Pagsasamantala at masaker sa trabaho sa industriya ng pananamit

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Hindi maitatago ng reaksyunaryong estado ang krisis sa empleyo sa tuluy-tuloy na pagkawala ng mga trabaho sa bansa. Noong Hulyo, di bababa sa 4.6 milyong Pilipino ang naitalang wala, kulang sa trabaho o “pinanghinaan ng loob” na makahanap ng trabaho sa loob ng anim na buwan. Matingkad ang krisis na ito sa mga sona ng paggawa o export processing zone (EPZ), laluna sa subsektor ng pagmamanupaktura ng damit.

Noong Setyembre lamang, inianunsyo ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP) ang pagtatanggal ng 6,000 manggagawa sa mga pagawaan ng damit sa Bataan at Cebu. Dagdag sila sa mahigit 10,000 sinisante sa subsektor noong 2022. Ang mga manggagawang ito ay nagtatrabaho sa malalaking dayuhang kumpanya na gumagawa ng mga kasuotan para sa kilalang mga tatak tulad ng Adidas, Juicy Couture, Gap at iba pa.

Pagdadahilan ng CONWEP, resulta ang pagsasara ng mga pabrika sa pagbaba ng demand para sa pananamit at iba pang produktong tekstayl (sapatos, bag), laluna sa US na pangunahing merkado ng mga tahing-Pilipinas. Anito, hindi malayong umabot sa 8%-10% sa 270,000 manggagawa sa subsektor ang mawawalan ng trabaho dahil sa “mahinang” pandaigdigang demand. Isinisisi naman ng mga upisyal ng reaksyunaryong estado ang mga pagsasara sa anila’y “mataas na sahod” ng mga manggagawa.

Isa sa mga manggagawang ito si Lisa, 45 taong gulang. Bago siya natanggal noong 2022, walong taon siyang nagtrabaho bilang mananahi sa isang pabrika sa Cavite. Kabilang sa mga tinatahi niya ang mga damit para sa tatak-US na kumpanyang Candies, Macy at Jennifer Lopez. Kasama niyang nawalan ng trabaho ang mahigit 1,000 pang manggagawa, kung saan kalahati ay kababaihan. Wala silang natanggap na separation pay o anumang benepisyo nang biglang isinara ang pabrika.

Sa buong panahon ng pagtatrabaho ni Lisa, tumaas lamang nang ₱86 ang kanyang sahod mula ₱315 noong 2017 tungong ₱401 noong 2022 (o sa abereyds na ₱10.75 kada taon). Wala siyang natanggap na ibang benepisyo liban sa minimum na itinakda ng estado.

Sa pagawaan, walang pahinga ang mga manggagawang tulad niya. Madalas na naghahabol ng oras ang maneydsment para iwasang magkaroon ng obertaym na lampas sa dalawang oras. Kanya-kanya rin ang mga manggagawa ng pagbili at pagdala ng de-klip na electric fan para makahinga sila dahil sa kakulangan sa bentilasyon at napakainit na pabrika. Wala silang regular na breyk liban sa pagkain sa tanghalian.

Regular na manggagawa at arawan ang pagpapasahod kay Lisa pero mayroon siyang kota alinsunod sa “linya” ng produksyon (pagtatahi ng manggas, kwelyo at iba pa). Kadalasan, itinatakda ang kota sa 7,000 piraso kada araw. Kapag di ito naabot, pinagagalitan siya at ang iba pang nasa kanyang“linya.”

Pagkalugi ang ibinigay na dahilan ng kapitalista sa pagtatanggal sa mga manggagawa. Pero hindi ito nagsara. Nitong 2023, nakapaskil pa sa internet ang bakanteng mga pwesto sa mga pabrika nito, kabilang sa Cavite at Las Piñas.

Lumaban ang unyong kinapapalooban ni Lisa at nagsampa ng kasong iligal na pagtatanggal at pambubuwag ng unyon. Wala itong resolusyon hanggang ngayon. Samantala, wala pang nakikitang bagong trabaho si Lisa at mga kasama niya, 11 buwan matapos sila sisantehin.

Sa mga kaso ng tanggalan sa Bataan at Cebu, hindi maipagkaila ng dayuhang mga kapitalista at lokal na upisyal na hindi tuluyang nagsara ang mga kumpanya. Inilipat lamang ng mga ito ang kanilang mga operasyon sa ibang bansa kung saan mas mababa ang gastos sa produksyon.

Hindi tuluy-tuloy na bumaba ang pandaigdigang demand para sa pananamit, tulad ng bukambibig ng CONWEP noong 2022. Katunayan, lumago nang 14% ang eksport ng subsektor sa Pilipinas sa unang hati ng taon, mula $1.009 bilyon tungong $1.155 bilyon.

Sa US, tinatanaw na lalago ang demand para sa pananamit nang 2.82% kada taon sa susunod na limang taon. Ayon sa mga analista, “panandalian” lamang ang pagbaba ng demand na dinanas noong panahon ng pandemya na idinulot ng mga problema sa suplay at transportasyon. “Optimistiko” silang lalago ang subsektor dala ng online shopping at pagtaas ng demand sa bagong mga merkado.

Sadyang katangian ng dayuhang mga kapitalista ang “ilaglag” ang mga manggagawang Pilipino sa hangad na paliitin ang gastos sa produksyon at magkamal ng mas malaki pang tubo. Animo’y pinapipili ng mga kumpanya ang mga manggagawa: matanggal sa trabaho, o tiisin ang mala-aliping sahod at di makataong mga kundisyon sa pagawa. Ang mga pagsisikap ng mga manggagawa na itaas ang kanilang katayuan sa buhay, tulad ng paggiit ng makatarungang dagdag-sahod at pag-uunyon, ay sinasalubong ng iligal na mga tanggalan, pambubuwag ng unyon at iligal na pagsasara ng mga pabrika.

Pagsasamantala at masaker sa trabaho sa industriya ng pananamit