Kalatas, February 2023 Mga katutubo at tagapagtanggol ng kalikasan, mariing tinutulan ang muling pagtutuloy ng Kaliwa Dam

Kasabay ng Alay Lakad ng mahigit 300 Dumagat at Remontado mula Tanay, Rizal hanggang National Capital Region (NCR), nagprotesta ang mga katutubo at grupong makakalikasan sa pangunguna ng Network Opposed to Kaliwa, Kanan, and Laiban Dams (NKKLD) sa iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gobyerno noong Pebrero 20 upang mariing tutulan ang muling pagtutuloy ng konstruksyon ng mapangwasak ng Kaliwa Dam.

Naglunsad ng programa ang nasabing grupo sa harap ng opisina ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang kundenahin ang pakikipagsabwatan ng NCIP sa mga kumpanya sa likod ng Kaliwa Dam Project. Inilantad nila ang panlilinlang ng NCIP sa mga Dumagat at Remontado para makakuha ng Free Prior Informed Consent (FPIC). Ayon sa NKKLD, kasinungalingan ang sinasabi ng NCIP na walang tumututol na katutubo sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.

Sa kasulukuyan, niraratsada na ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Sinimulan na ang unang yugto ng proyekto noong Disyembre 2022 kung saan ipinakat ang tunnel boring machine sa Teresa, Rizal na lilikha ng 28-kilometrong conveyance tunnel hanggang General Nakar, Quezon. Target ng reaksyunaryong gubyerno na gawing operasyunal ang Kaliwa Dam pagsapit ng 2027

Pagkatapos ng protesta sa NCIP, tumungo sa House of Representatives ang NKKLD upang suportahan ang inihain na House Resolution ng Makabayan Bloc para itulak ang Committee on Natural Resources na imbestigahan ang krisis sa tubig sa NCR at pagtutuloy ng konstruksyon ng Kaliwa Dam.

Nagprotesta rin sila sa harap ng opisina ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para tutulan ang Kaliwa Dam. Ang MWSS ang ahensiya ng pamahalaan na nangangasiwa sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.

Ayon kay Kakay Tolentino, tagapagsalita ng NKKLD, “Pinsala sa buhay, kabuhayan at kalikasan ang tanging idudulot ng pagtatayo ng Kaliwa Dam. Hindi kailangan ng dambuhala at mapangwasak na dam para magbigay ng serbisyo sa tubig. Ang mga dayuhan katulad ng China, dambuhalang korporasyon at korap na mga pulitiko ang magbebenepisyo rito.”

Ipinanawagan din ng mga katutubong Dumagat at Remontado ang pagtatanggol sa lupaing ninuno at pangangalaga sa kalikasan.###

Mga katutubo at tagapagtanggol ng kalikasan, mariing tinutulan ang muling pagtutuloy ng Kaliwa Dam