Kasunduang 1-2-3, paghahanda ng US at Pilipinas sa ikinakasang gera sa Asia Pacific
Nilagdan nitong Nobyembre 17 kapwa ng mga kinatawan ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas at ng US ang 123 Agreement Negotiations for Civil Nuclear Energy Cooperation. Itinuring ang naganap na pirmahan na isang panandang-bato ng “mutwal na pakikipagkaisa” ng mga bansa. Saksi rito mismo ang papet na si Ferdinand Marcos Jr. habang ginaganap ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa San Francisco, California. Sa ilalim nito, pahihintulutan ang mga korporasyon ng US na mamuhunan at mag-export ng nuclear fuel, reactors, equipment at iba pang specialized nuclear materials sa bansa.
Nilalayon umano nito na panghawakan ang mga probisyong nilalaman ng U.S. Atomic Energy Act-Section 123 na rekisito sa pagkakaroon ng “isang mapayapang nuclear cooperation agreement” para sa pagpasok ng mga materyales at kagamitang nukleyar ng US sa mga “kaugnayan” nitong bansa. Umaayon ito sa paimbabaw at mapanlinlang na postura ng US na mariing itulak at tiyakin ang mga prinsipyo ng non-proliferation (pagbabawal para sa produksyon ng mga armas-nukleyar), at pangasiwaan umano ang kooperasyon sa iba pang aspeto tulad ng siyentipikong pananaliksik, palitan sa teknika, at safeguards discussions.
Ani Andrei Bon Guerrero, tagapagsalita ng BVC-NPA Palawan, “Malinaw na ikinukubli ng Kasunduang 1-2-3 ang papasaklaw na dominasyon ng imperyalistang US at mapang-upat nitong paghahanda sa ikinakasang gyera sa rehiyong Indo-Pacific, sa tabing ng pagnanais ng US na tugunan ang krisis sa enerhiya ng ating mga kapuluan. Umaayon ito sa nasimulan nang kasunduan at hakbanging militar tulad ng EDCA, Balikatan exercises, at di bababa sa 11 base-militar kabilang na ang apat na matatagpuan sa ating probinsya.”