Mga manggagawa sa Mindanao, nagtitiis sa kakarampot na sahod

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Walang aksyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) sa petisyon ng mga manggagawa para sa dagdag sahod bukod sa National Capital Region. Nakabimbin pa rin ang mga panukala sa 10 RTWPB.

Noon pang Hunyo 2022 huling nag-utos ng mga umento ang mga RTWPB. Sa mga ito, ₱16 (BARMM) ang pinakamababang idinagdag habang ₱110 (Region VI) ang pinakamalaki na ipinatupad ng dalawang bigayan. Karamihan sa mga rehiyon ay nagpatupad lamang ng ₱30-₱60 na umento. Relatibong mataas-taas ang minimum na sahod sa NCR na ₱533-₱570.

Sa Mindanao, nasa abereyds na ₱357.83 hanggang ₱376.33 lamang ang minimum na sahod. Pinakamataas na ang natatanggap ng mga manggagawa sa rehiyon ng Davao na ₱443. Malayong-malayo ito sa abereyds na nakabubuhay na sahod sa isla na itinakda sa ₱1,315/araw noong Abril. Para maabot ang sahod na nakabubuhay, kailangang magkaroon ng umento sa sahod nang hanggang ₱938.67 sa buong isla.

Sa estadistika ng estado noong Enero, nasa Mindanao ang higit 23% ng populasyong 15-edad pataas o 17.82 milyon sa kabuuang 77.12 milyon sa bansa. Sa bilang na ito, 68.2% lamang ang ibinilang sa pwersa ng lakas paggawa. Sa parehong panahon, inilagay sa mababang abereyds na 3.9% ang tantos ng disempleyo habang 17.5% ang tantos ng kulang ang trabaho dito.

Sa isang pag-aaral noong 2017, lumabas na isa sa bawat limang manggagawa sa Mindanao ay naghahanap ng dagdag na trabaho, pero karamihan ng trabaho ay panandalian o partaym. Nasa 90% ng lakas-paggawa ay nasa impormal na sektor, kalakhan sa agrikultura. Lubhang di industriyalisado ang ekonomya ng isla, kahit kumpara sa atrasadong kalagayan ng kalakhan ng bansa. Noong 2018, nasa 153,369 lamang ang mga manggagawang nasa pagmamanupaktura kung saan 50,522 pa ay kontrakwal. Higit 364,000 naman ang ineempleyo sa transportasyon at pag-iimbak, wholesale at pagtitingi, at mga negosyong may kaugnayan sa kuryente at gas.

Samantala, nasa 24,025 ang itinalang bilang ng mga manggagawa sa noo’y 72 na mga kumpanya sa pagmimina at kwari. Pinakakonsentrado (19,482) ang mga manggagawa sa minahan sa rehiyon ng Caraga kung saan 54% ng mga manggagawa ay kontraktwal. Sa kasalukuyan, nakapako sa ₱350 ang arawang sahod ng mga manggagawa sa rehiyon.

Noong Hunyo, nakapagtagumpay ang unyon ng mga manggagawa sa Philsaga Mining Corp. (PMC), kumpanyang nagmimina ng ginto, ng dagdag sahod na ₱40 sa kanilang pakikipagnegosasyon sa maneydsment. Nag-eempleyo ang kumpanya ng 2,050 regular na mga manggagawa at naglaan ng kakarampot na ₱82,000 kada buwan sa dagdag sahod. Sa tala ng Mines and Geosciences Bureau Region 13 noong 2022, mayroong tinatayang 5,040 empleyado ang kumpanya at gumastos lamang ₱692 milyon para sa pasahod, maliit na halaga kumpara sa halaga ng ginto ($137.51 milyon) at pilak ($779,123) na ineksport nito sa parehong panahon.

Sa mga pabrika at plantasyon ng kumpanyang Dolefil sa South Cotabato, humigit-kumulang 7,000 lamang sa 20,000 manggagawa ang regular at tumatanggap ng minimum sa Socsksargen na ₱341/araw. Mas mababa nang 8% ang tinatanggap ng mayorya na iniiempleyo na mga kontraktwal. Ang Dolefil ang isa sa pinakamalaking eksporter ng mga produktong prutas sa buong mundo at noong 2021 ay kumita nang hanggang $6.5 bilyon.

Maliit na bahagi lamang ang mga plantasyon ng Dolefil sa halos 500,000 ektaryang lupain o 12% ng kabuuang agrikultural na lupa ng Mindanao na okupado ng mga kumpanya sa plantasyon.

Bukod dito, mayroong hindi bababa sa 37 economic zone sa isla. Nasa Davao Region ang 17 nito at 10 ay nasa Northern Mindanao. Sa mga ito, 12 ang agro-industrial zone, 15 ay information technology park, at walo ang manufacturing zone. Mas madalas, ang mga manggagawa dito ay tumatanggap ng mas mababa sa minimum at kumakaharap sa samutsaring atake sa kanilang karapatan sa paggawa.

Kamakailan, naitala ng mga rehiyon sa Mindanao ang abereyds na 7.2% na Gross Regional Domestic Product (GRDP). Gayunpaman, hindi ito dama ng mamamayan. Sa tatlong mayor na isla ng bansa, doble ang tantos ng kahirapan sa Mindanao noong 2021 na inilagay sa 21.93% kumpara sa Luzon (10.52%).

Mga manggagawa sa Mindanao, nagtitiis sa kakarampot na sahod