukan ang Agent Orange, isang chemical defoliant na malawakang ginamit ng US sa Vietnam para sirain at wasakin ang kalikasan sa layuning matagpuan ang underground tunnel at base ng Pulang Hukbo ng Vietnam.

Nilabanan din ng mga kabataan ang paglaganap ng McCarthyismo, ang pagkakalat ng anti-komunistang isterya na nagbibigay ng baluktot na katwiran sa reaksyunaryong gubyerno para atakehin ang mamamayan at kanilang mga lehitimong pakikibaka. Namulat maging ang mga mag-aaral ng Philippine Military Academy (PMA) hanggang sa sila’y umanib sa KM. Nilabanan ng mga junior at senior classes ng PMA ang kanilang mga opisyal at itinakwil ang mersenaryong tradisyon ng AFP.

Nasa unahan ang KM ng mga kampanya at aksyong masa sa loob ng mga paaralan para labanan ang reaksyunaryong patakaran sa sistema ng edukasyon, pagtaas ng matrikula at nabubulok na kalagayan ng edukasyon. Pagsapit ng 1968-1969, kumalat na ang kilusang protesta ng mga kabataang estudyante sa buong bansa.

Sumiklab ang Sigwa ng Unang Kwarto ng 1970 matapos ang marahas na pang-aatake ng mga tropang militar sa mga nagpo-protestang kabataan at mamamayan laban sa rehimeng US-Marcos sa harap ng Kongreso noong Enero 26, 1970 at sa harap ng Malakanyang noong Enero 30-31 1970. Nagsilbi ang Sigwa bilang ikalawang kilusang propaganda na nagpaliyab sa kilusang pambansa-demokratiko, nagbigkis sa mamamayang Pilipino na mag-aklas laban sa diktadura, yumanig sa estado-poder ng Marcos I at naghawan ng landas sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa buong bayan.

Paghawak nang mahigpit sa rebolusyonaryong tungkulin
Kalakhan ng nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo) noong Disyembre 26, 1968 ay mga kasapi ng KM. Nang ipataw ng rehimeng US-Marcos ang Martial Law noong Setyembre 21, 1972, kagyat na tumugon ang mga kasapi ng KM sa rebolusyonaryong tungkulin at tinanganan ang islogang “Digmang bayan, sagot sa Martial Law”. Signipikanteng bilang ng KM ang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan.

Malaki ang naging ambag ng KM sa pambansang paglalatag ng rebolusyonaryong kilusan. Ang mga balangay nito sa mga probinsya ay nagsilbi para sa paghahanda at pagpupundar ng mga sona at larangang gerilya.

Idineklarang iligal ng diktadurang US-Marcos ang KM at iba pang pambansa demokratikong organisasyon noong 1974. Hindi nagpatali ang mga kasapi ng KM sa pasismo, sa halip ay nagsikhay sa lihim na pagkilos. Pinagkumbina ng KM ang pagkilos sa hayag at lihim at ang armado at parlamentaryong pakikibaka. Naging balon ng anti-diktadurang pwersa ang KM hanggang sa maibagsak si Marcos Sr.

Bunga ng mga kamalian noong dekada 80, nabitawan ang pagsuporta ng KM sa armadong pakikabaka. Subalit nang ilunsad ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto mula 1992, isa sa mainit na tumugon dito ang KM. Mahigpit na nakatuwang ng Partido ang KM sa pagpapaliwanag, pagpupuna at paghingi ng tawad sa mga kamalian. Matapos nito, muling nanumbalik ang sigla sa pag-oorganisa sa hanay ng mga kabataan at pagtatalaga ng mga kadre nito sa kanayunan.

Pinatunayan ng kasaysayan kung paano pinanghawakan ng KM ang rebolusyonaryong tungkulin nitong ipagpatuloy ang di natapos na rebolusyon nina Bonifacio. Sa pamamagitan ng KM, nagtuluy-tuloy ang pagsalin ng mga bagong dugo sa rebolusyon.

Marapat na mahigpit na panghawakan ng kasalukuyang henerasyon ng kabataan ang mga aral na nahalaw sa mayamang karanasan ng KM mula nang itatag ito. Sa panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, lalong sumahol ang malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng lipunang Pilipino. Patuloy na napupukaw ang kabataan at kumikilos para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Sa walang hanggang pagsasalin ng mga bagong dugo sa rebolusyon, optimistiko ang buong bayan na magwawagi ang pambansa-demokratikong rebolusyon!###

Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat gunitain at ipagbunyi ang pagtatatag ng Kabataang Makabayan noong Nobyembre 30, 1964?