8, pinatay ng AFP sa isang araw

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Walong indibidwal ang brutal na pinatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mismong araw na ginugunita ang ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar noong Setyembre 21. Lima sa kanila ay hors de combat at tatlo ang sibilyan. Noon namang Setyembre 29, pinatay ng mga pwersa ng estado ang isang organisador ng kilusang manggagawa sa Rizal.

Sa Masbate, namatay sa pamamaril ng mga sundalo at elemento ng CAFGU ang mag-asawang Jover “Dodo” Villegas, 40, at Aimee Villegas na taga-Sityo Basak, Barangay Luna, Placer. Pinalabas ng militar na mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na napatay sa engkwentro ang dalawa. Natanggal ang mata ni Jover sa dami ng tama ng bala sa kanyang mukha.

Sa Negros Occidental, minasaker ng 47th IB ang anim na indibidwal na sakay ng traysikel at bumabyahe sa Sityo Lubi, Barangay Tabugon, Kabankalan City. Pinatay sa insidente ang limang mandirigma ng BHB na hindi armado at wala sa katayuang lumaban, at ang kanilang sibilyang drayber.

Mga medik ng BHB sina Bobby Pedro (Ka Rekoy), Mario Mullon (Ka Goring), at Janice Flores(Ka Joyce.) Naka-medical leave naman ang mag-asawang Alejo de los Reyes (Ka Bravo) at Melissa de la Pena (Ka Diane) na noo’y 6-buwang buntis. Kinilala ang sibilyang drayber ng traysikel na si Robin Gaitan.

Sa Binangonan, Rizal, binaril ng mga pulis sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay si Jude Fernandez, beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno. Pinalabas siyang “nanlaban” kahit di siya armado.

Pag-aresto. Di makatarungang inaresto ng mga pwersa ng estado sa gawa-gawang kaso si Michael Eraña, 46, sa Barangay Nilumisu, Echague, Isabela noong Setyembre 21. Pinalalabas na nakakumpiska sa kanya ng mga baril, bala, granada at kagamitang militar.

Panggigipit. Noong Agosto, nakatanggap ang Community Empowerment Resource Network (CERNET), Inc. ng Central Visayas ng subpoena (pagpapatawag) mula sa Department of Justice kaugnay sa kaso ng “terrorist financing” ng 27 indibidwal na dati at kasalukuyan nitong mga upisyal at istap. Isinama sa kaso si Jaime Paglinawan, presidente ng AMA Sugbo-KMU, na kaugnayang organisasyon ng CERNET.

Kasabay nito, “binisita”at ginipit ng mga pulis noong Setyembre ang dalawang manggagawa sa tabing ng Executive Order 23 na nagbuo sa kunwa’y komiteng mangangalaga sa karapatan ng mga manggagawa na mag-organisa.

Pambobomba. Perwisyo ang idinulot ng dalawang araw na pambobomba ng 2nd IB at 5th Field Artillery Battalion sa mga bundok ng Bagulayag, Uac at Irong-irong sa Uson, Mobo at Milagros sa Masbate. Hindi bababa sa 46 ulit na kinanyon ng AFP ang lugar noong Setyembre 23-24.

Pamamaril. Nagpaulan ng bala ang mga sundalo ng 2nd IB sa hangganan ng mga bayan ng Cataingan at Palanas sa Masbate noong Setyembre 29. Nagdulot ito ng takot sa mga komunidad, laluna sa mga estudyante at guro. Napwersang magkansela ng klase ang mga paaralan sa mga apektadong barangay.

8, pinatay ng AFP sa isang araw