Tensyon sa West Philippine Sea, lalong pinatitindi ng agresibong mga hakbang ng US-RP at China

Ngayong huling kwarto ng taon, ibayong pinatindi ang agresibo at mapang-upat na mga aktibidad militar ng imperyalistang US sa WPS. Sinasakyan nito ang lehitimong pagiit ng bansa sa karapatan nito para sa exclusives economic zone sa WPS at pinalalabas na alyado at kakampi sila. Gayunman, pawang mga panggagatong ito sa dati nang mainit na tensyon sa rehiyon.

Oktubre 4. Hinarangan ng barko ng China ang isa na namang resupply mission ng AFP sa nakaistasyong tropa nito sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Tinawid ng Chinese Coast Guard vessel 214556 ang landas na tinatahak ng Philippine Coast Guard vessel na BRP Sindangan at biglang huminto na maaaring humantong sa insidente ng banggaan kung hindi naiwasan ng PCG. Kasabay nito, iniulat din ng PCG ang pagdikit ng PLA Navy vessel 630 sa barko ng PCG sa distansyang 800 metro. Bago nito, naiulat din ng PCG ang presensya ng Y8Q spy plane ng China noong Oktubre 3 habang nagbibyahe ang mga tropa ng PCG papalapit sa Royal Captain Shoal.

Nobyembre 9-20. Inilunsad ang ikapitong bugso ng KAMANDAG (Kaagapay ng mga Mandirigma ng Dagat), isang taunang pagsasanay militar sa pagitan ng Philippine Marine Corps at US Marine Corps na sinimulan mula pa 2016. Nilahukan ito ng 1,800 pwersang militar ng US, Pilipinas at mga maka-US na bansang Japan at South Korea. Nakapokus ang pasasanay-militar sa pagpapataas diumano ng kakayahang magdepensa sa baybayin sa pamamagitan ng Small Unmanned Aircraft System (SUAS) o paggamit ng maliliit na sasakyang panghimpapawid na de-kompyuter at di sinasakyan ng tao o mas popular na tawaging military drones.

Nobyembre 10. Tinangkang harangan ng 38 barko ng China ang dalawang supply boat at tatlong barko ng PCG. Pinalala pa ang tensyon ng presensya ng isang US Navy plane na umikot sa itaas ng nabanggit na lokasyon na mistulang nanonood sa pangyayari. Tinarget din ng water cannon mula sa barko ng China coast guard ang ML Kalayaan, isang rescue vessel na hiniram ng Philippine Navy.

Nobyembre 13. Iniulat ng PCG ang pagdumog ng mahigit 135 barko ng China sa Whitsun Reef na kilala rin bilang Julian Felipe Reef, 175 nautical miles ang layo sa bayan ng Bataraza at bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Disyembre 5. Nabangga ng China cargo ship MV Tai Hang 8 ang isang bangkang pangisda ng mga Pilipino na Ruel J sa katubigang saklaw ng Paluan, Oriental Mindoro. Pag-aari ng Palaweñong si Jaziel Juano, residente ng Brgy. Bagong Silang, Puerto Princesa City ang bangkang pangisda.

Disyembre 11. Inilunsad ang isang phone conference sa pagitan ni AFP Chief Brawner Jr. at ang pinuno ng US Joint Chiefs of Staff Charles Brown, Jr. Layunin umano ng pag-uusap ang pagpapahigpit ng tulungan sa pagitan ng US at Pilipinas bilang tugon sa mga mapanghamong aktibidad ng China.

Tensyon sa West Philippine Sea, lalong pinatitindi ng agresibong mga hakbang ng US-RP at China