RCEP, lalong wawasak sa ekonomya

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Nagpahayag ng mariing pagtutol ang mga grupo ng magsasaka sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa pagpasok ng Pilipinas sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP). Niratipikahan ng Senado ang tratado noong Pebrero 23, sa botong 22-sang-ayon, 1-tutol at 1 abstensyon.

Agrikultura ang isa sa pinakatatamaang sektor sa pagpasok sa RCEP, dahil sa ilalim nito ay obligado ang Pilipinas na tanggalin ang taripa sa sensitibong mga produktong pang-agrikultura. Hungkag ang mga pahayag ng mga tagapaglako nito na kailangan ng bansa ang kasunduan para sa malayang kumpetisyon.

Walang-wala sa pusisyon ang atrasado at pinababayaang agrikultura sa Pilipinas na tagalan ang kumpetisyon ng mga imported na kalakal mula sa mga bansang nagbibigay ng malaking subsidyo sa mga magsasaka. Ngayon pa lamang, lubog na sa utang at matataas na gastos sa produksyon ang mga magsasaka. Bagsak na ang presyo ng kanilang mga produkto dahil sa walang sagkang importasyon, ismagling at manipulasyon ng mga kartel na kakutsaba ng nakaupong reaksyunaryong pangkatin.

Walang kapantay na pinsala ang idinulot ng deka-dekadang “malayang kalakalan” sa agrikultura at industriya ng Pilipinas. Bumulusok ito nang bumulusok mula nang pumasok ang Pilipinas sa World Trade Organization noong dekada 1990. Sa nakaraang taon, pinakamaliit ngayon ang bahagi ng pagmamanupaktura sa gross domestic product habang ang agrikultura ay pinakamaliit sa buong kasaysayan ng bansa.

Ang ipinataw na mga patakaran ng WTO ang pumatay sa maraming subsektor sa industriya at agrikultura at pananatili ng buong atrasadong ekonomya. Itinulak nito ang mga programa sa pribatisasyon, deregulasyon at liberalisasyon sa kalakalan, produkto, serbisyo, agrikultura at marami pang iba.

Mula 1995, pumaloob ang bansa sa di bababa sa 10 kasunduan para sa “malayang kalakalan.” Kabilang dito ang mga kasunduan sa China, Japan, Australia, New Zealand, ASEAN at Europe.

RCEP, lalong wawasak sa ekonomya