₱40 dagdag-sahod sa Metro Manila, tinipid at binarat—KMU

Inianunsyo kahapon ng Department of Labor of Employment (DOLE) ang pagpapatupad ng kakarampot na ₱40 na dagdag-sahod o katiting na 7% pagtaas sa National Capital Region matapos desisyunan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-National Capital Region (RTWPB-NCR) ang hiling ng mga manggagagawa. Ayon sa sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU), “tinipid at binarat na naman [ang mga manggagawa] ng rehimen.”

Sa inilabas na atas ng RTWPB-NCR noong Hunyo 26, tataas ang sahod ng mga manggagawa sa agrikultura, serbisyo at negosyong pagtitingi mula ₱533 tungong ₱573. Samantala, ang mga industriyang labas sa agrikultura ay makatatanggap ng ₱610 mula sa dating ₱570. Magsisimulang ipatupad ng baryang dagdag-sahod sa darating na Hulyo 16.

Ayon sa KMU, “kulang na nga ₱40 para makabili ng karagdagang isang kilong bigas para sa pamilya.”

Ganito rin ang sentimyento ng grupong Unity For Wage Increase (UWIN), isa sa mga samahang nagsampa ng dagdag-sahod sa RTWPB-NCR. Ayon sa unyonistang si Allan Labahata na kabilang mga nagpetisyon sa ilalim ng UWIN, “lubhang kulang po ‘yung 40 pesos… kami sa UWIN nag-file ng petition para dagdagan ng ₱530, ibig sabihin itaas sa ₱1100 ang arawang sahod.”

Sa NCR, inilagay ng IBON Foundation sa halagang ₱1,160 ang nakabubuhay na sahod para sa isang lima-kataong pamilya noong Abril. Ito ang ginamit na batayan ng UWIN para sa kanilang isinumiteng panukalang dagdag-sahod, ayon kay Labahata.

Patutsada ng UWIN, ni hindi umabot ang dagdag-sahod kahit sa kalahati man lamang ng isinumiteng panukala ng ibang mga unyon sa RTWPB. “Parehong di pinakinggan, ni kalahati ng anumang petisyon, hindi ibinigay,” anito.

Giit pa nila, walang alwan na maihahatid ang barya-baryang dagdag-sahod. “Anong alwan ang maidadala non? Di pa naibibigay, kinain na ng taas-presyo ang halaga? Patuloy ang aming panawagan: ibigay ang nakabubuhay na sahod,” ayon sa grupo.

Sa kabila nito, ipinabatid ng KMU ang kanilang pagpupugay sa mga manggagawa at unyon na naggigiit ng dagdag sahod. Anila ngayong nagkamit ng kakarampot na dagdag, “hindi ito nanggaling sa kabutihang loob ng administrasyon Marcos Jr kundi sa ating pagsisikap na isulong ang ating laban.”

Parehong ipinabatid ng KMU at UWIN ang pagpapatuloy ng kanilang kampanya para magkamit ng makabuluhang dagdag-sahod na tutugma sa halaga ng nakabubuhay na sahod sa bansa.

Samantala, nakabimbin pa rin sa 10 RTWPBs sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ng panukala ng mga manggagawang dagdagan ang sahod sa kanya-kanyang rehiyon.

AB: ₱40 dagdag-sahod sa Metro Manila, tinipid at binarat—KMU