Bantay Karapatan: Walang habas na pamamaril at pambobomba ng teroristang 68th IBPA at 203rd Brigade sa Occidental Mindoro

Nang-istraping at nagpasabog ng mga bala ng M203 ang berdugong 68th IBPA at 203rd Brigade sa hangganan ng Brgy. Aguas, Limlim at Pitogo ng bayan ng Rizal; Brgy. Manoot sa Bayan ng San Jose; at Brgy. Tanyag sa Bayan ng Calintaan, Occidental Mindoro bandang ala-una ng madaling araw noong Nobyembre 6. Tumagal nang sampung minuto ang pagpapaputok. Ito ang ikalawang pambobomba sa isla sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II.

Pinagbawalan ng mga pasista ang mga taga-Brgy. Aguas at Limlim na pumunta sa kanilang mga bukid para anihin ang palay. Nababahala na ang mga residente sa kalagayan ng mga palayan lalo’t katatapos lamang ng pananalasa ng bagyong Paeng. Tinatayang halos P40 milyon ang pinsalang idinulot ng naturang bagyo sa agrikultura sa Occidental Mindoro. Sapilitan ding lumikas ang halos 8,000 mamamayan dahil sa labis na takot. Pinararatangan silang may kinakanlong na BHB at iligal na inimbestigahan ng mga militar.

Buktot na ikinakatwiran ng tagapagsalita ng 203rd Brigade na si Corporal Lerma “Liway” Bulaklak na ang mga atakeng inilunsad nila ay bahagi ng pagpigil ng pasistang militar sa nararamdamang “presensya” ng BHB sa kapatagan ng Rizal. Nagpakalat pa ang 68th IBPA na nagkaroon ng labanan sa Sityo Sorong, Brgy. Aguas para ilusot ang kanilang krimen. Subalit bago pa ang pangyayari, walang tigil ang pasistang paninibasib ng humigit-kumulang 200 tropa ng pinagsamang 4th at 68th IBPA sa nasabing mga barangay. Tumagal ng isang buwan ang kanilang focused military operations at retooled community support program.

Ayon kay Madaay Gasic, tagapagsalita ng Lucio de Guzmand Command (LdGC)-BHB Mindoro, “Hindi pa man nakakabangon ang mga magsasaka, panibagong delubyo na naman ang inihatid ng utak-pulburang AFP sa mamamayan. Imbis na ilaan ang pera ng mamamayan sa ayuda para sa mga binagyo, ibinuhos ito sa bala at kanyon ng militar.”###

Bantay Karapatan: Walang habas na pamamaril at pambobomba ng teroristang 68th IBPA at 203rd Brigade sa Occidental Mindoro