Kalatas, December 2022 Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang papel ng mga rebolusyonaryong pwersa at tunay na lingkod ng bayan sa Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon?

Itinakda ang eleksyong pambarangay ng Sangguniang Barangay (SB) at Sangguniang Kabataan (SK) ng Disyembre 5 subalit muling ipinagpaliban ito sa Oktubre 2023 ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte. Ikinubli ng bagong upong rehimen sa maksimisasyon ng pondo ang dahilan ng pagpapaliban subalit tiyak na resulta ito ng kumpromiso ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte (MAD) sa isa’t isa at sa iba pang reaksyunaryong paksyon. Pinaghahandaan nila ito para selyuhan at higit na patatagin ang kapit sa poder sakaling mabitak o ganap na mabiyak ang alyansang MAD.

Bilang batayang yunit ng papet na estado, reaksyunaryo ang saligang oryentasyon at katangian ng mga konseho at eleksyong barangay. Ang kontrol ng mga naghaharing uri sa mga barangay ay isang salalayan ng kanilang kapangyarihan sa pulitika. Hindi totoong “non-partisan” ang eleksyong barangay at na “bawal makialam dito ang mga partidong pulitikal” dahil sa aktwal, dominado ito ng mga makapangyarihang blokeng reaksyunaryo sa lokal na antas mula munisipalidad.

Ang imbing pakana ng reaksyunaryong estado sa SB at SK

Dahil nakalubog sa komunidad ang awtoridad at kakayahan ng mga barangay, ginagamit ito ng reaksyunaryong estado at ng mga lokal na naghaharing uri para tiyaking naipagtatanggol ang kanyang pansariling interes at naipatutupad ang kanyang mga patakaran at polisiya hanggang sa pinakamababang antas ng lipunan. Katunayan, noong panahon ng diktadurang Marcos I, inisyu niya ang Presidential Decree No. 86, na nag-institusyunalisa sa pagtatayo at pagpapagana sa mga barangay bilang “citizen’s assembly”. Pangunahin nitong pinagsilbi ang barangay para panatilihin ang pasistang paghahari sa pamamagitan ng pagkontra sa paggigiit ng mamamayang Pilipino sa demokrasya at hustisyang panlipunan at wasakin ang mga binhi ng organo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan. Sa ganito nagpatuloy ang paggamit ng mga kasunod na rehimen sa barangay.

Lalong tumindi ang paggamit sa barangay bilang instrumento ng panlilinlang at panunupil sa pag-upo ng tiranikong rehimeng US-Duterte sa layuning durugin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa pamumuno ng PKP at patatagin ang kapit niya sa estado. Pinairal ang civilian-military junta sa pamamagitan ng NTF-ELCAC na kumubabaw sa sibilyang awtoridad. Sa pamamagitan nito, kinontrol ang mga lokal na yunit ng gubyerno hanggang barangay kaya ipinwesto niya ang sagad-saring anti-komunista at berdugong si Eduardo Año bilang kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Sa kumpas nina Año at Duterte, ilang ulit na ipinagpaliban ang nakatakdang eleksyon ng barangay para ihanda ang mga rekisito sa pagtitiyak na dominado ng kanilang sindikatong paksyon ang magiging resulta nito. Ang pasistang NTF-ELCAC ay binalangkas para tumagos hanggang antas-barangay.

Tiniyak nilang totono ang himig ng mayorya sa mga barangay sa bansa sa imbing pakanang pagsupil sa rebolusyong pinamumunuan ng PKP sa pamamagitan ng pagkontrol at pagmamanipula sa 2018 eleksyong pambarangay. Kapalit ng pusisyon ay tusong pinasunod nila at ng pasistang NTF-ELCAC ang mga kontroladong barangay sa pagpapatupad ng sapilitang pagpapasuko sa bisa ng Enhanced-Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), pagrerekrut ng CAFGU, mga Barangay Intelligence Network (BIN) at iba pang grupong paramilitar, pagdedeklarang “persona non grata” ang PKP-BHB-NDFP at paniniktik laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

Nilaanan ng rehimeng Duterte at NTF-ELCAC ng P20 milyong pondo at rekurso ang mga barangay sa ilalim ng huwad na proyektong pangkaunlarang Barangay Development Program (BDP). Ganonman, kinurakot lamang ang kalakhan nito at napakaliit na porsyento ang ipinatupad. Kapuna-puna na ang huling bugso ng pamumudmod ng BDP ay ilang buwan bago ang eleksyong pampanguluhan 2022. Layunin nitong tiyakin ang mga boto ng barangay para sa tambalang Marcos-Duterte.

Sa pamamagitan nito, ipinipilit at ginagawang sunud-sunuran ang mga Sangguniang Barangay upang pahintulutan ang mga kontra-mamamayang proyekto tulad ng dayuhan at malakihang pagmimina, mga plantasyon ng dayuhan, mga dam, mga proyektong eko-turismo at iba pang mapanira sa kalikasan at kabuhayang mga proyekto.

Paglaban ng mga tunay na lingkod bayan

Gaanuman magsikap ang mga reaksyunaryong rehimen na kontrolin ang mga barangay, hindi nila mapuputol ang ugnayan nito sa rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka ng mamamayan.

Ang mga SB at SK ang pinakamahinang kawing ng kapangyarihan ng reaksyunaryong gubyerno. Halos limos na lang ang natatanggap nila sa hatian ng kabang yaman ng bayan. Kadalasang binubuo rin ang mga SB ng mamamayan mula sa batayang saray tulad ng maralita at mababang panggitnang magsasaka. May mga panggitnang pwersa sa SB at SK subalit hindi sila nahihiwalay sa masa dahil magkakaugnay ang kanilang buhay at produksyon.

Nakapagpundar, lumago at lumakas ang rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng PKP dahil sa pagsisikap ng mga komunidad at mamamayang magkaisa at organisahin ang sarili para labanan ang diktadurang Marcos noong dekada 1970. At mula noon, higit pa itong lumago at sumulong sa pagdami ng mga organisadong komunidad at barangay, kapwa sa kanayunan at kalunsuran na tumitindig at kumakawala sa matinding kahirapang resulta ng kriminal na kapabayaan ng estado. Sa mga ito sumibol ang mga progresibo, makabayan at tunay na lingkod bayan. Sila itong mga naghahangad at nagsisikap baguhin ang agos ng burukrata kapitalistang sistema at nagpapatupad ng maka-mamamayang programa at reporma sa kanilang saklaw. Sila ang mga sumusuporta, nakikiisa at nagtatanggol sa hinaing at pakikibaka ng masa para sa kalayaan at hustisyang panlipunan.

Sa buong bansa, binubuo ang mga tunay na lingkod bayan sa mga selula ng NDFP na nasa loob ng mga reaksyunaryong institusyon. Tinitiyak ng mga selulang ito na ang mga programa ng SB at SK ay nagtataguyod sa kapakanan ng mamamayan at tumatalima sa mga programa at patakaran ng rebolusyon. Tinitiyak nilang maipagtanggol ang masa mula sa pasistang AFP-PNP. Sumusuporta sila sa mga pakikibakang masa at nakikipag-ugnayan sa nakatataas na reaksyunaryong gubyerno para sa pagpapasa ng mga resolusyong tunay na pakikinabangan ng mamamayan sa kanilang saklaw.

Tungkulin ng mga rebolusyonaryong lingkod bayan na itaguyod ang armadong pakikibaka. Kailangan silang tumulong sa pagpapatatag ng base at pangangalap ng suportang materyal at pinansyal para sa BHB.

Kailangang bumaklas at wasakin ang reaksyunaryong tradisyon ang mga SB at SK. Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong paglaban at pagtatatag ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika (OKP), napapatatag at napapalakas ang mga baseng bukid sa kanayunan at naitatayo din maging ang Komiteng Pang-organisa ng Mamamayan sa Baryo (KPMB) maging sa sentrong bayan at kalunsuran. Sa paglakas ng mga OKP at KPMB, naitatayo ang tunay na konseho ng barangay para sa kapakinabangan ng mamamayan.

Dahil sa pagkamulat ng mga tunay na lingkod bayan, walang nahita ang rehimeng Duterte sa kanilang kampanyang ideklarang “persona non grata” ang PKP-BHB-NDFP. Sa kabila ng “pagdedeklara” ng ilan sa mga barangay, malugod pa ring tinatanggap ang mga yunit ng BHB sa kanilang saklaw. Mahigpit ding nagtuwangan ang mga SB at SK at ang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban at pagsansala sa COVID-19. Naglunsad sila ng kampanyang edukasyon, sanitasyon at mga serbisyong medikal na nagpakita ng kongkretong paggana ng demokratikong gubyernong bayan kahit sa panahon ng pagsusulong ng digmang bayan. Nagpapatuloy ang paglaban ng mga lingkod bayan hanggang sa kasalukuyang ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.###

Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang papel ng mga rebolusyonaryong pwersa at tunay na lingkod ng bayan sa Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan sa pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon?