Pagdurusa sa pribatisadong transmisyon ng kuryente

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Habang nagdurusa ang mamamayang Pilipino sa palyadong serbisyong transmisyon ng kuryente sa ilalim ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), kumikita naman ng malaki ang mga upisyal nito.

Noong Mayo 8, doble init ang naranasan ng mga residente ng Metro Manila, mga karatig-prubinsya at ilang bahagi ng Visayas sa ilang oras na malawakang nag-brownout dahil pumalpak ang mga grid (sistema ng mga kable at linya ng kuryente) ng NGCP. Ayon sa kumpanya, nagkulang ang suplay ng kuryente dahil pumalya ang limang grid nito at bumagal ang takbo ng tatlong iba pa. Malaking perwisyo ito sa daan-daang libong Pilipino. Sa Metro Manila pa lamang, apektado ang 300,000 konsyumer.

Kita sa pagdurusa ng mamamayan

Itinayo ang NGCP noong 2009 para isapribado ang operasyon, pagmantine at mga ari-arian ng National Transmission Corporation, isang government-owned and -controlled corporation. Bahagi ito ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) na ipinasa noong 2001.

Ibinenta ng noo’y rehimeng Arroyo ng NGCP sa konsorsyum na binubuo ng Monte Oro Grid Resources na kontrolado ngayon ni Henry Sy Jr, at Calaca High Power Corporation nina Robert Coyiuto Jr. at Pedro Goza. Ang 40% na sosyo ng NGCP ay binili naman ng State Grid Corporation of China, kumpanyang pag-aari ng gubyerno ng China. Ginawaran ang NGCP ng 25-taong konsesyon at 50-taong prangkisa. Nagbayad ang konsorsyum ng $3.95 bilyon sa estado, na mabilis na nabawi sa loob lamang ng apat na taon. Pagsapit ng 2015, lampas doble na sa orihinal na pamumuhunan ang kinita ng kumpanya.

Sa pagdinig sa senado, napag-alamang umaabot sa ₱286 bilyon ang kita ng NGCP mula 2009. Ang ₱208 bilyon nito ay ibinigay sa mga may hawak ng sosyo ng kumpanya, at hindi ibinalik para paunlarin ang imprastruktura ng transmisyon. Lumaki ang kita ng kumpanya dahil sa taas ng singil nito sa serbisyo.

Kamakailan, iniulat ng Energy Regulatory Commission ang pagkaantala ng 72 proyekto ng NGCP para sa pagpapaunlad ng serbisyo, kabilang ang 33 nasa Luzon, 19 sa Visayas, at 14 sa Mindanao. Liban dito, anim sa 16 na mga proyektong pang-enerhiya na tinukoy nito bilang may “pambansang kahalagahan” ang hindi natapos ng korporasyon. Sa kabila nito, bahagi na ang naturang mga imprastruktura sa kinukolekta ng NGCP sa “transmission charge” simula 2020 at sinisingil sa mga konsyumer.

Pribatisadong sektor ng kuryente

Isa lamang ang transmisyon sa pribatisadong bahagi ng sektor ng kuryente. Sa ilalim ng EPIRA, malaking bahagi ng serbisyo ng kuryente, mula produksyon, transmisyon hanggang distribusyon ang hawak ng mga pribadong negosyo.

Sa sub-sektor ng produksyon ng kuryente, namamayagpag ang kumpanyang San Miguel Corporation, na pag-aari ni Ramong Ang. Hawak ng kumpanya ang 20.76% ng subsektor kasunod ang Aboitiz Power Corporation ng pamilyang Aboitiz na may 17.67% at FirstGen Power Corporation ni Federico R. Lopez na may 14.12% kontrol sa merkado.

Noong 2022, nakapagtala ang San Miguel Global Power Holdings Corp, subsidyaryo ng SMC sa kuryente, ng netong kita na ₱3.1 bilyon. Samantala, naitala ng APC ang 32% na paglaki ng netong kita nito tungong ₱27.5 bilyon.

Dominado naman ng Manila Electric Company (Meralco), pag-aari ni Manny V. Pangilinan at pamilyang Lopez, ang sub-sektor ng distribusyon ng kuryente. Noong 2022, lumaki nang 21% ang netong kita ng kumpanya mula ₱23.5 bilyong tungong ₱28.4 bilyon. Kinokopo ng kumpanya ang halos 6.5 milyong kostumer sa buong bansa habang mayroong mga pribadong kumpanyang kumokontrol sa distribusyon sa ibang mga rehiyon.

Nang isabatas ang EPIRA, ipinangako nito ang pagkakaloob ng mura at maaasahang kuryente. Matapos ang higit dalawang dekada paglipas, tumataas ang singil at palpak ang serbisyo sa kuryente.

Kung ikukumpara noong 2001, lumaki nang halos 200% ang singil sa kuryente na ₱5.76 kada kWh tungong ₱11.4929 kada kWh ngayong Mayo 2023. Sa huling tala noong Disyembre 2021, kabilang ang Pilipinas sa pinakamataas ang singil sa kuryente sa Southeast Asia. Sa datos noong 2022, mas mataas din ang singil dito ($0.173 kada kWh) kumpara sa pandaigdigang abereyds na $0.168 kada kWh.

Pagdurusa sa pribatisadong transmisyon ng kuryente