Galit at paglaban ng bayan sa pahirap at papet na estado sa Kenya
Muling sumiklab sa Kenya noong Hunyo ang galit at protesta laban sa anti-mamamayang panukala ng pagbubuwis at pagpapakatuta ng gubyerno dito. Noong Hunyo 25, libu-libong Kenyan ang humugos sa mga lansangan ng Nairobi, Mombasa, Kisii at ibang syudad para gunitain ang mga protesta noong nakaraang taon. Hindi bababa sa 16 ang napatay at mahigit 400 ang nasugatan nang marahas na buwagin ang mga ito ng mga pulis.
Noong Hulyo 7, 38 raliyista ang napatay, habang 107 ang nasugatan at mahigit 500 ang inaresto nang buwagin ng mga pulis ang mga demonstrasyon na gumunita sa ika-35 anibersaryo ng “Saba Saba” o “pito pito” sa wikang Kishwahili. Sa araw na ito noong 1990 inilunsad ang dambuhalang rali na nagtulak sa noo’y presidente ng Kenya na baguhin ang sistema ng paggugubyerno. Ginamit ng mamamayan ang okasyon para itulak ang pagpapatalsik sa kasalukuyang presidente ng bansa na si William Ruto.
Bumwelo ang mga protesta noong 2024 laban sa Finance Bill, isang panukalang magpapataw ng matataas na buwis sa batayang mga bilihin at serbisyo, magtatanggal sa mga subsidyo, at magbabawas sa badyet para sa mga panlipunang serbisyo. Dikta ng International Monetary Fund ang panukala bilang kundisyon sa pagpapautang. Layunin nitong palakihin ang kita ng estado para tiyaking makapagbayad ito ng utang, na nasa $76.6 bilyon noong Abril, katumbas ng 75% ng gross domestic product (GDP) ng Kenya. Napaatras ang panukala noong nakaraang taon pero hindi tuluyang ibinasura. Sa halip, tinadtad at tusong inilulusot ni Ruto sa parlamento ang pira-pirasong bahagi nito.
Para sa maraming Kenyan, kinakatawan ng Finance Bill ang neokolonyal at neoliberal na tunguhin ng rehimeng Ruto. Tiyak silang papasanin ng mga manggagawa at mahihirap na sektor ng lipunang Kenyan ang mabibigat na buwis. Batid nilang hindi ito kakayanin ng ordinaryong mamamayan na lugmok sa kahirapan, walang pormal na trabaho at nahaharap sa dati nang matataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo. Ikinagalit nila ang pagiging sunud-sunuran ni Ruto sa mga dikta ng imperyalistang institusyon.
Lumawak ang mga protesta tungo sa kilusang pagpapatalksik kay Ruto matapos ang serye ng mararahas na pambubuwag, maramihang pang-aaresto, dumaraming kaso ng pagdukot at sapilitang pagkawala ng mga lider-protesta, at mga pamamaslang.
Kasabay ng matinding krisis sa ekonomya ang krisis sa pulitika ng naghaharing uri. Aktibong hinahamon ang kapangyarihan ni Ruto ng dating deputy president ng bansa na si Rigathi Gachagua. Na-impeach si Gachagua noong 2024 sa mga kasong paglabag sa konstitusyon, panghahati batay sa etnisidad, at pagpapahina sa awtoridad ng gubyerno.
Kalagayan ng lipunan at mamamayang Kenyan
Atrasado at agraryo ang lipunang Kenyan. Nakaasa ang agrikultura nito sa maliliit at hiwa-hiwalay na produksyon. Binubuo nito ang hanggang 37% ng GDP at 40% ng kabuuang empleyo. Limitado ang industriya, at maliit ang bahagi ng pagmamanupaktura sa GDP (8%).
Sa nakaraang mga taon, dumanas ang bansa ng matinding krisis sa empleyo. Noong 2022, umabot sa 13.9% ang tantos ng disempleyo, pinakamalala sa hanay ng kabataan. Tinatayang 67% ng kabataang Kenyan, edad 15 hanggang 34, ang walang trabaho.
Samantala, nasa impormal na sektor ang 80% ng mga trabaho o higit 17 milyon sa kabuuang 20 milyon. Noong 2024, 90% ng bagong likhang trabaho ay impormal, karamihan sa maliitang pagtitingi at maliitang pagmamanupaktura.
Nakapako ang sahod ng manggagawang Kenyan sa $177/buwan (₱6,680) habang sinasabing nasa $138 (₱7,880) sa kanayunan at $299 (₱17,000) sa kalunsuran ang nakabubuhay na sahod para sa 5-kataong pamilya.
Labas sa mga syudad, nahaharap ang magsasakang Kenyan sa kawalang-lupa, maliliit na sakahan, atrasadong produksyon, di pagkakapantay-pantay na pag-aari ng lupa sa pagitan ng kababaihan at kalalakihan, at pangkalahatang kahirapan. Nasa 50% ng lupa ng bansa ang itinuturing na pang-agrikultura pero 20% lamang dito ang angkop sa pagsasaka. Ang 20-30% pa nito ay tinatamnan ng pang-eksport na mga pananim tulad ng tsaa, kape at bulaklak.