₱20 bilihan ng sariwang palay, giit ng mga magsasaka sa Nueva Ecija
Naghain ng petisyon ang mga magsasaka sa Barangay Bantud, San Roque at iba pang barangay sa Guimba, Nueva Ecija para gawing ₱20 kada kilo ang minimum na bilihan ng sariwang palay ngayong buwan ng Hulyo. Anila, umaabot sa ₱14 kada kilo ang puhunan sa palay ngunit binibili lamang ito sa presyong ₱10-12. Sa kasagsagan ng anihan, may mga komersyanteng ibinagsak pa ang bilihan tungong ₱5/kilo.
Walang patuyuan at wala ring mga trak para madala ng mga magsasaka sa National Food Authority ang kanilang ani. Kulang sa pondo ang ahensya para maging kapaki-pakinabang sa kanila. Dahil dito, napipilitan silang tanggapin ang pambabarat ng mga komersyante.
Isa sa pinakamalaking prodyuser ng bigas ang Nueva Ecija, at ang Guimba sa partikular. Sa datos para sa unang kwarto ng 2023, nakapag-ani dito ng 345,547 metriko tonelada (MT) ng palay. Ito ay 39.8% ng kabuuang produksyon ng palay sa Central Luzon. Binubuo naman ng Central Luzon ang 18.1% ng pambansang output ng palay.
Noong Hunyo, nagtayo ang NFA ng ₱63.9 milyong Rice Processing System (RPS) II Facility sa Muñoz City. Mahigit 19 kilometro ang layo nito sa San Roque, at kayang magserbisyo sa hanggang 6,000 magsasaka. Sa Guimba pa lamang, mayroong tinatayang 7,500–15,000 magsasaka.
Liban sa ₱20 na bilihan, hiniling din ng mga magsasaka na ibasura ang Rice Liberalization Law (RLL) o RA 11203 dahil anila’y itinutulak lamang nito ang gubyerno na umasa sa agrikultura ng ibang bansa para sa pangangailangan ng mga Pilipino.
Mahigpit na sinuportahan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panawagan ng mga magsasaka sa Guimba.
Anito, ginagamit ng mga komersyante ang pagbaha sa merkado ng imported na bigas para ibagsak pang lalo ang bilihan ng lokal na palay. Sa kalagayang ito, nalulugi at lalong nababaon sa utang ang mga magsasaka sa palay. Tanging ang mga trader at importer ang nakikinabang.