Pagkakaisa laban sa mapangwasak na operasyong dredging sa Ilocos Sur

,

Nanindigan ang mga residente ng Ilocos Sur laban sa mapangwasak na operasyong dredging ng Isla Verde Mining and Development Company (IVMDC) sa bukana ng Abra River at sa bahagi ng West Philippine Sea na saklaw ng prubinsya. Sama-sama silang naglayag sa isang fluvial protest noong Hulyo 16 para igiit ang pagpapatigil sa operasyon na anila ay nakasisira sa kalikasan at kanilang kabuhayan. Nangangalap din sila ng pirma para sa isang petisyon laban sa dredging.

Sinimulan ang dredging noong Mayo 2024 sa tabing ng pagpigil sa pagbaha sa Vigan City, Caoayan at Santa. Pinahintulutan ang operasyon sa bisa ng kasunduan sa pagitan ng IVMDC at tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon noong Hunyo 2022. Binigyan ng permit ang operasyon ng Department of Public Works and Highways at Mines and Geosciences Bureau.

Hanggang noong Disyembre 2024, nakapaghukay na ang kumpanya ng higit walong milyong kubiko metro ng materyal mula sa Banaoang River na isang bahagi ng Abra River. Dinala ito sa Pasay City para gamitin sa isang proyektong reklamasyon.

Gumuguhong kabuhayan

Simula pa lang ng dredging o paghuhukay, inireklamo na ng mga residente sa 12 barangay ng mga bayan ng Santa at Caoayan ang ingay, mas matinding pagguho ng buhangin sa baybayin, at bumababang huli ng isda. Sa higit isang taon, bumaba ang nahuhuling isda sa lugar dahil natataboy ang mga isda ng malakas na ugong ng malalaking barko.

Kung dati ay nakapagbebenta sila ng ₱1,000 halaga ng isda, ngayo’y hindi na sila sapat na nakahuhuli nang kahit pangkonsumo lamang. Inireklamo rin ng mga mangingisda ang amoy at lasang gasolina na mga isdang nahuhuli malapit sa baybayin.

Natulak ang ilang mangingisda na pumalaot nang hanggang 30 milya ang layo mula sa baybayin para lamang makahuli ng sapat. Dahil dito, nagdagdagan ang gastos sa krudo mula sa dating ₱500 kada araw tungong ₱1,000 hanggang ₱3,000 kada araw.

Bumaba rin ang nakukuhang ipon (goby fry). Mula sa dating 100 lata (17 litro kada isa) na nahuhuli nila, nasa 30 lata na lamang ang napupuno nila sa kasalukuyan. Sa pagbaba ng suplay ay tumaas rin ang presyo nito sa merkado.

Lumulubog na mga komunidad

Sa halip na matugunan ang isyu ng pagbaha, nangangamba ngayon ang mga residente sa pagbaha dahil sa mas bumibilis na pagguho ng buhangin dulot ng dredging. Pinatindi nito ang posibilidad ng pagbaha laluna sa Barangay Dammay, at ng mga isla-barangay ng Oribi at Puro. Doble ang pag-aalala nila laluna at papasok na ang bansa sa panahon ng mga bagyo.

Isiniwalat ni Dr. Fernando Siringan, eksperto sa marine at coastal geology, na mali ang lugar ng operasyon ng dredging. Aniya, mayroong mga bahagi ng Banaoang River na dapat hukayin pero hindi ang erya kung saan isinasagawa ang dredging.

Aniya, magdudulot lamang ang kasalukuyang operasyon ng paggambala sa hindi matatag na bunganga ng ilog at hahatak ng mga latak mula sa mga baybaying-dagat patungo sa mga hukay na nilikha ng dredging na magreresulta sa pagpasok ng dagat sa maraming barangay. Lalo lamang nitong pinalalala ang problema sa pagbaha sa halip na tugunan ito.

Dagdag pa ng eksperto, mali rin ang ginagawang pagdala ng nakuhay na buhangin at graba sa Pasay City. Sa halip, dapat lamang umanong ilipat ang nahukay na mga materyal sa ibang bahagi ng ilog.

Reklamo ng mga residente, walang kahit anong pampublikong konsultasyon na isinagawa bago ang dredging. Nagkaroon lamang ng porum sa Barangay Rancho sa Santa noong Nobyembre 2024 nang nasa kalagitnaan na ang proyekto.

Sa harap ng mga ito, panawagan ng mga residente sa pangunguna ng Defend Ilocos Sur na itigil ang dredging sa pinakakagyat na panahon, bayaran ng kumpensasyon ang mga nawalan ng kabuhayan, isapubliko ang mga dokumento at siyentipikong pag-aaral hinggil dito, at panagutin ang kumpanya sa pangwawasak at epekto ng operasyon sa komunidad.

Pagkakaisa laban sa mapangwasak na operasyong dredging sa Ilocos Sur