Mga kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala, tumitindi

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Dagdag sa dumaraming biktima ng pagdukot at sikretong detensyon ng rehimeng Marcos ang limang indibidwal sa magkahiwalay na insidente noong Setyembre.

Dinukot ng mga pwersa ng 4th IB noong Setyembre 19 sina Job Abednego David, Peter del Monte at Alia Encela sa Sityo Malaglag, Barangay Lisap, Bongabong, Oriental Mindoro.

Nag-iimbestiga noon ang tatlo sa mga pambobomba at panganganyon ng 203rd IBde sa lugar noong Abril. Inaalam din nila ang epekto ng pagkukwari ng armour rock sa maliliit na magsasaka at magkokopra sa bayan ng Bongabong.

Noong Oktubre 4, 16 araw matapos sila dukutin, nakumpirma ng mga grupo sa karapatang-tao na hawak sila ng 203rd IBde at ikinulong sa kampo militar nang walang nakasampang kaso.

Samantala, dalawang indibidwal ang dinukot sa Barangay Bantug, Gabaldon, Nueva Ecija sa pagitan ng ala-1 at alas-2 ng madaling araw noong Setyembre 29. Huling nakita ng mga residente ng naturang barangay sina Norman Ortiz at Lee Sudario na pwersahang isinasakay sa isang van ng kalalakihang nakaunipormeng sundalo. Nakapiglas ang isa pero nahuli rin at kinaladkad pabalik sa van. Noong Nobyembre 2022, inakusahan ng mga pulis si Sudario na lumabag sa Anti-Terrorism Act. Parehong nakaranas ng tuluy-tuloy na panggigipit ang mga pamilya ng dalawa bago ang pagdukot.

Sa Eastern Visayas, naiulat kamakailan na mayroong hindi bababa sa 10 indibidwal ang biktima ng pagdukot at sikretong detensyon ng Task Force Storm at 8th ID sa ilalim ng rehimeng Marcos. Pinaniniwalaang nakapiit ang mga biktima sa kampo ng 8th ID sa Barangay Maulong, Catbalogan.

Kabilang sa mga sikretong ikinulong ang dalawang bagong inang sina Mariel Rebato at Monica Ogacho at kani-kanyang bagong silang na mga anak.

Mga kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala, tumitindi