2 batang nag-uuling sa Samar, pinaulanan ng bala ng 46th IB
Pinasabugan ng M203 at pinagbabaril ng mga sundalo ng 46th IB ang dalawang batang magkapatid sa Sityo San Pedro, Barangay 3, San Jose de Buan, Samar noong Enero 3 ng hapon. Ang magkapatid ay naghahakot ng pambentang uling nang makasalubong ng tatlong sundalo at bigla na lamang silang pinaputukan.
Natamaan ng bala sa dibdib, kamay at paa ang nakababatang kapatid at naiwan sa lugar na pinangyarihan ng insidente. Hindi na nalaman ng pamilya ang kinahinatnan ng bata na hanggang ngayon ay nawawala.
Samantala, ang nakatatandang kapatid ay nakatakbo mula sa pamamaril. Batay sa kanyang kwento, para iligtas ang sarili ay kaagad siyang lumusong at pinilit na makatawid sa binabahang ilog.
Ayon sa magulang ng mga biktima, bago pa mag-Pasko ay nag-uuling na ang magkapatid mula sa mga bao sa mga kalapit na niyugan. Naibebenta nila ito ng ₱26 kada kilo sa sentro ng San Jose de Buan. Nagsisikap umanong kumita ang magkapatid para makabili ng smartphone.
Anang pamilya, ang hinahakot na lamang ng mga bata nang makasalubong ng mga sundalo ay ang natira pa nilang uling na hindi naasikaso bago mag-Bagong Taon. Dahil umano sa kagustuhang makapagdeliber ng uling at makumpleto ang kakailanganing pera na pambili ng smartphone bago ang pista ng bayan ay sinuong ng magkapatid ang panganib ng bahang ilog.
Labis ang pagdadalamhati ng pamilya sa nangyari. Gayunman, natatakot ang pamilya na lumantad at magreklamo dahil sa nakaraang mga kaso ng pagpaslang sa mga magsasaka sa kanilang bayan. Nangangamba sila na kung magsusumbong ay gagantihan sila ng mga sundalo at mayroon na namang papatayin sa kanilang pamilya.