Laban ng TEPWU para sa dagdag sahod at benepisyo, tagumpay
Tagumpay ang Technol Eight Philippines Workers Union (TEPWU)-OLALIA-KMU na kamtin ang kanilang kahilingan sa Collective Bargaining Agreement (CBA) noong Nobyembre 24 sa tanggapan ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB) sa Calamba City, Laguna.
Nakamit ng mga manggagawa ang sumusunod: P50.00 dagdag sahod kada araw sa una at ikalawang taon; lumpsum na P30,000 (mula sa pinagsamang P12,500 signing bonus at P17,500 retroactive pay); 14 sako ng 25 kilong bigas sa una at ikalawang taon; 124 days na union leave sa unang taon at dagdag na 130 days sa ikalawang taon. Ang tagumpay na ito ay resulta ng pagpupursige at pagkakaisa ng mga manggagawa ng TEPWU laban sa kapitalista.
Ang Technol Eight ay isang kumpanyang Japanese na nagmamanupaktura ng mga parte ng sasakyan. Matatagpuan ang pagawaan sa engklabo na Technopark sa Biñan, Laguna.
Nagkaroon ng 16 negosasyon sa pagitan ng unyon at Technol Eight. Unang inihain ng kapitalista ang barat na P24.00 kada araw na dagdag sahod subalit tumutol at nanindigan ang mga manggagawa kaya’t nauwi sa deadlock ang negosasyon. Dahil dito, naghain ang TEPWU ng Preventive Mediation sa NCMB noong Oktubre 28 at doon na nagtawaran. Makalipas ang apat na paghaharap, nagtagumpay ang unyon sa CBA.
Pagpupunyagi sa gitna ng pang-aatake
Hindi inalintana ng TEPWU ang serye ng pang-aatake ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at nagpatuloy sa paggigiit ng karapatan sa paggawa. Nagkaroon ng pinaigting na sarbeylans, panghaharas at intimidasyon sa mga kasapi ng TEPWU sa gitna ng pakikipagnegosasyon sa kapitalista.
Noong Agosto 16, may isang di-kilalang armadong lalaki na umaligid sa harap ng tahanan ni Mario Fernandez, pinuno ng TEPWU. Makalipas ang ilang minuto, inihagis nito ang isang plastic bag na naglalaman ng pera, SIM card at liham. Nakalagay sa liham ang isang cellphone number at banta ng pagpatay kung hindi tatawagan ni Fernandez ang numero sa loob ng tatlong araw.
Kinasangkapan pa ng NTF-ELCAC ang lokal na gubyerno sa panghaharas. Sa parehong araw, nakatanggap ang pamilya ni Fernandez ng liham mula sa kapitan ng kanilang barangay na nagsasaad na makipag-dayalogo ang naturang lider sa Task Force Ugnay ng NTF-ELCAC sa barangay hall. Noong Agosto 12 naman, pumunta ang mga elemento ng NTF-ELCAC kasama ang isang barangay tanod sa tahanan ni Fernandez. Pinresyur nila ang asawa at pamangkin na tanggapin ang liham ng NTF-ELCAC para kay Fernandez. Dahil mariing tinanggihan, nagbanta ang mga ito na babalik. Ilang beses namang sinusundan ng isang di-kilalang lalaki si Fernandez matapos ang kanyang trabaho sa Technol Eight.
Samantala, may tatlong ahente ng NTF-ELCAC na pumunta sa pagawaan ng Technol Eight noong Hunyo 13 para mag-imbestiga hinggil sa mga kasapi ng unyon.
Makatarungan ang pakikibaka ng mga manggagawa
Kinundena ng TEPWU ang pang-aatake ng NTF-ELCAC, TF Ugnay sa ilalim ni Sgt. Edson Valdez at 202nd Infantry Brigade kasabwat ang lokal na gubyerno at Technol Eight. Ayon sa kanila, hindi krimen ang paglaban para sa kanilang karapatan.
Matagal nang umiiral sa Pilipinas ang patakaran ng murang lakas-paggawa, masahol na kondisyon sa paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Nagtatrabaho ang mga manggagawa nang lampas-lampas sa karaniwang walong oras sa pamamagitan ng samu’t saring iskema ng pleksibleng paggawa, compressed work week at mga katulad. Samantala, lumalala ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino.
Makatwiran ang paggigiit ng mataas na sahod sa gitna ng pagkalugmok ng mamamayan sa kahirapan. Sa Timog Katagalugan, nasa pagitan ng P294-P470 ang minimum na sahod ng mga manggagawa. Malayong malayo ito sa P1,119 na arawang family living wage o sapat na kita para tugunan ang pangangailangan ng isang pamilya na may limang kasapi. Malaking bagay ang nakamit ng TEPWU upang madagdagan ang panggastos ng pamilya ng mga manggagawa sa gitna ng walang patid na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Marapat na ipagpatuloy ang pakikibaka ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapatatag ng kanilang unyon. Kailangan ding mahigpit na makipag-ugnayan at magsuportahan ang lahat ng mga unyon sa paggigiit ng karapatan ng mga manggagawa. Makiisa sa laban ng lahat ng mga manggagawa para sa pambansang minimum wage at ibasura ang sistema ng wage regionalization. Tutulan at ipabasura ang mga di-makataong batas sa paggawa at ang neoliberal na patakaran ng estado na nagpapalala sa kalagayan ng mga manggagawa.###