#ML51: Pagkilos laban sa tumitinding pasismo ng anak ng diktador

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Ginunita ng libu-libong Pilipino noong Setyembre 21 ang ika-51 anibersaryo ng pagdedeklara ng batas militar sa harap ng tumitinding pasismo at korapsyon ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. Inilunsad ng mga progresibong grupo sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan ang demonstrasyon sa Maynila kasabay ng mga pagkilos sa siyam na prubinsya at walong bansa sa ibayong dagat na may temang “Martial Law noon, Terror Law ngayon.”

Mahigit 6,000 ang nagmartsa mula sa Liwasang Bonifacio patungong Mendiola sa Maynila. Nanawagan sila ng hustisya para sa libu-libong biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa panahon ng diktadura at sa mga sumunod na rehimen. Pinatampok nila sa protesta ang panawagang ibasura ang Anti-Terrorism Act of 2020 (ATA). Anila, ang kultura ng kawalang pakundangan sa panahon ngayon at pagtatakip sa mga krimen ng estado ay bahagi ng “pamana ng batas militar” na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos II.

Bago nito, nagpiket ang mga organisasyon mula sa Southern Tagalog sa harap ng embahada ng US at sa Korte Suprema sa parehong araw. Naglunsad din ng mga protesta ang mga grupo ng kabataan sa 12 pamantasan sa Metro Manila. Sa Intramuros, pinangunahan ng mga bumabatikos sa pandaraya sa eleksyong 2022 ang isang misang bayan sa harap ng Commission on Elections.

Sa Baguio City, mahigit 800 kabataan ang lumabas sa kanilang klase at nagmartsa sa kahabaan ng Session Road. Sa Tacloban City, idinaos ang pagkilos mula sa loob ng UP-Tacloban. Naglunsad din ng maiksing programa ang mga kasapi ng progresibong samahan sa Cavite at Pampanga, at sa Legazpi City at Naga City.

Nagsama-sama sa isang misang bayan ang mga Negrosanon sa Escalante City, habang isang protesta ang inilunsad sa Bacolod City. Katulad na mga protesta ang isinagawa sa mga syudad ng Iloilo, Cebu, Davao at Tuguegarao.

Sa ibayong-dagat, nagdaos ng malaking protesta ang Malaya Movement USA sa New York City noong Setyembre 18, kasabay ng kongreso nito. Iginiit nitong wakasan ang ayudang militar at pondo sa pasismo ng gubyerno ng US sa rehimeng Marcos. Pinangunahan ng mga progresibong organisasyon sa US ang mga protesta at pagkilos sa siyam pang syudad sa US. Nagsagawa naman ng aktibidad ang mga organisasyong Pilipino sa Australia, Hong Kong, New Zealand, South Korea, Thailand, Japan, at Canada.

Pambabaluktot ng kasaysayan

Bahagi sa tema ng mga pagkilos ang pagsisiwalat sa mga kasinungalingan at pambabaluktot ng pamilyang Marcos sa kasaysayan. Binatikos ng mga grupo ang paglalabas ng memorandum ng Department of Education na pinamumunuan ni Sara Duterte na nagtanggal sa pangalang Marcos sa pagtalakay ng diktadura sa kurikulum sa elementarya.

Liban dito, binuhay at pilit ding pinalulunok ng pamilyang Marcos sa mamamayan ang mga programa ng dating diktador tulad ng mga Kadiwa Store, Masagana 99 at ang “rebranding” na Bagong Pilipinas mula sa “Bagong Lipunan” ng kanyang ama.

Tulad ng inaasahan, walang imik si Marcos Jr sa araw ng komemorasyon ng brutalidad ng kanyang ama. Walang kahihiyan pang naglunsad ng “pagbabalik-tanaw sa magagandang epekto ng batas militar” si Imee Marcos, kasama ang dating mga heneral ni Marcos Sr para kontrahin ang umano’y paninira sa kanilang pamilya.

#ML51: Pagkilos laban sa tumitinding pasismo ng anak ng diktador