Bantay ICC Pagdinig sa kaso sa ICC, ibinabalam ng kampong Duterte

,

Sunud-sunod na petisyon ang isinumite ng kampo ni dating presidente Rodrigo Duterte para ibalam ang pagdinig sa kanyang kasong krimen laban sa sangkatauhan sa Pre-Trial Chamber 1 ng International Criminal Court (ICC). Pinakahuli dito ang petisyon para sa “kagyat na status conference” na inihain noong Hunyo 17 para kwestyunin ang iskedyul ng pagharap ni Duterte sa korte sa Setyembre 23. Ginamit pa nitong dahilan ang kunwa’y mga “delay” o pagkabalam ng mga paghahanda ng prosekusyon.

Bago nito, ibinasura na ng korte ang iba pang mga “delaying tactic” ng mga abugado ni Duterte. Isa rito ang petisyon para idiskwalipika ang dalawang hukom na humahawak sa kanyang kaso. Noong Hulyo 3, tinanggihan ng plenaryo ng ICC ang kanilang kahilingan na alisin sina Judge María del Socorro Flores Liera at Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa Pre-Trial Chamber I.

Ayon sa ICC, walang basehan ang alegasyon ng kampo ni Duterte na may kinikilingan ang mga hukom dahil sa nauna nilang pagkakasangkot sa desisyon kaugnay sa usapin ng hurisdiksyon ng korte sa kaso. Nilinaw ng ICC na bahagi ng trabaho ng mga hukom ang muling pagtalakay sa mga ligal na usapin habang umuusad ang kaso, at hindi ito nangangahulugan ng pagkiling o bias.

Dalawa pang petisyon na pampabalam sa proseso ang isinampa ng mga abugado ni Duterte. Ang una ay ang hurisdiksyon ng korte kay Duterte dahil hindi na myembro ng ICC ang Pilipinas at ang pangalawa ay ang paghingi ng kanyang interim release o pansamantalang paglaya. Wala pang desisyon ang korte sa parehong petisyon. Sa kaso ng interim release, mariin itong tinutulan ng mga biktima, at kanilang mga abugado, at maging ng prosekusyon ng ICC.

Samantala, patuloy ang pag-usad ng kaso sa korte. Noong Hulyo 1, nagsumite ang prosekusyon ng ika-11 na bungkos ng ebidensya laban sa dating pangulo, kabilang ang mahigit 1,000 dokumento na sumasaklaw sa mga pagpatay mula sa panahon niya bilang meyor ng Davao City hanggang sa kanyang termino bilang pangulo.

Pagdinig sa kaso sa ICC, ibinabalam ng kampong Duterte