Kalatas, December 2022 Protesta laban sa mina, isinagawa sa Batasang Panlalawigan ng Oriental Mindoro

Nagprotesta ang mga Mindoreño sa pangunguna ng Koalisyong Sagip Mindoro sa Batasang Panlalawigan noong Disyembre 6 upang kundenahin ang pagpapasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Provincial Ordinance No. 145-2022 na nagpapahintulot sa pagmimina ng volcanic rock float (armour rocks) sa Oriental Mindoro. Nilagdaan ang ordinansa ni Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor noong Disyembre 2.

Sinuportahan ang pagkilos ng mga taong simbahan at mga lingkod bayan na tumututol sa ordinansa. Ayon sa kanila, binabalewala ng bagong ordinansa ang nauna nang ipinasang 25-taong mining moratorium noong 2002 na layong pangalagaan ang kalikasan ng Oriental Mindoro.

“Bagamat wala pang malinaw na pag-aaral sa ekstraksyon ng armour at boulder rocks sa ating lalawigan, ito ay nakakabahala pa rin dahil sa pamamaraan ng pag-amyenda sa ating Mining Moratorium,” pahayag ni Baloi Alcoba, convenor ng Koalisyong Sagip Mindoro.

Upang ipatanggap sa mamamayan, nagpalusot ang lokal na gubyerno ng Oriental Mindoro na ang pinahintulutan ng ordinansa ay hindi pagmimina kundi quarrying. Kung kaya’t sa kilos protesta, iginiit ang pagbabasura ng ordinansa dahil sa negatibong epekto sa kalikasan ng pagku-quarry at kawalan ng konsultasyon sa publiko bago ipinasa. Pinayaman din ang diskusyon kaugnay sa mga disbentahe ng pagmimina ng armour rocks sa lalawigan.###

Protesta laban sa mina, isinagawa sa Batasang Panlalawigan ng Oriental Mindoro