Editoryal Pasiglahin ang rebolusyonaryong pakikibakang masa sa gitna ng sumisidhing krisis ng naghaharing sistema!
Mas malubhang krisis at ibayong kahirapan ng bayan ang hatid ng pahirap, papet at pasistang rehimeng US-Marcos II sa pagtatapos ng taong 2023. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, singil sa kuryente at tubig, gasolina, mga kagamitan sa pagsasaka habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa, manggagawang-bukid at sadsad sa lupa ang presyo ng produkto ng mga magsasaka at mangingisda. Hindi pa nasapatan dito, masaker ang handog ng rehimeng US-Marcos II sa kabuhayan ng daan-libong drayber at opereytor ng jeepney at UV express sa pagpapatupad ng PUV modernization. Malaking dagok ito hindi lamang sa sektor ng transportasyon sa bansa kundi maging sa iba pang mga kabuhayang kakabit nito—tulad ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na umaasa sa jeep at UV express sa pagdedeliber ng kanilang mga produkto sa pamilihan at kabayanan laluna sa Palawan kung saan ang kinakatawan ng mga jeep, UV express at mga tricycle ang pangunahing moda ng transportasyon sa lupa.
Walang pagsidlan ang galit ng taumbayan sa pasakit na hatid ng rehimeng US-Marcos. Sa Palawan, nagsara ang taon na natamo ng probinsya ang pinakamababang paglago ng GDP sa buong MIMAROPA sa 1.5% lamang na ‘paglago’. Sa kabila ng mga datos na ito, ipinagbunyi pa ng lokal na gubyerno ng probinsya ang katiting na ‘paglago’ ng ekonomya. Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, 45.5% ng “paglago” ay nagmula sa sektor ng industriya, 31.5% sa sektor ng serbisyo at 23.1% mula naman sa sektor ng agrikultura, kagubatan (forestry) at pangisdaan. Sa mga ito, ang sektor sa serbisyo ang nagrehistro ng pinakamabilis na paglago tulak ng pagpapaigting ng mga programang pang-ekoturismo ng lokal na gubyerno ng probinsya. Nananatiling pinakamataas ang tantos ng paglago ng sektor sa industriya subalit hindi ito ramdam ng mga manggagawa sa Palawan na pinakamarami ay nagtatrabaho sa mga minahan dahil hindi naman tumaas ang kanilang sahod. Hindi rin maitago ng datos ang nahuhuling paglago ng agrikultura at pangisdaan na kung tutuusi’y pangunahing kabuhayan ng pinakamalaking bilang ng masang Palaweño.
Bagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa napakataas na gastos sa produksyon at pagkain habang nananatili sa mababang presyo ang kanilang mga produkto. Perwisyo at abala naman sa kabuhayan ng mga mangingisda na limitado lamang ang nararating sa pagpapalaot dahil sa loob ng taon halos buwan-buwan ang ehersisyong militar sa West Philippine Sea.
Sa kabila ng palpak na serbisyo, humabol rin sa pagtaas ng singil sa kuryente ang PALECO nitong bungad ng Disyembre sa buong probinsya nang halos P1 kada kilowatt hour (kWh) at inaasahan pang tumaas sa pagpasok ng 2024 hanggang sa P17 kada kWh. Lalo nitong ilulugmok ang hilahod nang buhay ng masang Palaweño. Ginagamit ngayong dahilan at mainit na usapin sa probinsya ang serbisyo ng PALECO sa gitna ng napipintong pagpasok ng napakamahal at di-ligtas na enerhiyang nukleyar para umano lutasin ang suliranin sa kuryente sa probinsya.
Nitong Oktubre, iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 10% o 130,000 indibidwal na Palaweño ang nabubuhay sa kronikong kahirapan (chronic poverty) o mas mababa sa antas ng karukhaan (poverty threshold). Bagama’t di hamak na malayo ito sa mas malaking bilang ng tunay na naghihirap na Palaweño, palatandaan ang ulat na ito ng di maitagong kahirapang dinaranas ng mayorya ng masa sa probinsya.
Kunyaring natigatig ang lokal na gubyerno sa mga dinoktor at pinaliit na mga datos na ito pero pawang mga buladas lamang at taliwas ang ipinakikita ng kanilang mga programa at patakaran. Sa buong taon, tinutukan ng lokal na gubyerno ng probinsya ang pagratsada ng mga proyektong imprastraktura na malinaw na papayong sa todong pagbuyangyang sa probinsya para sa mga engrandeng programang pang-ekoturismo at mga bagong kontrata ng mina. Kahit sa P4.58 bilyong panukalang pondo ng probinsya para sa susunod na taon, napakaliit na 6.29% lamang ang nakalaan para sa ekonomya. Samantala, malaking bahagi ng pondo na P1.4 bilyon ang nakalaan para sa pagpapatuloy ng mga proyektong imprastraktura. Kapansin-pansin ang tutok ng mga proyekto ay ang mga bayang itinakda bilang sentro at pauunlaring sentro ng ekoturismo sa probinsya. Kabilang sa mga ito ang Coron, Culion, San Vicente, El Nido, Puerto Princesa City, Bataraza at Balabac.
Resulta nito, tumutungo na sa isang panlipunang simbuyo ang di maampat na sosyo-ekonomikong krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Niyayanig nito ang dating pumosturang matibay na alyansang Marcos-Duterte na masasalamin sa kanya-kanyang balyahan at dupangan ng magkabilang kampo. Sa isang panig, gagawin ang lahat ng kampong Marcos-Romualdez para protektahan ang kapit sa estado-poder at sa kabilang panig, ng mga Duterte para muling agawin ang kapangyarihan at protektahan ang sarili sa tiyak nang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC). Inilantad mismo ni Eduardo Año na kasalukuyang National Security Adviser ni Marcos at dating masugid na alagad ni Duterte na nagpaplano ng kudeta ang huli sa dikta ng China. Kasabay nito, makikita naman ang labis na pangangayupapa ng reaksyunaryo at papet na rehimeng Marcos II sa interes at kumpas ng imperyalismong US para patunayan ang kanyang ganap na katapatan dito sa kapinsalaan ng bayan.
Ang pampulitikang simbuyong ito ay nakatakdang tumindi pa sa pag-igting ng pang-ekonomyang krisis. Habang kumikitid ang yamang pinag-aagawan ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri, lalo silang nagiging masiba at agresibo. Hindi malabong sadyang tumungo ito sa isang madugong kudeta at sukatan ng lakas sa pagitan ng dalawang paksyon ng naghaharing uri na nasa likod ang magkaribal ding imperyalistang kampo ng US at China.
Sa lahat ng senaryong ito, ang mamamayang Pilipino ang tiyak na talo—hindi na nga magkamayaw sa paghahanap ng kabuhayan sa araw-araw, magiging biktima pa sila ng madugong agawan sa kapangyarihan at kayamanan ng mga Marcos at Duterte. Walang dapat kampihan sa sinuman sa kanila ang mamamayan. Malinaw na sila ay kapwa kaaway ng sambayanang Pilipino—mga angkan na grabeng nagpahirap sa mamamayan para sa sariling kapakinabangan at para pagsilbihan ang mga dayuhang amo nila. Mahaba ang rekord ng angkan ng mga Marcos at Duterte sa kanilang mga krimen ng dambuhalang pagnanakaw sa kaban ng bayan at pinakamalalang paglabag sa karapatang tao at demokrasya ng mamamayan sa kasaysayan ng bansa kabilang ang pagmasaker sa buhay at kabuhayan ng masa.
Dapat lalong palakasin ang pakikibaka ng bayan para sa kanilang buhay, kabuhayan at karapatan. Sa gitna ng ganitong sitwasyon, lalong dapat pahigpitin ng mamamayan ang kanilang pagkakaisa para isulong ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa at manggagawang-bukid, pataasin ang presyo ng mga produktong bukid ng mga magsasaka,igiit ang kalayaan sa paghahanapbuhay ng mga mangingisda, itaas ang sweldo at bigyan ng karampatang benepisyo ang mga kawani, propesyunal at igiit ang makalidad at abot-kayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pabahay, kalusugan at hustisya para sa lahat ng biktima ng paglabag sa karapatang-pantao.
Ang mga pakikibakang ito ay dapat iugnay sa mas malalaking laban ng bayan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pagkakamit ng hustisyang panlipunan. Dapat palakasin at higit pang palawakin ang kilusan para sa pambansang demokrasya at kalayaan. Sa oras na pumutok ang kudeta sa pamumuno ng mga Duterte o ang gera sa pagitan ng US at China saanmang panig ng bansa, dapat itong labanan ng mamamayan sa pamamagitan ng pambansang digmang mapagpalaya. Pinatunayan ng mahabang kasaysayan ng daigdig na tanging sa pamamagitan ng isang rebolusyonaryong digma para sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo, mawawakasan ang digmang mapanakop at mapanupil ng mga imperyalista at lahat ng reaksyon. Panahon na para kamtin ng mga Pilipino ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya patungo sa sosyalismo.
Nasa pusisyon ang Partido Komunista ng Pilipinas para pamunuan ang pakikibakang ito at dalhin sa bago at mas mataas na antas ang digmang bayan. Sa loob ng 55 taon, pinatunayan nitong tanging ang PKP lamang sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan ang tunay na nagsusulong ng interes ng masang Pilipino. Ngunit magagawa lamang ng Partido na iahon ang sambayanang Pilipino sa gapos ng daantaong pagkaalipin kung kasabay ang malawak na hanay ng mamamayan sa pambansang kilusan at rebolusyon para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.#