Walang rendang dayuhang pagmimina, hayagang inanyaya ng rehimeng US-Marcos II
Hayagang nag-anyaya si DFA Sec. Enrique Manalo ng dayuhang pamumuhunan sa mina sa bansa sa naganap na pulong ng UN General Assembly sa New York noong Setyembre 22.
Aniya, nais ng rehimen na magpalawig ng kooperasyong pang-ekonomya sa US sa larangan ng pagmimina ng chromium at nickel at produksyon ng mga baterya. Nakabatay rin ito sa “substantibong adyenda” na nais kamtin sa ginanap na Sustainable Development Goals (SDG) Summit ng UN. Tinatarget ng rehimen na paramihin ang bilang ng mga dayuhang dambuhalang kumpanya sa mina, laluna ang pang-eenganyo sa mga mamumuhunan ng battery components manufacturing.
Nauna nang nagpahayag si Marcos Jr. at kanyang mga alipures sa mga dayuhang gubyerno at negosyante para magmina sa Pilipinas. Ang pagmimina ng nickel ang isa sa mga adyendang pinag-usapan sa byahe ni Marcos Jr. sa Japan noong Pebrero.
Bilang dagdag na hakbang, pinalusot sa Kamara ang panukalang batas na magpapababa sa royalty na kukunin ng gubyerno sa output ng mga minahan sa mga itinakdang mining reservation sa bansa mula 5% tungong 4%.
Ayon kay Leona Paragua, tagapagsalita ng NDFP-Palawan, “Hindi mapagtatakpan ng anumang buladas at hinabing ilusyon ng pag-unlad na ipinamamarali ng estadong malakolonyal at malapyudal ang realidad na naglilingkod at pinananatili nito ang maka-imperyalistang patakaran sa ekonomya. Pangita ang pangangayupapa at pandarambong nito sa ngalan ng monopolyo-kapitalistang supertubo at lubusang kontrol sa masang anakpawis. Hindi matutumbasan ng matatabong ganansya sa iresponsableng pagmimina ang di mapapanag-uling pagkawasak ng kalikasan, at malulubhang epekto sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Dinadala lamang tayo ng mga ito sa kumunoy ng karalitaan at lubusang pagsandig sa dayuhang pamumuhunan.”
Panawagan niya, “Kailangang isanib ang tumitinding pagkamuhi at pagtutol nila sa iba pang pinagsasamantalahang mamamayan sa buong bansa at maging sa mundo at sa lumalakas na boses para sa rebolusyonaryong pagbabago. Tanging sa pagtitiyak ng tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba, sa tanglaw at di magagaping pamumuno rito ng Partido Komunista ng Pilipinas, at ang pagpapatupad ng progresibo at makabayang patakaran sa ekonomya — na siyang esensya at kumakatawan sa 12-Puntong Programa ng NDFP—ang lubusang hahawan sa landas tungong kasaganaan at kaunlarang malaya sa dayuhang dominasyon at pagsasamantala. Ang kolektibong pagpapasya at armadong paglaban ang maghahatid sa atin sa tunay na malaya at demokratikong lipunan.”#