Dagdag-sahod, pagtatanggol sa karapatan at soberanya, sigaw ng LGBT+

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Dagdag-sahod, pagtatanggol sa karapatan at kagalingan ng mga minorya sa kasarian, pagtatanggol sa pambansang soberanya at karapatang-tao ang ilan sa tampok na panawagan sa inilunsad na Pride March noong Hunyo 24. Nanguna sa aktibidad ang Bahaghari, ang pambansa-demokratikong organisasyong nagtataguyod sa mga karapatan ng LGBT+ sa bansa.

Pinangunahan ng grupo ang pagkilos sa Southern Tagalog Pride, Metro Baguio Pride, at Central Luzon Pride. Nakiisa rin ito sa martsa ng ilampung libong LGBT+ at kanilang mga alyado sa Makati City at Quezon City.

Higit 500 ang lumahok sa martsa ng Metro-Baguio Pride mula Session Road tungong Igorot Park. Napuno ang protesta ng makukulay na bandila at ng bahaghari, mga plakard na may iba’t ibang panawagan at mga pagtatanghal. Naglunsad din sila ng Pride Fair sa Igorot Park mula Hunyo 21 hanggang Hunyo 23.

Sa Laguna, nagtipon ang daan-daang delegasyon ng iba’t ibang sektor mula sa Southern Tagalog sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños bilang selebrasyon ng Pride Month. Nagkaroon din ng malaking pagtitipon sa Angeles City, Pampanga. Katulad na mga pagkilos ang inilunsad ng iba’t ibang grupo sa Biñan sa Laguna, at Cebu City. Nagkaroon din ng aktibidad sa Dumaguete City at Mandaue City noong Hunyo 25.

Inalala ng Bahaghari sa araw na iyon ang kauna-unahang Pride March sa Pilipinas na inilunsad ng Pro-gay, isang pambansa-demokratikong organisasyon ng mga bakla, noong 1994. Ang martsang ito ay kauna-unahan din sa buong Asia.

Sinuportahan din ng Bahaghari ang panukalang SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity, and Expression) sa kongreso na nagsasaad ng pagkilala sa mga karapatan ng mga LGBT+.

Dagdag-sahod, pagtatanggol sa karapatan at soberanya, sigaw ng LGBT+