Ani Ka Andrei: Hinggil sa usapang pangkapayapaan at ang lugar nito sa demokratikong rebolusyong bayan

 

Marubdob na pagbati ng pakikipagkaisa at puspusang paglaban!

Ikinalugod ng sambayanan ang pagbubukas ng National Democratic Front of the Philippines at gubyerno ng republika ng Pilipinas sa usapang pangkapayapaan nitong Nobyembre. Sa panig ng PKP at BHB, sa buong bansa at maging sa Palawan, isa itong magandang panimula para muling magtagpo ang magkabilang panig sa lamesa ng negosasyon at pag-usapan ang substantibong mga adyendang kumakatawan sa pangunahing mga hinaing at interes ng sambayanang Pilipino. Buo ang suporta at tiwala ng rebolusyonaryong kilusan sa Palawan sa hakbanging ito ng NDFP sa pangunguna ng ating Negotiating Panel na sina Ka Julie de Lima, Ka Louie Jalandoni, Ka Coni Ledesma at Ka Asterio Palima.

Gayunman, batid naming isang panimulang hakbang pa lamang ito, at kung tutuusi’y pambungad pa lamang sa isang mahabang martsa ng pagsusulong tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan. Sa dikta ng imperyalismong US, inilatag ng nagdaang mga rehimen, laluna ng nakalipas na rehimeng Duterte at ipinagpapatuloy ni Marcos Jr., sampu ng mersenaryong AFP-PNP ang mga tinik at tilos sa landas ng kapayapaan. Inihasik nila ang pinakamadugong kampanyang supresyon sa tabing ng gyera kontra-terorismo sa imbing layuning wasakin ang rebolusyonaryong kilusan at igupo ang determinasyon at pakikibaka ng bayan sa pamumuno ng PKP. Kung gayon, para magtuloy ang usapan, dapat alisin mismo ng rehimeng US-Marcos II ang mga tinik at tilos na ito.

Kaagad na naghuramentado ang kampo ni Duterte at mga alipures nito sa iba’t ibang sangay ng reaksyunaryong gubyerno matapos i-anunsyo ang Oslo Joint Declaration ng NDFP at GRP para sa posibleng pagbubukas ng usapang pangkapayaan. Mahigpit ang kanilang pagtutol, laluna ng tagapagmana ni Rodrigo na si Sara Duterte na ibayong naglantad sa lumalaking biyak sa dating alyansa ng dalawang naghaharing paksyong pampulitika. Pikon na pikon sina Bato dela Rosa at mga lorong tagapagsalita ng NTF-ELCAC kasama ang sandakot na mga kontra-rebolusyonaryong taksil. Tuloy, lalo lamang silang nahiwalay at inilantad ang mga sarili bilang mga uhaw-sa-dugong kriminal at kaaway ng sambayanang Pilipino.

Sa paglaon, lumalabas na susubukin pa ang kaseryosohan ng rehimeng US-Marcos II sa pagbubukas sa usapang pangkapayapaan. Malilinaw ang pahayag nina Carlito Galvez, Eduardo Año sa nais nilang patunguhan ng usapan ay ang pasipikasyon o ganap na pagkagapi ng CPP-NPA-NDFP at kung gayo’y hindi paglutas sa ugat ng armadong tunggalian. Sa panig ng BHB, ipinapakita nito ang kaseryosohan at kapursigihang ituloy ang usapan. Unilateral itong nagdeklara ng dalawang araw na tigil-putukan nitong Disyembre 25 at 26 pero sinuklian ito ng arogansya ng AFP at ng malagim na pambobomba at overkill sa isang yunit ng BHB sa Bukidnon na ikinasawi ng 10 mahal na mga kasama. Inulit pa ng AFP ang walang patumanggang pambobomba noong Disyembre 27.

Milya ang layo at lubhang magkaiba ang balangkas ng pag-upo ng rebolusyonaryong kilusan at reaksyunaryong gubyerno sa usapang pangkapayapaan. Para sa aming mga rebolusyonaryo, ang usapang pangkapayapaan ay bahagi o isang arena ng laban para isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya na maglalatag ng lipunang tunay na makatarungan, masagana at mapayapa. Taliwas ito sa nais ng reaksyunaryong gubyerno na “kapayapaan” sa gitna ng labis na pang-aapi at pagsasamantala sa masang anakpawis. Ang kapayapaang nais ng rehimeng US-Marcos II ay kapayapaan ng libingan sa anyo pagpatay at ng lansakang paglabag sa karapatang tao at pagsupil sa mga lehitimong mga pakikibaka ng mamamayan. Mas mahalaga para sa kanila ang interes ng imperyalismo at iilang naghaharing uri. Ang usapang pangkapayapaan, ay bahagi lamang ng kabuuang pakikibaka at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na tanging solusyon sa daantaong suliranin ng sambayanang Pilipino na imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo.

Ang pagbubukas ng rehimeng US-Marcos II sa usapang pangkapayapaan ay nasa kabuuang balangkas ng pasipikasyon sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ng CPP-NPA-NDFP at sa gitna ng lalong lumalalim ng hidwaan ng pagitan ng paksyung Marcos at paksyung Duterte. Nais din nitong lubusang gapiin ang rebolusyonaryong kilusan upang tuluyang maipokus ang AFP na magamit ng imperyalistang US sa napipintong armadong sigalot sa katunggaling imperyalistang China.

Ang mabilis at lalong pagkabulok ng lipunang malakolonyal at malapyudal na nagreresulta sa labis na pagbagsak ng kabuhayan ng masa, laluna ng mga anakpawis at ang tumitinding bangayan sa hanay ng mga naghaharing-uri na hindi masapatan sa pinaghahatiang kayamanan ay mga kondisyon para higit na papag-alabin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa papet, pasista at palpak na rehimeng US-Marcos II.

Habang nagbubukas ang oportunidad ng posibleng pagtutuloy ng usapan, dapat na maging mapagbantay ang taumbayan at rebolusyonaryong pwersa sa bitag ng kapitulasyon. Makakaasa ang mamamayan sa BHB na hinding-hindi namin bibitiwan ang aming mga baril bagkus ay lalong hihigpitan ang paghawak dito habang nakikipag-negosasyon sa reaksyunaryong gubyerno. Kasabay nito, dapat higit na paigtingin ang mga pakikibakang masa para isulong ang kanilang mga demokratikong interes at kahilingan. Higit sa lahat, dapat palakasin at palawakin ang paglaban ng mamamayan at paigtingin ang digmang bayan sa Palawan at buong bansa para ganap na ibagsak ang rehimeng mapang-abuso at mapang-alipin at kamtin ang tunay na matagalang kapayapaang nakabatay sa hustisyang panlipunan.

Hinggil sa usapang pangkapayapaan at ang lugar nito sa demokratikong rebolusyong bayan