Kalatas, February 2023 Mga mamamayan ng Timog Katagalugan ginunita ang ika-37 taon ng Pag-aalsang EDSA

Sa pangunguna ng Southern Tagalog Movement Against Tyranny (ST MAT), tumungo ang iba’t ibang organisasyon sa National Capital Region upang gunitain ang ika-37 taon ng EDSA People Power kung saan pinatalsik ng mamamayan ang diktador na si Ferdinand Marcos Sr. noong 1986. Ang makasaysayang pag-aalsa ay produkto ng deka-dekadang anti-diktadurang paglaban ng mamamayan.

Ani Merwin Alinea na tapapagsalita ng ST MAT, “Kinikilala natin ang makasaysayan at mapagpasyang hatol ng mamamayan na patalsikin ang pasista at diktador na si Marcos Sr. Subalit, nahaharap na naman tayo ngayon sa isa pang Marcos kung saan mas malala ang krisis na kinakaharap ng bayan.”

Nagprotesta ang nasabing mga grupo sa PHILCOA. Inilahad nila ang tumataas na presyo ng mga bilihin at mababang pasahod habang sunod-sunod ang pagbyahe ni Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa para ilako at ibuyangyang ang likas na yaman ng Pilipinas.

Pagkatapos, tumungo sila sa People Power Monument upang lumahok sa pambansang pagkilos. Bitbit ng hanay ng Timog Katagalugan ang effigy na nagngangalang “Garapasista” kung saan makikita ang busog na busog na garapata na may ulo nina Marcos Jr. at Sara Duterte. Simbolo ito sa gahiganteng paghuthot ng mga Marcos at Duterte sa yaman ng bayan. Sinira ito bago magtapos ang programa.

Dinahas at hinarang ng Manila Police District ang delegasyong patungo sa isang forum sa Maynila. Ayon sa ST MAT, ang ginawa ng MPD ay manipestasyon ng kawalan ng kalayaan ng mamamayan na iehersisyo ang kanilang karapatan sa pamamahayag at pagpoprotesta.

Mga mamamayan ng Timog Katagalugan ginunita ang ika-37 taon ng Pag-aalsang EDSA