Usura: Pangingikil sa kanayunan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Halos lahat ng maliliit at panggitnang magsasaka ay nangungutang para tustusan ang kanilang gastos sa produksyon. Ito ay dahil kulang na kulang ang kanilang kapital para tustusan ang lumalaking gastos sa mamahaling imported na input sa produksyon. Wala namang subsidyo ang estado para sa produksyong pang-agrikultura sa Pilipinas (hindi katulad sa Vietnam). Karamihan ng mga magsasaka ay bagsak ang kabuhayan, at natutulak sa bingit ng pagkabangkarote. Sa kalagayang ito, higit pang tumitingkad ang pangingikil ng mga mga usurero sa kanila sa anyo ng mapagsamantalang interes sa pautang.

Pagpiga ng mga ahensyang microfinance

Sa mga palayan sa Mindoro, karaniwang nangungutang ang mga magsasaka sa mga microlending agency, dagdag sa mga bangko. Habang sumisingil ang mga bangko nang 4% na interes, hanggang 15% ang sinisingil ng mga microlending agency kada anihan.

Karaniwang umaabot sa ₱90,000 ang kailangang utangin ng mga magsasaka sa mga bangko at microlending agency para sa pagtatanim ng palay sa 1.5 ektaryang lupa. Sa isang siklo ng taniman, mahigit ₱99,000 ang kanyang gastos para makapagprodyus ng 130 sako ng palay. Kung nasa ₱14 kada kilo ang bilihan, maaari siyang kumita ng kabuuang ₱100,100. Pero matapos ibawas ang gastos sa produksyon, nasa ₱968 lamang ang natitira sa kanya, katumbas ng ₱8 kada araw para sa apat na buwang pagsasaka. Lugi at walang-wala siya sa katayuang bayaran ang orihinal niyang utang.

Gayunpaman, lingguhan ang pagsingil sa utang at interes ng mga microlending agency gamit ang agresibong mga pamamaraan. Para itulak ang pangungulekta, “inoorganisa” ng mga ito ang mga magsasaka sa mga samahan o batay sa kanilang pananampalataya. Liban sa singil sa utang, pwersahang nangungulekta ang mga ito ng “seguro” at “impok” na nasisilbing “paunang bayad” sa susunod na mga utang. Hindi ito pwedeng gamitin o bawiin ng mga magsasaka para sa kanilang mga pangangailangan.

Kakailanganin mangutang ng mga magsasaka sa ibang ahensya para bayaran ang kanilang mga inutang, pati na rin para sa susunod na taniman. Walang pinatutunguhan ang kalakarang ito kundi ang pagkaremata ng lupa at iba nilang gamit sa produksyon.

Nagsimula ang microlending sa Pilipinas noong dekada 1990 sa tulak ng World Bank at Asian Development Bank. Hanggang ngayon, ang mga ito ang pinakamalaking pinagkukunan ng kapital, at tumatabo ng pinakamalalaking tubo. Isa rito ang Center for Agriculture and Rural Development (CARD) ng ADB na tinatayang may 1.3 milyong mangungutang sa buong Pilipinas. Sa abereyds, salit-salitang nangungutang ang mga magsasaka sa 2-3 microlending agency para sa araw-araw na gastos at para ipambayad sa umiiral nilang mga utang.

Pagsasamantalang komersyante-usurero

Sa Cagayan at Isabela, naglipana ang mga komersyante-usurero, isang tipo ng usurerong iniluwal ng monopolyong kapitalista sa agrokemikal at malalaking kumprador na sangkot sa produksyon ng binhing hybrid. Sa kasaysayan ng rehiyon, lumitaw at dumami ang mga usurerong ito sa panahon ng diktadurang Marcos kung saan itinulak ang paggamit ng imported na binhi na high-yield variety sa ilalim ng hungkag na programang “Green Revolution.”

Sa hilagang-kanlurang Cagayan, ang interes sa pautang ay umaabot ng 25%-35% kada taniman o 5%-7% kada buwan. Sa kapatagan naman ng timog Isabela, 5%-10% ang interes kada buwan. Kapag hindi nakapagbayad sa prinsipal at interes nito sa ikalimang buwan, ipapatong ang 5% sa prinsipal at naipong mga interes nito.

Hindi ligtas ang mga magsasaka sa pagbabayad kahit sa panahon ng mga kalamidad. May mga pagkakataon pang itinataas ng mga usurero ang interes sa gitna ng malawakang pinsala at trahedyang dulot ng malalakas na bagyo, pagbaha o pag-ulan.

Laging kakabit ng pagpapautang ang pag-obliga sa mga magsasaka na sa kanila lamang ibenta ang kanilang mga produkto. Sa kaayusang ito, dagdag pa nilang pinagsasamantalahan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng komersyanteng pandaraya. Ang mga komersyante ang nagtatakda sa presyo ng bilihan ng mga produkto at sila rin ang nagtatakda kung anong klase, tatak at presyo ng binhing mais, abono, pestisidyo at herbisidyo ang bibilhin sa kanila ng magsasaka.

Kalakhan sa mga usurero ay humihingi ng kolateral sa ipinautang, na sa karaniwan ay ang lupa o kalabaw ng magsasaka. Madalas ding katambal ng mapang-usurang pautang ang pang-aalipusta, kagaya ng pagmumura, paninigaw at kung minsan ay pananakit sa mga magsasaka.

Pagbabaon sa sistemang pabutang

Habang laganap ang usura ng mga komersyante at microlending agency, hindi pa rin nawawala at pinakamatindi pa rin ang tradisyunal na mga usurero sa kanayunan—ang mga panginoong maylupa. Matingkad ito sa Masbate, kung saan ibinabaon ng mga ito sa utang ang mga magsasakang nagmamay-ari na ng sariling lupa sa ilalim ng sistemang “pabutang.”

Sa isang ektaryang lupa, karaniwang gumagastos ang magsasaka ng ₱26,400 para makaani ng 48 sako ng palay. Sa ilalim ng pabutang, uutang ang magsasaka ng ₱10,000 para makaagapay sa gastos sa produksyon. Babayaran niya ito ng 20 sako ng palay. Sa bilihang ₱1000-₱1100 kada sako ng palay, tumataginting na 100% ang tubo ng usurerong panginoong maylupa.

Ibabawas pa sa ani ang walong sako ng palay bilang pambayad sa tatlong sakong inutang na abono. Sa katapusan ng ani, walong sako ng palay lamang ang natitira sa magsasaka. Kailangan niya itong paabutin hanggang sa susunod na siklo ng taniman.

Usura: Pangingikil sa kanayunan