Kalatas, February 2023 Oil spill sa karagatan ng MIMAROPA, malaking pahirap sa mamamayan

Hinaharap ngayon ng mamamayan ng MIMAROPA at mga katabing isla sa Visayas at lalawigan ng Batangas ang sakunang dulot ng pagtagas ng langis o oil spill mula sa barkong MT Princess Empress na lumubog sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Nagbibiyahe ang barko mula Limay, Bataan tungong Iloilo na karga ang 800,000 litrong industrial fuel oil nang dalhin umano ito ng malakas na alon at hangin pa-Romblon hanggang lumubog sa Naujan. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa natutukoy ang eksaktong sanhi ng paglubog ng barko dahil sa kawalan ng imbestigasyon. Subalit, napag-alaman na lumang-luma na ang barko at ne-repair lang para muling magamit. Dagdag pa, wala rin itong karampatang permit para maglayag. Nananatili ang MT Princess Empress sa ilalim ng dagat na saklaw ng Naujan.

Ang kargo ng MT Princess Empress ay isang marumi at napakakrudong klase ng langis o black oil. Dahil sa oil spill, ipinagbawal na ang pangingisda sa malaking bahagi ng Oriental Mindoro at pag-iigib ng tubig sa mga komunidad na kalapit ng dagat. Iniulat din ang pagkahilo at pagsakit ng ulo’t tiyan ng mga residente sa tabing-dagat dahil sa mabahong amoy na dala ng langis.

Nagdeklara na ng state of calamity sa 76 barangay sa siyam na bayan sa Oriental Mindoro: Naujan, Pola, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao. Inulat na rin ang pag-abot ng langis sa mga dalampasigan ng Semirara Island, Caluya, Antique at nitong Marso, sa Taytay, Palawan. Nakadagdag na salik sa mabilis at malawak na pagkalat ng langis ang hanging amihan.

Pinangangambahan ang pinsala ng oil spill sa kalikasan na maghahatid ng pangmatagalang epekto sa kabuhayan at suplay ng pagkain ng mamamayan ng MIMAROPA. Batay sa pagsusuri ng University of the Philippines Marine Science Institute, apektado ng oil spill ang 20,000 ektaryang (ha) coral reef o bahura, 9,900 ha ng bakawan, at 6,000 ha ng seagrass na pawang tirahan at likas na paramihan ng mga isda sa Oriental Mindoro, Antique at Palawan. Aasahang liliit ang bolyum ng mahuhuling isda sa darating na mga panahon.

Nanawagan na ang NDFP-Mindoro ng agarang pagtugon sa pangangailangan at pinsala sa kabuhayan ng mamamayang apektado ng trahedya. “Dapat ituring ng gubyerno na pangunahing prayoridad ang pagbibigay ng nakasasapat na ayuda para sa libu-libong mangingisdang Mindoreño. Marapat lang na bumuo ng programang pangkabuhayan para sa mga mamamalakaya na tutugon sa kanilang pangangailangan sa panahon na hindi pa maaaring makalaot,” ani Ma. Patricia Andal, tagapagsalita ng NDFP-Mindoro.

Nagkukumahog ang lokal na gubyerno at mga pambansang ahensya sa paglilinis sa langis sa dagat subalit kapuna-punang hindi ito agresibo sa pagpapanagot sa mga kumpanyang may-ari ng barko at sa kargong dala-dala nito. Ang MT Princess Empress ay pag-aari ng RDC Reield Marine Services (RDC). Inupahan ito ng SL Harbor Bulk Terminal Corporation para dalhin ang kargong langis mula sa Bataan tungong Iloilo.

Ang SL Harbor Bulk ay subsidyaryo ng San Miguel Shipping and Lighterage Corporation, isa sa mga pag-aari ng San Miguel Corporation (SMC). Ang kroni ng mga Marcos-Duterte na si Ramon Ang ang kasalukuyang presidente ng SMC.###

Oil spill sa karagatan ng MIMAROPA, malaking pahirap sa mamamayan