Kalatas, February 2023 Barikada kontra-mina, inilunsad sa Romblon at Palawan

Nagbarikada ang mamamayan ng Romblon at Palawan upang tutulan at labanan ang mapangwasak na pagmimina sa kanilang lugar.

Romblon. Tumagal nang 11 araw ang barikada sa Sitio Bato, Brgy. España, San Fernando sa Sibuyan Island bago napilitan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na pansamantalang ipahinto ang eksplorasyon at pagmimina ng kumpanyang Altai Philippines Mining Corp. (APMC) noong Pebrero 3. Naghain ng mga notice of violation ang DENR sa AMPC kaugnay ng mga sumusunod na paglabag: (1) kawalan ng permit para sa pagpuputol ng mga puno; (2) pagtatayo at pagpapagana ng isang causeway project nang walang Environmental Compliance Certificate; at (3) iligal na pagtatayo ng isang daungan sa pamamagitan ng pagtatambak ng graba sa tubig.

Itinuring itong inisyal na tagumpay ng mga taga-Sibuyan. Suspendido ang pagmimina ng APMC hangga’t hindi nakukumpleto ang mga hinihingi ng DENR bago maglabas ang ahensya ng permit. Naantala ang pagmimina subalit hindi pa ito ipinahihinto kaya tuluy-tuloy na nagbarikada ang mamamayan ng Sitio Bato.

Noong Pebrero 3, inatake ng mga pulis ang barikada upang makapasok ang mga trak ng APMC. Nasaktan ang dalawang residente kabilang si Jhay Romero, konsehal ng Brgy. España. Pinosasan si Romero subalit pinakawalan din makalipas ang ilang oras. Ipinahayag ni Romero ang kanyang pagkadismaya matapos mapalo ng mga pulis na nagdemolis sa kanilang barikada.

Inihain na sa Comission on Human Rights ang mga kaso ng paglabag sa karapatang tao ng mga pulis na silbing bantay ng APMC. Noong Setyembre 2022, hinaras din ng pribadong goons ng APMC ang mga residente ng Sibuyan Island at makakalikasang aktibista kagaya ni Rodne Galicha ng Living Laudato Si’.

Malaon nang tinutulan ang pagmimina ng APMC mula nang igawad ng reaksyunaryong gubyerno ang eksplorasyon noong 2009 sa 1,580 ektarya sa Sibuyan Island. Tagumpay ng mamamayan ng Sibuyan ang pagkaantala ng pagmimina sa isla sa nakalipas na dekada. Noong Disyembre 2022, pinahintulutan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang eksplorasyon ng APMC dahilan upang muling magbigkis ang mga residente ng Sibuyan at tutulan ang pagmimina.

Palawan. Itinayo ang barikada kontra-mina sa Brooke’s Point, Palawan bilang pagtutol sa iligal na operasyon ng Ipilan Nickel Corporation (INC) noong Pebrero 18 na tumagal nang 26 araw. Suportado ang pakikibaka ng mamamayan ng Brooke’s Point ng mga lokal na lingkod bayan, taong simbahan, mamamahayag at iba pang panggitnang pwersa.

Ayon sa mga residente, walang permit ng Mayor ang operasyon ng INC, gayundin ang pagpuputol ng mga puno, pagtatayo ng mga daungan at causeway project. Iginiit nila sa DENR na mag-isyu ng cease-and-desist order laban sa INC. Pinasubalian din nila ang pinalalabas ng INC na nakuha nito ang free, prior and informed consent ng mga katutubong Palaw’an. Tinuligsa rin nila ang mineral production sharing agreement na iginawad ng MGB sa naturang kumpanya.###

Barikada kontra-mina, inilunsad sa Romblon at Palawan