October 8, 1964—November 10, 2023 Pulang Saludo kay Josephine “Ka Sandy” Mendoza
Ka Cecil, Ka Billy…iilan lamang ito sa mga pangalang nakilala ng mga kasama at rebolusyunaryong masa sa Palawan kay Ka Sandy. Sa rehiyong TK, tumayo siyang ikalawang pangalawang kalihim ng Partido at sa buong bansa bilang kagawad ng Komite Sentral. Pumanaw siya sa sakit noong Nobyembre 10, sa edad na 59.
Kabilang siya sa mga gumampan ng napakahalagang papel sa paghahanda para sa muling pagbabalik ng Hukbo at pagsusulong ng armadong pagkikibaka, ganundin sa pagsusulong ng hayag na kilusang masa at ng gawain sa nagkakaisang prente sa Palawan.
Una siyang kumilos sa Palawan noong 1995 bilang bahagi ng namumunong komite ng Partido sa probinsya. Pinangunahan nya ang pagbaka at pagbunot ng ugat ng NGOismo, ligalismo at environmentalismong nakaangat sa uri na sumagipsip sa hayag na mga pormasyong ligal. Matalas na nakibaka rito si Ka Billy at matatag na tumindig at tumalima sa pambansang panawagan ng Partido para sa kilusang pagwawasto. Bilang itinalagang kalihim ng Partido sa puting purok ng probinsya, kinumpuni ni Ka Billy ang mga organisasyon ng Partido at masa at epektibong pinamunuan ang pag-ugat nito sa mamamayan.
Huling bahagi (Disyembre) 1996, pinangasiwaan niya ang tatlong pangkat pagsisiyasat na itinalaga sa norte, gitna at timog na bahagi ng probinsya. Masigasig niyang inalam ang kalagayan at resulta ng gawain ng mga tim, ginabayan at inarmasan ang mga kasama sa pagharap sa mga hamon ng gawain. Sa panahong nabuo na ang mga sandatahang yunit pampropaganda (SYP), may mga panahong sumasanib sa mga yunit si Ka Billy. Kaya naman malalim ang kanyang paggagap sa sitwasyon ng gawain at ng mga kasama.
Kaalinsabay ng pagsulong ng armadong kilusan ang pagsigla at paglawak rin ng hayag na kilusang masa sa pamumuno ni Ka Billy. Mula sa mga nagpultaym na mga kasapi ng Partido sa white area, nakapagbuo ng mga organizing team na tumutok sa pagpapalawak at tumulong sa pagkokonsolida ng mga samahang magsasaka at mangingisda. Nagkakailan rin ang mga napapultaym na kabataang aktibista na produkto ng mga lokal na pakikibakang masa.
Sumulong rin ang gawain sa nagkakaisang prente at nabuo ang pamprobinsyang alyansa para sa karapatang pantao. Sumigla rin ang mga pagkilos ng masa at nakakapaglunsad ng mga pagkilos upang tugunan ang mga lokal na isyu–sa pagmimina, sa pagpapalayas sa masa sa Isla Sombrero, isyu ng masa sa asinan, at iba pa.
Maraming first time sa hayag kilusang masa sa Palawan noong panahon ni Ka Billy. Sa unang pagkakataon nakapagpaluwas ng mga organisadong masa mula sa Palawan upang lumahok sa kilos protesta sa Maynila noong huling kwarto ng 1997.
Unang pagkakataon rin na nakapaglunsad ng rally sa Puerto Princesa upang gunitain ang Human Rights Day noong 1997. Naging daan ito sa pagpapataas ng kamalayan ng masa hinggil sa kanilang mga karapatang pantao. Ito rin ang kauna-unahang pamprobinsyang kilos-protesta sa Palawan.
Pinakamalaking tagumpay ng komite sa pamumuno ni Ka Billy ang pagpapasampa sa hukbo. Masigla rin ang programa nito sa pagpapa-exposure at TOD ng pwersa mula sa puting purok.
Nang malipat sa ibang gawain sa saklaw ng rehiyon noong 1999, iniwan ni Ka Sandy ang probinsya na may tatlong sonang gerilya at malakas na komite ng Partido sa puting purok na magiging angkla ng tuluy-tuloy na pagsulong ng mga gawain sa mga susunod na taon at dekada. Bagama’t maiksing panahon lamang ang nailaan ni Ka Sandy sa Palawan, naging pangmatagalan ang bunga ng kanyang mga pagsisikap.
Kahit pa nalipat na si Ka Sandy sa ibang gawain, hindi niya kinalimutan ang mga usapin sa Palawan. Habang gumagampan ng namumunong papel sa pagpapasigla ng kilusang masa sa rehiyon mula 1999, dinala niya sa panrehiyon at pambansang entablado ang pakikibakang masa ng mga Palaweño. Kabilang sa mga ito ang nagpapatuloy na interbensyong militar ng US sa bansa, pagtatayo ng lihim na naval base ng US sa Oyster Bay, pagsadsad ng barkong pandigma ng US na USS Minesweeper sa Tubbataha Reef, laban ng mga magsasaka sa Yulo King Ranch, pakikibaka ng mga mangingisda, atbp.
Para sa mga Palaweño at mga rebolusyonaryong pwersa sa probinsya, si Ka Sandy ay isang mahusay na guro, pinuno at kasabay nito’y mag-aaral ng masa. Magiliw siya sa masa — ito man ay sa panahon ng mga pormal na pag-aaral at mga talakayan, mga simpleng integrasyon at kwentuhan, hanggang sa pagbabahagi ng kanyang angking galing sa pag-awit at paggigitara. Para sa mga kasamang nakasama niya sa gawain at napamunuan niya, hindi lamang siya isang mahusay na pinuno at taktisyan sa mga gitgitang labanan sa pulitika, kundi pati na rin sa iba pang aspeto ng buhay-rebolusyonaryo ng mga kasama. Huwaran din siya bilang isang babae at inang rebolusyonaryo at pinuno.#