Mapaminsalang mga proyekto sa protektadong kabundukan ng Negros
Noong Agosto 2022, napaatras ang planong pambobomba ng 79th IB sa Mt. Mandalagan, isang bundok na bahagi ng protektadong North Negros National Park (NNNP). Inilusot ng militar ang pambobomba bilang “test run” pero batid ng lahat ang layunin nito ay palayasin ang mamamayan sa lugar, gayundin ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan na nagsisilbing balakid sa pandarambong sa natitirang kagubatan sa isla. Ito ay para bigyan-daan ang mapandambong at mapaminsala sa kapaligiran na mga proyektong imprastruktura at eko-turismo ng malalaking burgesya.
Ang NNNP ay mahigit 80,400 ektarya ng kabundukan sa Negros Occidental. Deklarado itong kagubatan (forest area) noong dekada 1940 at protektadong lugar noong 2005. Saklaw nito ang 10% ng isla, kabilang ang mga bahagi ng mga syudad ng Talisay, Silay, Victorias, Cadiz, Sagay at San Carlos at mga bayan ng Murcia, Don Salvador Benedicto, EB Magalona, Toboso at Calatrava.
Nasa gulugod nito ang Mt. Mandalagan at Mt. Silay na itinuturing na pinakamalaking watershed ng prubinsya. May apat itong sistema ng tubig na pinagkukunan ng maiinom na tubig ng 17 syudad at bayan, kabilang ang Metro Bacolod.
Nakatira at namumuhay nang matiwasay sa NNNP ang katutubong Ati at Bukidnon. Pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan, pagkain at gamot ang kagubatan. Liban sa kanila, tahanan din ang lugar ng libu-libong Negrosanon na nagsasaka sa mahigit 40,000 ektarya sa lugar.
Kinikilala ang NNNP bilang panangga sa pinsalang dala ng climate change at mga sakuna tulad ng malalakas na bagyo, pag-ulan at hangin. Nagsisilbi din itong mahalagang biodiversity area at tirahan ng samutsaring hayop at halaman.
Katulad ng maraming likas na yaman sa bansa, nag-uunahan ang burgesya at kanilang mga kasosyong dayuhang kapitalista at lokal na burukrata sa pagsamantala sa mga ito. Noong maagang bahagi ng siglong 1900 hanggang dekada 1980, kinalbo ng Amerikanong kumpanyang Insular Lumber Company (ILCO) ang kagubatan dito. Sa isang panahon, kinilala ang ILCO bilang pinakamalaking kumpanya sa pagtotroso sa buong mundo.
Hanggang ngayon, patuloy na dinadambong ng mga burgesya at kanilang mga kasosyo ang NNNP. Pinakahuli sa mga proyektong ito ang eko-turismo, sala-salabat na mga daan, geothermal na planta at pagmimina ng magnetite.
Patag-Silay-Calatrava-Cadiz Road
Sa tabing ng pandemya noong 2020, sinimulan ng Department of Public Works and Highways ang konstruksyon ng daan mula Calatrava tungong Silay City na tatagos sa gitna mismo ng NNNP. Iginawad ang proyekto sa Trimluv Builders and Supply, isang kumpanya sa konstruksyon na sangkot sa isa pang mapaminsalang proyekto—ang Jalaur River Multi-purpose Project sa katabing isla ng Panay. Nagkakahalaga ang kontrata sa paglalatag ng 3.7 kilometrong daan ng ₱125 milyon.
Mariing tinututulan ng maka-kalikasang grupo, kabilang ang diyosesis ng San Carlos, ang proyekto. Anila, mangangahulugan ito ng paghahawan sa kagubatan, pagpinsala sa likas na tereyn, pagpapalayas sa ligaw na mga hayop at pangkalahatang pagkasira ng ekolohiya at pagkawala ng mga benepisyo nito.
Inilalako ang proyekto bilang daang farm-to-market na pakikinabangan diumano ng mga magsasaka. Pero malinaw na paunang hakbang ito para sa mas malalaki at mapaminsalang proyektong balak itayo ng burgesya at kanilang mga kasosyo sa loob ng protektadong tereyn.
Eko-turismo
Tinaguriang “bakasyunan” sa Negros Occidental ang Don Salvador Benedicto dahil sa relatibong malamig na klima nito. Kahit saklaw ng NNNP ang dalawang-katlo sa kalupaan ng bayan, ibinukas ng lokal na guyberno dito ang 500 ektarya para sa dayuhan at lokal na mamumuhunan noong 2014.
Nagbigay-daan ang pagbubukas na ito sa paghawan ng kagubatan at pagtatayo ng mga resort, kongkretong daan at iba pang iligal na istruktura ng dayong mga negosyante. Liban sa naturang bayan, nagsulputan din ang kaparehong mga istruktura sa Patag, Silay City at Gawahon, Victorias City.
Dahil sa papataas na popularidad ng lugar, tumaas na ang halaga ng lupa na tulak ng ispekulasyon sa real estate. Dumaraming debeloper ang nagkukumahog na pasukin ang NNNP para magtayo ng komersyal na mga bahay bakasyunan para sa dayuhang mga turista. Papalaking tipak sa loob ng NNNP ang hinawan nila para rito.
Para tanggalin ang balakid sa mga proyektong ito, isinasailalim sa militarisasyon ang mga komunidad sa paligid ng NNNP. Noong Hunyo 22, 2022, naglunsad ng pekeng engkwentro ang 79th IB sa Sityo Tinibyangan, Barangay Minapasuk, Calatrava para palayasin ang nasa 50 indibidwal.
Sinundan ito ng pang-iistraping kung saan dalawang bata ang nasugatan noong Hulyo 6, 2022 sa Sityo Banwa Minatay, Barangay Marcelo sa parehong bayan.
Nitong huli, naging target ng intimidasyon ng militar ang obispo ng San Carlos na si Bishop Gerardo Alminaza, isa sa tumututol sa paninira at pandarambong sa NNNP.