Magkaisa para labanan ang pahirap na estado at lutasin ang kagutuman sa buong bayan!

,

“Ang taas na ng presyo ng bigas, sibuyas, asukal at gasolina ay hindi na kayang bilhin ng pang-araw-araw naming kita!” Ito ang daing ni Luz habang namimili sa palengke ng Puerto Princesa City nitong Agosto. Ang nakapagtataka ay iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Agosto na bumaba ang tantos ng implasyon ng probinsya mula 6.9% tungong 5.4%, ganundin, sa kabisera nitong Puerto Princesa City mula 4.2% tungong 2.9%, noong Hunyo hanggang Hulyo. Kung gayon, bakit hindi naramdaman ng mga Palaweno ang pagbabang ito?

Taliwas dito ang ulat ng PSA na pagtaas ng pambansang implasyon na umabot ng 5.3% mula sa 4.7% noong Agosto. Dahil umano ito sa implasyon sa pagkain na sumipa ng 8.7% mula sa 6.3% noong nakaraang buwan. Sa bigas pa lamang, pumalo na sa P50 ang kilo ng pinakamurang bigas sa Puerto Princesa City nitong katapusan ng Agosto mula sa P42 noong Hunyo. Tinatayang mas mataas ito sa mga bayan sa timog, laluna sa dulong bayan ng Bataraza at isla ng Balabac. Ang isang malaking kabalintunaan, mataas ang kakayahan ng probinsyang suportahan ang pangangailangan nito sa bigas sa lawak ng palayan mula norte hanggang dulong timog. Pero ayon mismo sa ulat ng PSA nitong Hulyo, nag-ambag ang bigas ng 13% sa kabuuang tantos ng implasyon sa probinsya kahit pa sinasabi nilang bumaba ang una sa parehong buwan.

Palsipikadong ang itinuturong dahilan ng lokal na gubyerno sa napakataas na presyo ng bigas — ang mataas umanong presyo sa farmgate na P21-22 dahil sa napakataas na gastos sa produksyon, at pangalawa, ang mga hoarder ng suplay ng bigas.

Liban sa bigas, nanatili ring mataas ang presyo ng iba pang batayang bilihin tulad ng itlog, gulay, rekado, asukal, isda at maging ang karne. Liban pa sa patuloy na tumataas na singil sa kuryente, tubig, at iba pang batayang serbisyo, ganundin ang presyo ng produktong petrolyo na tuluy-tuloy na tumataas.

Kung tutuusin, wala naman talagang naramdamang ni katiting na alwan ng pamumuhay ang mamamayan mula nang manungkulan si Marcos II, bagkus ang higit pang kahirapan. At ang kasalukuyang mga istadistika ng reaksyunaryong gubyerno ay malinaw na mga palatandaang hindi na maikukubli pa ng mga dinoktor nilang datos ang dinaranas ng sambayanan. Hindi mahabol ng bagsak na presyo ng mga produktong bukid ng masang magsasaka at nakapakong mababang sahod ng mga manggagawa ang napakataas na arawang gastusin sa buong bansa, laluna sa Palawan. Walang pagbabago ang arawang sahod ng mga manggagawa na umaabot lamang sa P329-355. Nananatili ring barat ang presyo ng mga produktong bukid ng magsasaka at minoryang Palaweno—mula sa palay, saging, mais, niyog, at iba pa.

Pinalalala pa ito ng sunud-sunod na hambalos ng natural na kalamidad at mga sama ng panahon na nanalasa sa nagdaang tatlong buwan. Ekta-ektaryang palayan sa norte ang pinalubog ng magkakasunod na bagyong Dodong, Egay, Falcon at Goring. Pinakamalala dito ang bagyong Egay at Goring. Nitong Setyembre 4, idineklara ang state of calamity sa isla ng Coron. Dahil din sa magkakasunod na bagyo, naantala ang aktibidad ng mga mangingisda sa buong probinsya. Liban dito, matinding abala at maituturing na ring malaking paralisasyon sa aktibidad sa pangingisda ng mga maliliit na mangingisdang Palaweño ang buwan-buwang pagsasanay-militar sa mga karagatan sa saklaw ng probinsya mula pagpasok ng taon. Tinutuligsa nila ang mga paghihigpit na ipinatutupad sa mga kababayan nating mangingisda habang mga bahag naman ang buntot ng mga ahente ng estado sa harap ng mga tropa ng China.

Sa bayan ng Magsaysay, dagdag pasakit sa maliliit at katamtamang laking magbababoy ang pagpasok ng African Swine Fever (ASF) sa isla ng Cocoro nitong Agosto 24. Kagyat na nagtala ito ng 300 dokumentadong kaso ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa isla.

Dahil dito, nagkumahog ang pambansang gubyerno na gumawa ng palyatibo at sa huli’y mapatutunayang inutil na mga hakbangin at polisiya para di umano sa pagkontrol ng pagsirit ng arawang gastusin ng mga Pilipino. Kahit sa Palawan, hindi na rin magkandamayaw ang mga lokal na gubyerno hanggang antas bayan para kunwa’y aksyunan ang krisis na ito. Ang hakbang ng rehimeng US-Marcos II ay ang EO 39 na nagtakda ng presyong P41.00 kada kilo ng regular milled rice at P45.00 kada kilo ng well-milled rice mula nitong Setyembre 5. Ngunit kagyat itong inalmahan ng mga maliliit na manininda. Hiniling ng grupong Mga Manininda ng Puerto Princesa Incorporated (MMPPI) na bigyan sila ng ilang araw na palugit para sa pagbaba ng presyo ng bigas sa pamilihan at kung gayo’y pahintulutan pa silang ibenta ang mga imbak nilang bigas na nabili sa mataas na presyo.

Dagdag na pahirap ang nito lamang Setyembre 18 ay isinadsad ng rehimen ang presyo ng palay sa farmgate sa P19-23 kada kilo para sa mga tuyong palay at P16-19 kada kilo para sa basang palay. Ang balighong katwiran ni Marcos II, diumano na ang hakbanging ito ay tugon niya sa nagbabagong kalagayan sa produksyon at pamilihan at nakatudla umano sa pagpapabuti ng kita ng mga magsasaka. Isang insensitibong hakbangin ng kasalukuyang kalihim ng Department of Agriculture sa daing ng mga magsasaka sa palayan sa napakataas na gastos sa produksyon. Ni wala itong katugong hakbangin ng pagbibigay ng ayuda at suporta sa mga magsasaka, laluna ang pakinggan ang pagmamakaawa ng magsasaka ng palay na ibasura ang Rice Tarrification Law na siyang pumapatay sa lokal na produksyon.

Sa halip, ibayong ipinatutupad ng rehimen ang neoliberalisasyon sa agrikultura na nagpapalala sa labis na pagsalig ng bansa sa pag-import ng mga produktong pang-agrikultura sa kapinsalaan ng lokal na mga prodyuser. Wala itong inilalaang pondo o ayuda sa farm inputs ng mga magsasaka pero may pondo para sa kontra-rebolusyonaryong gera na peste sa buhay at kabuhayan ng masa. Wala rin sa adyenda ng rehimen ang pambansang industriyalisasyon kaakiba’t ng tunay na reporma sa lupa para lutasin ang problema sa pagkain at krisis sa bansa.

Walang makabuluhang maidudulot sa sektor ng agrikultura ang panukalang budget para sa taong 2024 ng rehimen. Napakaliit ng itinaas ng budget na 5.2% lamang, samantalang tumaas ng 22% ang pondo sa depensa na mapupunta sa mga berdugong AFP-PNP na lansakang lumalabag sa karapatang pantao ng mamamayan. Malayong-malayo ang pagitan ng pondo para sa sektor ng agrikultura (pinagsamang pondo ng DA at DAR) na P197.8 bilyon habang P2.5 trilyon ang pork barrel ni Marcos II na tiyak, at malaking bahagi ay para sa kurapsyon at luho ng kanyang pamilya at mga kroni. Naglalakihan din ang pondong nakalaan sa iba’t ibang proyektong imprastraktura sa ilalim ng Support to Barangay Development Projects (SBDP) at pork barrel ng mga lokal na pulitiko na nagkukubli sa ‘serbisyong pambayan’ pero ginagawang palabigasan at gatasang-baka ng mga korap na opisyal ng AFP at mga burukrata. Kamakailan lamang ay pinansin ng Commission on Audit at ipinagpapaliwanag ang di-kinakailangang paggasta ng Puerto Princesa City Water District ng P74 milyon sa pagbili ng Ultraviolet Hydro Optic Disinfection.

Sa Palawan, sa halip na paunlarin ang makasasapat at mataas na potensyal ng agrikultura sa probinsya, nakatutok ito sa pagpapatupad ng eko-turismo sa balangkas ng mga neoliberal na patakaran. Inuna nito ang pagpapasigla ng turismo sa probinsya pabor sa dayuhang interes. Matatandaang nitong Pebrero ay inianunsyo ni 2nd district representative at dating gubernador Jose Chavez Alvarez na target ng lokal na gubyerno ng probinsyang makamit ang taunang 5 milyong turista, na magbibigay raw ng P250 bilyong kita mula ngayong taon. Resulta nito, libu-libong ektaryang taniman ng magsasaka at kagubatan ng probinsya ang isinusubasta at kinukumbert para sa mga proyektong eko-turismo laluna sa Balabac, Coron, Culion, El Nido, at San Vicente. Sa kabilang banda, tiyak na mapupunta sa bulsa ng mga lokal na burukrata at naghaharing-uri sa probinsya ang malalaking kikbak na kikitain mula sa proyekto.

Sadyang wala sa interes ng kasalukuyang estadong malakolonyal at malapyudal na lutasin ang krisis at kagutuman ng bansa. Para sa kanila, mas mahalaga at pangunahin ang kanilang makauring interes, luho at ang pabor sa among imperyalistang US. Dapat labanan ng bayan ang tumitinding pagpapahirap at pagsasamantala ng mga naghahaharing uri na ugat ng malaganap na kagutuman sa buong bansa. Ibunsod ang malalaking protestang bayan para singilin at obligahin ang gubyernong tugunan ang hinaing ng mamamayan sa ayuda, dagdag na sahod at sapat na kabuhayan. Kasabay nito ang pagkundena sa mga inutil na hakbangin, patakaran at programa ng estado sa pumapaimbulog na presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Marapat na kastiguhin at igiit ang pagbibitiw ng mga reaksyunaryong tagapangasiwa sa ekonomya ni Marcos II sa pagiging manhid at sunud-sunuran sa dikta ng US. Dapat umani ng pinakamalawak na pagtuligsa ang misalokasyon ng pondo ng gubyerno laluna ang naglalakihang budget para sa depensa at pork barrel nina Marcos at Duterte.

Ang malaon nang suliranin sa kabuhayan at kagutuman ng mamamayang Pilipino ay resulta ng malapyudal at malakolonyal na katangian ng lipunan na iniluwal ng paghahari ng tatlong salot sa lipunang Pilipino – ang imperyalismong US, pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ang pagkakalukluk ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang palatandaan ng walang kaparis na pagkabulok ng lipunang ito.

Dapat magkaisa at lumaban ang bayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas upang ibagsak ang rehimeng US-Marcos-Duterte at ang tatlong salot sa lipunan. Tanging sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan (DRB) na may sosyalistang perspektiba maitatatag ang estadong tunay na magsisilbi sa mayorya ng mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Sa ganap na tagumpay ng DRB titiyakin ng itatayong demokratikong estadong bayan ang pagpapaunlad ng isang planadong ekonomya para sa kapakinabangan ng mayorya, laluna ng masang anakpawis at magsisilbing pundasyon sa pagtatatag ng sosyalistang ekonomya sa hinaharap. Ito ang maggagarantiyang mawawakasan ang malawak na kagutuman at isang lipunang ganap na malaya at demokratiko.#

Magkaisa para labanan ang pahirap na estado at lutasin ang kagutuman sa buong bayan!