Mga proyektong renewable energy, ganansya ng mga negosyante, pinsala sa mamamayan

,

Sa una niyang State of the Nation Address, inihayag ni Marcos na ang renewable energy (RE) ay ituturing ng kanyang gubyerno na susing sektor para diumano sa pagpapaunlad ng ekonomya ng bansa. Mula noon, naging agresibo at lantaran ang pangangamkam ng lupa at pagsira sa kalikasan para bigyang daan ang mga mamumuhunan sa RE sa bansa. Aabot sa 68% ng dayuhang pamumuhunan noong 2024 ay sa mga proyektong RE.

Sa ilalim ng National Renewable Energy Program (NREP), target na 50% ng enerhiya ng Pilipinas pagsapit ng 2040 ay mula sa RE. Binuo ito sa diumanong layunin na magkaroon ng “sustenableng mapagkukunan” ng enerhiya. Ang RE ay alinman sa enerhiyang biomass (pagbulok ng organikong materyal), solar (araw), wind (hangin), geothermal (mainit na singaw mula sa lupa) at hydropower (tubig).

Lalong pinadali at pinabilis ni Marcos ang pagbibigay ng permit at lisensya sa mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan sa RE. Noong Abril, nagbigay ang Department of Energy ng permit para sa 1,319 na proyektong RE, 39% o 517 dito ay proyektong solar. Ang Ilocos ang pang-apat sa may pinakamaraming proyektong solar, na may 53 proyekto. Target din ng estado na magkaroon ng 46,000 ektarya na solar farms pagsapit 2040.

Mabilis namang sinunggaban ng mga lokal na malalaking burgesyang kumprador ang mga proyektong RE sa bansa upang pakinabangan ito. Kabilang dito ang Solar Philippines New Energy Corp. (SPNEC) ni Manny Pangilinan, AC Energy Corp. (ACEN) ng mga Ayala, APC Group Inc./Philippine Geothermal Production Co. ng pamilyang Sy, Astra Solar Energy Corp. ng kumpanyang Aboitiz, San Miguel Global Power Holdings ni Ramon Ang at Energy Development Corporation (EDC) ng Lopez Group.

Isa sa pinakamapangwasak na RE na proyekto ay ang 3,500 ektaryang solar farm (mas malaki pa sa buong lupa ng Makati City at Mandaluyong) na pag-aari ng Meralco Terra Solar sa bahagi ng Bulacan at Nueva Ecija. Nakatakda itong maging pinakamalaking solar at battery facility sa buong mundo. Pagmamay-ari ito ng SPNEC at Actis, kumpayang nakabase sa United Kingdom.

Sasaklawin naman ng Laguna Lake Floating Solar Project ang 2,000 ektarya ng lawa sa bahagi ng Calamba, Santa Rosa, Cabuyao, Bay at Victoria. Pagmamay-ari ang proyekto ng ACEN at mga kumpanya mula Singapore at UK.

Kabilang sa pinakamalalaking offshore at onshore windfarm na itatayo ay sa San Miguel Bay, Camarines Sur, na sasakop sa 23,307 ektaryang katubigang pangmunisipyo ng San Miguel. May kapasidad itong 1,000 megawatts (MW) at pagmamay-ari ito ng Copenhagen Infrastructure New Market Fund Corp., kumpanyang mula Denmark at ACEN na may 25% na sosyo. Itatayo rin ang 1,200 MW Guimaras Strait OSWF na itatayo sa gitna ng Panay at Negros na pagmamay-ari ng mga kumpanya mula Switzerland at Liechtenstein. Itatayo rin ng ACEN ang 2,510 MW Quezon North Wind Farm sa Real, Quezon at ang 625 ektaryang North Luzon Renewable Wind Farm sa Pagupud, Ilocos Norte.

Nasa 99 na proyektong hydropower, na may kabuuang 4,000 MW, ang inaprubahan ng gubyerno sa Cordillera. Apat sa mga proyekto dito ay pagmamay-ari ng kumpanya mula Australia. Nakatakda ring magtayo ng tatlong geothermal power plant (GPP) sa rehiyon na lilikha ng kabuuang 300 MW na kuryente. Ang mga ito ang Buguias-Tinoc GPP na pagmamay-ari ng EDC, at Kalinga GPP at ang Mainit-Sadanga GPP na parehong pagmamay-ari ng APC.

Idinadahilan ng reaksyunaryong estado ang “pagharap sa krisis sa klima” para ilusot ang bilyun-bilyong halagang proyektong RE. Pero ang totoo, pinahihina ang kakayahan ng bansa na harapin ang mga unos ng pagbabago ng klima sa walang-awat na pagsira sa kalikasan para bigyang daan ang mga pasilidad na ito.

Malala, ilampung libong magsasaka, mangingisda at katutubo ang mawawalan ng kabuhayan at tirahan at libu-libong ektaryang lupang agrikultural, karagatan at kagubatan ang wawasakin sa ngalan ng malinis na enerhiya na monopolisado ng dayuhan at lokal na burgesyang kumprador.

Mga proyektong renewable energy, ganansya ng mga negosyante, pinsala sa mamamayan