Kalatas, December 2022 Mamamayan muling nanawagan: Ipahinto ang Kaliwa Dam
Muling nanawagan ang mamamayan ng Rizal at Quezon at katutubong Dumagat at Remontado na ipahinto ang mapaminsalang Kaliwa Dam matapos ang malubhang flash flood na kumitil sa buhay ng 7 katutubong senior citizen at isang 5-taong gulang bata sa Brgy. Sta. Inez, Tanay, Rizal. Pauwi ang mga ito mula sa pagkuha ng ayuda sa bayan ng Tanay nang lunurin ng rumaragasang baha sa ilog ng Tinucan, bahagi ng Ilog Kaliwa ang sinasakyan nilang jeep.
Kinondena ng mga grupong makakalikasan, taong simbahan at pambansang minorya ang sabwatan ng Manila Water Sewerage System (MWSS) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa pagratsada ng proyektong Kaliwa Dam. Kamakailan, inilantad nila ang manipulasyon ng MWSS at NCIP sa sapilitang pagkuha ng free, prior and informed consent (FPIC) o pagsang-ayon ng mga komunidad ng Dumagat sa nasabing proyekto.
Walang kahihiyang sinabi ng NCIP na “lehitimo” ang pagkakakuha ng FPIC. Mariing pinasubalian ito ng mga Dumagat at Remontado na nagsabing nilinlang sila para sapilitang ikaloob ang FPIC. Pangita rin sa mga protestang inilulunsad nila ang kanilang pagtutol sa konstruksyon ng Kaliwa Dam.
Sa pagtayo ng Kaliwa Dam, tinatayang mas malaking sakuna ang sasapitin ng mamamayan kaysa sa matinding pagbaha noong 2004 kung saan nilamon ng baha ang mga komunidad, sakahan at kabuhayan ng mamamayan sa Hilagang Quezon. Aabot ng 9,700 ektaryang lupa ang malulubog sa tubig. Palalayasin din nito ang 1,465 pamilya ng mga katutubong Dumagat, magsasaka at mga residente ng mga apektadong bayan sa Hilagang Quezon at Rizal.###