Kultura | Sa iyo, Ka Andres, at sa mga katulad mo

Sa iyo, Ka Andres, at sa mga katulad mo
ni Fernando Casibio

 

Kataas-taasan
ang katapanga’t pagmamahal sa bayan
— ng mga tulad mong mapagpasya
na tinalikdan, kinagisnang buhay at kultura
— ng mga tulad mong tumangan
ng sibat, bolo, pluma, gitara, pistola,
lahat, para makitang ang Inang Bayan ay lumaya.

Kagalang-galangan
ang dakila ninyong simulain,
na sinisiraan, binabaluktot, nilalabusaw
ng mga suwail, taksil at sinungaling;
ng mga tuso, dayuhang nahuhumaling
sa yaman at dangal ng Inang Bayan.
Sa bayan natin na lupa at paggawa ang kayamanan,
Bakit busabos at hikahos silang naglilinang?
Ngunit sila rin ang tunay na
may-akda ng kasaysayan
— at malapit na nga!
Malapit na ang pagsapit ng kanilang kalayaan!
Makakamit sa pagbagsak
ng mga nanlinlang at nanlamang!

Itatanghal na bayani
kayong nasawi, nagpakasakit,
naglingkod hanggang kamatayan
sa Katipunan
ng pinakamabubuting Anak ng Bayan!

Hangga’t pagsasamantala ay hari-harian,
at pandarahas ang kanilang pamamaraan,
‘Di kailanman magmamaliw
ang ningning at taginting ng pag-asang itinanim,
at sa kasaysaya’y diniligan ng dugo’t pawis.
Yumayabong at lumalago ang inyong simulain.

Bumabangon at lumalaban ang masang anakpawis!
Ang sulo at dakila mong pamana, Ka Andres,
Tangan ng iyong salinlahi
Ang Bagong Hukbong Bayan
Ipinagpapatuloy ang rebolusyon
Sila ang Bonifacio ng Bagong panahon!

Kultura | Sa iyo, Ka Andres, at sa mga katulad mo