“Sahod itaas, presyo ibaba!” pakikibaka sa ika-159 kaarawan ni Bonifacio
Nagprotesta ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa Crossing Calamba bilang paggunita sa ika-159 Kaarawan ni Andres Bonifacio noong Nobyembre 30. Lumahok ang BAYAN TK, Pamantik-KMU, Starter-Piston, Kadamay ST, Defend ST, Karapatan TK, Anakbayan ST at mga mag-aaral mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Nagdamit-Katipunero ang mga lider-masa bilang pagpupugay kay Bonifacio.
Nanawagan ang mamamayan ng TK na itaas ang sahod upang sumapat ang kita sa harap ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Siningil nila ang estado sa mga paglabag sa karapatang tao.
Itinanghal sa aktibidad ang makasaysayang pagpunit ng mga sedula ng mga Katipunero kung saan ang pinunit ng mga artista ng bayan ay ang mga sedulang may nakasulat na mga paglabag sa karapatang tao at payslip na simbolo ng barat na sahod. Sinira din ang isang effigy ng tambalang Marcos-Duterte.
Dinakila naman ng mga kabataan ang lihim na pambansa-demokratikong organisasyong Kabataang Makabayan. Dala-dala nila ang istrimer na may “Kabataang Makabayan” sa aktibidad habang nanawagan ng karapatan sa edukasyon at kinundena ang kolonyal, komersyal at pasistang kalagayan ng edukasyon sa bansa.###