Kalatas, February 2023 Nakaambang tanggalan sa Nexperia, tinututulan ng unyon

Tinututulan at nilalabanan ng unyong Nexperia Philippines Inc. Workers Union ang nakaambang tanggalan ng 495 manggagawa (375 na kasapi ng unyon, 80 kontraktwal at 40 propesyunal) ngayong Pebrero bunsod ng pagsasara ng Sensors Department at paglipat ng operasyon ng nasabing departamento sa Thailand. Ang mga manggagawang matatanggal ay kabilang sa 801 manggagawang dapat gawing regular sang-ayon sa pasya ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Region IV-A noon pang 2017.

Ayon sa unyon, “Gumagawa ng maruming paraan ang kapitalista para hindi matamasa ng manggagawa ang kanilang mga karapatan at benepisyo. Ang matalim na espada ng kapitalista na iwinawasiwas sa manggagawa ay ang pagtatanggal sa trabaho gayong dapat regular na sila at tinatamasa ang mga karampatang benepisyo.”

Nauna pa rito, tahasang hinahadlangan ng kumpanya ang regularisasyon ng mga manggagawa. Inapela ng kapitalistang Nexperia ang pasya ng DOLE-IV-A sa opisina ng noo’y kalihim ng kagawaran na si Silvestre Bello III. Muling kinatigan ng DOLE ang naunang pasya na gawing regular ang 801 manggagawa. Nag-apela muli ang kumpanya sa Court of Appeals (CA) subalit pinaborang muli ng CA ang naunang desisyon. Hindi pa rin kinilala ng kumpanya ang desisyon ng CA kaya’t iniakyat ito sa Korte Suprema na hanggang ngayon ay wala pang desisyon at nakabinbin pa.

Naniniwala ang mga manggagawa ng Nexperia na palusot lamang ng kumpanya na malulugi na ito para bigyang katwiran ang pagsisante sa mga manggagawa. Ayon pa sa unyon, hindi titigil ang operasyon ng Nexperia dahil lilipat lamang ito ng ibang site. Hindi rin umano malulugi ang Nexperia sa pagsasara ng Sensors Department dahil tinatayang tataas pa ang kita nito hanggang 2024. Ang Nexperia ay kumpanyang nag-aasembol ng semiconductors.

Giit ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union, makatwiran ang kanilang laban dahil matagal nang nagtatrabaho ang mga manggagawa sa kumpanya. Ilan sa kanila’y higit 10 taon na sa pagawaan. Nanawagan silang humanap ng mas epektibong pamamaraan ang kumpanya bago humantong sa tanggalan. Ipinaglalaban din nila ang taas-sahod sa gitna ng mataas na implasyon.###

Nakaambang tanggalan sa Nexperia, tinututulan ng unyon