Matuto sa kasaysayan: Ang pagkawasak ng kagubatang hatid ng mga konsesyon sa pagtotroso

Nangunguna ang Palawan sa mga probinsya sa buong bansa na pinakatalamak ang pagtotroso. Sa loob lamang ng dalawang dekada mula 2002-2022, umaabot na sa 44,100 ektarya ng pangunahing kagubatan (primary forest) ang nawala, o 202,000 ektarya ng nakalbong lupain sa probinsya. Nakaaalarma ang lubhang laki at layo nito kumpara sa abereyds na 15,900 ektaryang nakakalbong kagubatan sa ibang probinsya. Hanggang sa kasalukuyan, labis na pinaglalawayan ng mga konsesyon sa pagtotroso ang natitirang 692,288 ektaryang lupaing kagubatan ng probinsya, o 69.5% ng kabuuang lawak ng probinsya, ang pinakamalawak na lupaing kinlasipika bilang kagubatan sa buong rehiyon.

Sa kasaysayan ng Palawan, naging malawakan ang deporestasyon o komersyal na pagtotroso. Kalakhan ng mga troso ay inieeksport sa labas ng bansa, o kung di ma’y ibebenta para gawing materyales sa paggawa ng mga resort at iba pa para sa eko-turismo at luho ng mga naghaharing-uri. Malaking salik din ang mga operasyon ng dambuhalang mina at ang pagtatransporma ng kagubatan tungong plantasyong agro-industriyal tulad ng oil palm at iba pang cash crops.

Itinuturo ng mga mahihigpit na reaksyunaryong patakaran sa kalikasan sa pagkakaingin at pag-uuma ng mga magsasaka at katutubo ang pagsira sa kagubatan para ilihis ang sisi sa mga tunay na salarin. Mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagkakaingin bilang hanapbuhay ng mga residente gayong ang pangunahing nagwawasak sa kalikasan at kagubatan ay ang mga malawakan at malakihang operasyon ng malalaking burgesya kumprador na nagpapasasa sa yamang troso at mineral ng probinsya at ng mga plantasyon sa oil palm at rubber tree na pang-eksport. Ang mga ito ang dapat managot sa malawakang pagkakalbo ng kagubatan.

Marapat singilin at papanagutin ang promotor sa pagkakalbo ng kagubatan na si Jose Chavez Alvarez (JCA) na nagmamay-ari ng Pagdanan Timber Products. Ito ang pinakamalaki at pangunahing kumpanya sa pagtotroso sa probinsya, na may kasunduan ng lisensya sa pagtotroso (timber license agreement) na sumasaklaw sa 168,000 ektarya. Si JCA, ang pinakamayaman at pinakamakapangyarihang burukrata sa probinsya, ay nagkamal ng kanyang yaman sa operasyon ng pagtotroso sa kagubatan ng Palawan at pag-aari ng mga hotel at iba pang signipikanteng negosyo sa real estate sa probinsya.

Sa ilalim ng kanyang termino bilang gobernador ng Palawan mula 2013 hanggang 2022, sumikad ang pagpuputol ng puno sa probinsya. Sa nakaraang isang dekada, umabot sa 104,668 ektarya ang pinutol na puno o 8.8% ng buong kagubatan ng probinsya. Pinakamalubha sa kasaysayan ang naitalang mahigit 20,600 ektaryang kinalbong gubat para sa taong 2022 lamang.

Ginawang logging town ni JCA ang San Vicente kung saan umaabot sa 1,397 ektarya ng kagubatan nito ang nawala sa nagdaang dalawang dekada. Iniresulta nito ang pagbanlik ng mga wawa ng ilog sa bayan, pinsalang hindi na mapapanag-uli na hanggang ngayon ay patuloy na nagpapaalaala sa mamamayan dito ang pagkagahaman ng Pagdanan na wasakin ang kalikasan ng kanilang bayan.

Kahit pa ipinagbawal na ang operasyon ng pagtotroso ng Pagdanan Timber Products sa San Vicente dahil sa idinulot nitong pinsala doon, inilipat lamang ang operasyon nito sa iba pang bayan sa probinsya. Matatagpuan ang malalaking operasyon ng pagtotroso sa Rizal, Bataraza, Quezon, Roxas at Taytay, mga bayan kung saan kapansin-pansin din ang malawakang epekto ng pagkakalbo sa kagubatan.

Pinakamalala ang pagpuputol ng puno sa bayan ng Rizal, kung saan 28,300 ektaryang kagubatan ang kinalbo ng mga operasyon sa pagtotroso mula 2001-2022, o 52% ng kabuuang nakalbong kagubatan ng probinsya. Sumusunod dito ang Puerto Princesa (21,100 ektarya), Roxas (20,900 ektarya), Bataraza (17,200 ektarya) at Taytay (17,100 ektarya).

Dagdag pa sa operasyon ng pagtotroso ng mga burgesya kumprador sa probinsya sa pangunguna ni JCA, labis na ginahasa rin ng mga operasyon sa pagmimina ang kagubatan ng probinsya. Kung saan naroon ang mga operasyon ng mina, naitala ang malawakang pagpuputol ng puno. Sa loob ng isang dekada mula 2011-2020, nawala ang 1,641 ektarya ng gubat sa Bataraza, 1,380 ektarya sa Quezon, 755 ektarya sa Sofronio Española, 687 ektarya sa Brooke’s Point at 646 ektarya sa Narra.

Mahigpit na tinututulan ng mamamayan ang mga konsesyon sa pagtotroso ng mga burgesya kumprador sa probinsya. Nagdudulot ito ng pagkawasak ng kapaligiran at kalikasan at ng mabilis na pagbabago ng klima. Naranasan ng Palawan sa nagdaang mga taon ang malalakas na mga bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha sa mga bayan kung saan naging laganap ang pagmasaker sa mga puno. Malaki rin ang epekto nito sa biodiversity ng probinsya kung saan nawawalan ng natural na tirahan ang iba’t ibang mga halaman at hayop. Ayon sa pananaliksik, nabawasan nang 60% ang mga specie ng ibon sa mga plantasyon ng oil palm at rubber tree kumpara sa mga natural na gubat na kalapit nito.

Nagdudulot din ito ng pagkabawas ng rekursong tubig kung saan naiiga ang mga sapa at ilog malapit sa pinagputulan ng mga puno. Bahagi ng mga nakalbong kagubatan sa Brooke’s Point, Bataraza at Rizal ay watershed area ng mga komunidad na pangunahing pinagkukunan nila ng tubig. Naitala ang pagkabawas ng suplay ng tubig sa Pulot watershed sa Sofronio Española na nagdulot ng pagbaba ng produksyon ng palay sa mga lugar na sinusuplayan ng Pulot Communal Irrigation System. Kung magtutuluy-tuloy ang pagkalbo ng gubat dito, bababa nang 20% ang produksyon ng palay sa Pulot at tinatayang nasa P19.97 milyon ang mawawalang ganansya sa ekonomya sa isang taon.

Huwad ang pagsisikap ng lokal na reaksyunaryong gubyerno na panatilihin ang kagubatan nito at palitan ang mga pinutol na puno. Ang mga naging proyekto nito para sa reporestasyon tulad ng National Greening Program (NGP), Strategic Environmental Plan (SEP) at iba pang programa ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at pagtatayo ng mga plantasyon ng oil palm ay mga proyekto lamang para ikubli ang pangangamkam ng lupa ng mamamayan at higit pa ngang nakasira ng ekosistema ng mga hayop at halaman. Noong 2018, nagpasa ng resolusyon ang PCSD na paliitin ang protektadong lupain ng Palawan para bigyang-daan ang mga operasyon ng pagtotroso, mina, eko-turismo at malawakang pagpapalit-tanim ng cash crops. Ano pa nga bang aasahan sa PCSD, ang reaksyunaryong ahensyang nakatalagang magprotekta sa mayamang kalikasan ng Palawan, kung ito ay kinokontrol ni JCA, ang numero-unong nakikinabang ng kagubatan ng probinsya?
Napakarami nang masasamang epekto ng pagtotroso sa kalikasan maging sa buhay at kabuhayan ng mamamayang Palaweño. Gayunman, walang aasahang sinseridad sa lokal na reaksyunaryong gubyerno na pangalagaan ang kagubatan ng Palawan hangga’t naghahari ang sabwatang Socrates at Alvarez sa probinsya dahil sa bawat punong kanilang pinuputol, tiyak ang yamang kanilang maibubulsa.#

Matuto sa kasaysayan: Ang pagkawasak ng kagubatang hatid ng mga konsesyon sa pagtotroso