Kalatas, December 2022 Lumalalang kahirapan sa taong 2022
Galit na galit ang sambayanang Pilipino sa pang-iinsulto ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte sa kanilang kahirapan. Ngayong Disyembre kung kailan sasalubungin ng bayan ang mga okasyong pasko at bagong taon, walang kahihiyang nagpayo ang gubyernong Marcos II na “maging madiskarte,” “magtipid” o “pagkasyahin ang P500 para sa simpleng handa sa noche buena.”
Walang karapatan ang reaksyunaryong gubyerno na magsalita tungkol sa pagtitipid at pagdiskarte lalo’t inutil itong lutasin ang kahirapan ng bayan. Sa unang anim na buwan ni Marcos Jr., naitala ang pinakamataas na implasyon sa loob ng 14 taon. Ngayong Disyembre pumalo na ito tungong 8.1%. Ayon pa mismo sa gubyernong Marcos II, humina ang kakayahan ng piso na bumili tungong P0.87 mula Enero 2022.
Wala nang ititipid pa
“Noong panahon ni Digong ang dinadale ay tao, ngayon si Marcos papatayin kami sa gutom.” Tugon ni Christian sa kasalukuyang kahirapang dinaranas sa ilalim ng rehimeng Marcos II.
Si Christian ay isang magkokopra sa Quezon na pilit pinagkakasya ang kita sa apat na miyembro ng pamilya. Ngayong pasko, hindi na sila naghahangad na maghanda lalo’t P30 kada kilo na lamang ang kopra.
Si Christian ay kumikita ng P2,500-P3,000 sa pagkokopras sa sariling lupa na aabot ng anim na ektarya. Binabadyet nila ito sa loob ng dalawang buwan. Sa kanyang kita, nakakabili siya ng isang sakong bigas at mga rekado. Nagkakahalaga ng P2,300 ang bigas habang P150 ang rekado.
Anim na beses lamang nakakapaglukad ang pamilya ni Christian sa isang taon kaya para madagdagan ang kita, pumapasok siyang maglulukad sa ibang lupa. Inuupahan siya sa paghihilada (pagkakarga ng kopra) ng P400 kada sako. Karaniwan siyang nagkakarga ng 4 na sako para kumita ng kabuuang P1,600.
Ayon kay Christian, “Bago ang pandemya, kumpleto pa ang nabibili ko sa P1,500 na budget. Ngayon wala na akong bigas na nabibili.”
Kabilang si Christian sa puu-puong milyong mamamayang naniningil sa rehimeng Marcos II kaugnay sa pangako nitong pababain ang presyo ng mga bilihin.
“Ang sa akin lang ay tuparin niya ang kanyang pangako sa tao. Dati ang 1/4 na sibuyas ay P35 lang ngayon ay P60 na. Ang isang balot ng asin ay P15 na ngayon.” Nakapanayam ng Kalatas si Christian noong unang linggo pa ng Disyembre. Nasa P720 kada kilo na ang sibuyas ngayon.
Walang kaseguruhan sa trabaho
Si Sally ay babaeng manggagawa sa Cavite Export Processing Zone. Sa kanilang probinsya, aabot lamang ng P401 ang arawang sahod ng mga manggagawa dahil sa iskemang wage rationalization. Malayong malayo ito sa kwentadang P1,140 family living wage (FLW) o nakasasapat na kita para sa isang pamilyang may limang myembro (Nobyembre 2022).
Subalit mas ikinababahala pa ni Sally ang pagdedeklara ng pagkabangkarote (bankruptcy) ng pinagtatrabahuhan niyang pagawaan na nangangahulugang mawawalan siya ng trabaho sa gitna ng tumitinding krisis at malaking pangangailangan ng kanyang pamilya.
Ayon kay Sally, nag-alok ang kumpanya ng “13-day offer” separation pay kung saan ang halaga ng ibibigay sa kanila ay ita-tayms sa tagal ng kanilang serbisyo sa pagawaan at 13 arawang sahod (taon sa serbisyo x 13 x arawang sahod na P401). Dahil pitong taon nagtrabaho si Sally, makakakuha siya ng P36,491. Bukod ding ibibigay sa kanila ang 13th month pay na P30,000.
Mistulang malaking pera subalit pangmadalian lamang ito lalo’t bumaba ang halaga ng piso sa harap ng pagtaas ng presyo ng mga batayang pangangailangan. Sa kwentada, 32 araw o isang buwan lang tatagal ang separation pay na P36,491 batay sa FLW.
Kung kaya’t hiling ni Sally at kapwa niya manggagawa na sana’y huwag magsara ang kumpanya o kaya’y kunin sila ng papalit na kumpanya.
Patuloy na yumayaman ang naghaharing uri
Inilabas ng Forbes ang pinakamayayaman sa Pilipinas ngayong taon kung saan nananatiling nangunguna ang magkakapatid na Sy ($12.6 bilyon), kasunod sina Manny Villar ($7.8 bilyon), Enrique Razon, Jr. ($5.6 bilyon), Gokongwei ($3.1 bilyon) at Aboitiz ($2.9 bilyon). Lahat sila’y patuloy na nakapagpayaman sa kabila ng pananalasa ng pandemya mula 2020. Sila rin ang malalapit na mga kroni nina Marcos at Duterte na nakakasama sa magagarbong piging na inilunsad sa Malakanyang.
Mula nang makapanumbalik sa poder, nagpasasa ang pamilya Marcos habang naghihirap ang bayan. Sunud-sunod ang byahe ng mga Marcos sa labas ng bansa lalo sa panahong binabayo ang Pilipinas ng mga krisis at kalamidad. Pinangunahan pa ng mismong anak ni Marcos Jr. ang panukalang Maharlika Investment Fund sa Kamara na tiyak na magsisilbong balon ng korapsyon ng kanilang angkan at mga kroni.
Higit na lumalawak ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap sa ilalim ng ilehitimong rehimeng Marcos-Duterte. Higit nitong pinakukulo ang galit ng sambayanan sa bulok na lipunang malakolonyal at malapyudal. Nasusuklam na ang bayan sa kontra-mamamayang programa ng reaksyunaryong gubyerno. Nararapat itransporma ang galit ng mamamayan upang igiit ang karapatan sa lupa, sahod, trabaho, benepisyo, ayuda at iba pang serbisyong panlipunan. Nararapat na dalhin ang pakikibaka hanggang ibagsak ang ugat ng kahirapan sa bansa na walang iba kundi ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo.###