Editoryal

Tunay na reporma sa lupa at pambansa-demokratikong rebolusyon

, ,

Libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang nagbubungkal ng lupa o tunay na reporma sa lupa ang pinakasaligang solusyon, hindi lamang sa kasalukuyang kinakaharap na krisis sa pagkain at agrikultura, kundi pati sa pangkalahatang problema ng pagkalugmok ng ekonomya ng sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.

Ngayon, higit kailanman, lalong mahalaga at kagyat ang pangangailangang isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa sa harap ng pagsidhi ng paghihirap ng buong sambayanan, laluna ng masang magsasaka sa kanayunan.

Tumitingkad pang lalo ang panawagang ito sa harap ng krisis sa pagkain, at kabuuang krisis sa ekonomya. Pumapaimbulog ang presyo ng bigas kasabay ang 6.1% implasyon noong Setyembre, na nagpapatunay na walang saysay, hungkag ang mga pangakong kaginhawaan, at palpak at lalong pahirap ang mga hakbangin ng rehimeng Marcos.

Mataas ang presyo ng bigas na pangunahin ay dulot ng mataas na gastos sa produksyon, na malaking bahagi ay binubuo ng upa o buwis sa lupa laluna sa mga palayan, kaakibat ang mataas na presyo ng inaangkat na butil, kagamitan at iba pang sangkap sa produksyon. Laganap ang pagkalugi, pagkabangkarote o pagkalubog sa utang ng masang magsasaka.

Tigil o papaliit ang produksyon dahil sa atrasadong sistema sa pagsasaka. Sa kalakhan, manumano, nakasalalay sa ulan, maliitan, at pamilyahan pa rin ang produksyong pang-agrikultura sa Pilipinas. Hindi bababa sa 60% ng mga sakahan ay mas mababa sa isang ektarya lamang ang sukat. Mahigit 50% ng lupang binubungkal ay nasa kamay ng 11% lamang ng may-ari ng lupa. Iilang pamilya lamang ang nagmamay-ari sa libu-libong ektaryang lupaing pang-agrikultura. Walang saligang mga industriya ang bansa.

Tuluy-tuloy na pinapatay ng todong liberalisasyon sa importasyon ang lokal na produksyong pang-agrikultura. Dating nakasasapat sa sarili, ngayo’y umaabot sa 20% ang suplay ng bigas na inaangkat ng Pilipinas. Papalaki ang inaangkat o itinatambak na imported na sibuyas, mongo, iba’t ibang gulay, pati na karneng manok at baboy. Halos ganap nang pinuksa ng pag-aangkat ang lokal na produksyon ng bawang.

Mahigpit ang kontrol at manipulasyon ng kartel ng malalaking burgesyang komprador na komersyante at importer, sa suplay at presyo ng bigas at iba pang produktong pang-agrikultura. Bilyun-bilyong piso ang kanilang kinakamal sa labis na kapinsalaan ng taumbayan.

Mayorya ng sambayanang Pilipino ay binubuo ng mga magsasaka, manggagawang-bukid at populasyong nakatali sa agrikultura o likas na ekonomya. Pangunahin nilang problema ang kawalan ng sariling lupang masasaka. Pinalalala pa ito ng pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa, gayundin ng malalaking kapitalistang kumpanya sa pagmimina, plantasyon, ekoturismo at mga proyektong pang-imprastruktura, na nagtataboy sa daan-daan libong mga magsasaka sa kanilang lupa.

Lalo pang pahirap ang dinaranas ng masang magsasaka sa daan-daang mga baryong sinasakop at hinahawakan ng mga yunit ng militar at kumukontrol sa populasyon, komersyo at produksyon sa tabing ng kontra-insurhensya. Walang pakundangan ang paglabag ng mga pasistang galamay ng estado sa mga karapatang-tao at mga karapatang pang-ekonomya ng masa sa kanayunan.
Dahil walang tunay na reporma sa lupa, malawak ang pangangamkam, pagpapalit-gamit ng lupa, at walang kaakibat na industriyalisasyon sa bansa, palaki nang palaki ang sobrang pwersa ng paggawa sa kanayunan. Milyun-milyon ang walang lupa pero nananatiling itinatali ng libu-libong hibla sa ekonomyang agraryo. Pinahihirapan sila ng iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pang-aapi at pagsasamantala.

Aabot na sa 14 ang ipinatupad na huwad na programa sa reporma sa lupa sa Pilipinas sa nagdaang isang siglo, kabilang ang Presidential Decree 27 sa ilalim ng diktadurang Marcos at Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at CARPER sa ilalim ng mga sumunod na rehimen. Lahat ng ito’y huwad at mgapakitang-taong programa na hindi tumupad sa saligang layunin ng reporma sa lupa na libreng ipamahagi ang lupa sa mga nagbubungkal nito.

Huwad din ang ipinagmamalaki ng kasalukuyang rehimeng Marcos na New Agrarian Emancipation Act, na diumano’y para burahin na ang utang sa amortisasyon at ibigay na ang titulo ng lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng CARP. Sa harap ng paghahari ng malalaking asendero at dayuhang kapitalista, pagkabangkarote o pagkasadlak sa utang ng masang magsasaka, tiyak na hahantong lamang ito sa malawakang pangangamkam ng lupa sa anyo ng ligal o pwersahang “pagbili” ng mga titulo. Ang hakbang na ito ay kaakibat ng programa ng World Bank na palakasin ang pasok ng dayuhang kapital sa agrikultura.

Tulad sa ilalim ng programang Masagana 99 ng amang diktador na nagbaon sa daan-daan libong pamilyang magsasaka sa utang na humantong sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpatay ng mga lokal na binhi, itinutulak ni Marcos ngayon ang paggamit ng mga binhi ng palay na “high-yielding” o malaki ang ani na nakasalalay sa mamahaling mga pestisidyo, pabor sa interes ng mga dayuhang malalaking kapitalistang agribisnes, at taliwas sa kapakanan ng masang magsasaka.

Sa harap ng mga patakaran at hakbanging ito na taliwas sa interes at kapakanan ng masang magsasaka, dapat silang malawakang magkaisa, kumilos at lumaban upang paalingawngawin ang kanilang kahingian para sa tunay na reporma sa lupa at mga kaakibat na kagyat na hakbangin. Kaakibat nito’y dapat palakasin ang kanilang pakikibaka para ibaba ang buwis sa lupa o hatian sa ani pabor sa mga nagbubungkal ng lupa, pawiin ang usura, itaas ang presyo ng bentahan ng ani, at iba pang kagyat na pangangailangan.

Ang paglaban para sa tunay na reporma sa lupa ay nakakawing at ganap lamang na maipagtatagumpay sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong pakikibaka. Sa kabilang panig, hindi lubusang susulong ang pambansa-demokratikong kilusan kung hindi malakas na isinusulong ang kilusan para sa tunay na reporma sa lupa na siyang pangunahing demokratikong kahingian ng mayorya ng sambayanang Pilipino.

Ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa ang pangunahing bumubuo ng rebolusyong agraryo—ang buhay-at-kamatayang pakikibaka sa uri ng masang magsasaka para pawiin ang kapangyarihan ng mga panginoong may lupa. Isinusulong ito ng rebolusyonaryong kilusang masang magsasaka sa kanayunan sa pamamagitan ng Pambansang Katipunan ng Magbubukid (PKM) katuwang ang armadong pakikibakang isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan. Nagsisilbi itong batayan ng pagpupundar ng rebolusyonaryong lakas para sa matagalang digmang bayan.

Tunay na reporma sa lupa at pambansa-demokratikong rebolusyon