21-anyos na martir ng BHB-South Central Negros, pinarangalan

Binigyang-pugay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Mt. Cansermon Command) ang 21-anyos na si Anthony “Ka Bal” Ariola matapos mapaslang sa isang engkwentro sa Sityo Bulasot, Barangay Buenavista, Himamaylan City, Negros Occidental noong Agosto 10.

Nakasagupa ng yunit na kinabibilangan ni Ka Bal ang 94th IB na nag-ooperasyon sa naturang lugar. Magiting siyang nagtanggol at nakipagpalitan ng putok para makamaniobra ang ibang mga mandirigma.

Ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng yunit ng BHB, si Ka Bal ay isang “responsableng anak; at sa murang edad ay nagtrabaho para masuportahan ang kanyang mga magulang,” na sa kalauna’y naging daan sa pagkamulat niya sa tunay na kalagayan ng bayan. Nagmula siya sa isang pamilya ng mahirap na magsasaka.

Sa kanyang pahayag, isinalaysay ni Magbuelas kung paanong sumapi sa BHB si Ka Bal noong 19-anyos pa lamang siya at sa dalawang taong paninilbihan sa hukbong bayan ay nakitaan ng “walang-pagod na pagpapatupad pareho sa gawaing pulitika at militar.”

“Ang kanyang mga kakayahan ay malaking ambag sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon,” dagdag pa ni Magbuelas. Sa edad na 21, mahusay siyang sundalo ng aping mamamayan, matapang sa pagharap sa pasitang mga tropa, paglalarawan ni Magbuelas.

Kinilala rin ni Ka Juanito Magbanua, tagapagsalita ng Panrehiyong Operasyon sa Komand ng BHB sa Isla ng Negros, ang kabayanihan ni Ka Bal.

Samantala, pinabulaanan ni Magbanua ang sinabi ni 303rd Brigade commander BGen. Inocencio Pasaporte na nagkaroon ng isa pang engkwentro 500 metro ang layo mula sa naturang sityo noong Agosto 11.

Ayon kay Magbanua, walang-patumanggang nagpapatuok ang mga sundalo sa lugar at nagpasabog ng M203 para palabasing mayroong isa pang engkwentro. Dahil sa insidente, halos 10 pamilya ang nagbakwit mula sa sityo.

“Sa kabila ng mga kahirapan dulot ng malalaking mga operasyon, ang BHB…ay pursigido at determinadong sumulong sa armadong pakikibaka,” ayon kay Ka Juanito Magbanua.

AB: 21-anyos na martir ng BHB-South Central Negros, pinarangalan